Press Release
November 8, 2006

Transcript of Interview with Senate President Manny Villar
on DZRH with Joe Taruc and Karen

JT : Senate President una sa lahat ay meron bang katotohanan yung mga balita na diumano ay limang kagawad na ng Senado at kayo poy isa dito ang sumasang-ayon daw na isagawa ang con-ass sa pamamagitan ng Kamara de Representantes?

SPMV: Kahapon sa LEDAC, nagkakainitan kaya pinayuhan ko lang iyong aking mga kaibigan sa Mababang Kapulungan na kung gusto nilang magtagumpay sa con-ass, dapat mas maganda ang kanilang marketing efforts dahilan sa napaka-kumplikado ng kanilang mga panukala, napakaraming provisions. Ang sinasabi ko naman ay dapat isimplify nila iyon para mas marami silang makuha. Iyon ay isang payo. Wala naman akong sinabing ako ay sumusuporta na sa conass. Si Senator Enrile ay nagfile ng resolusyon kamakalawa para sa conass subalit iyon ay voting separately at ayaw naman ng Mababang Kapulungan.

JT : Nananaig iyon gusto ng Mababang Kapulungan?

SPMV: Hindi pa rin ganon kasimple iyon bagamat siyempre ayaw naman naming makipag-away sa Mababang Kapulungan at naiintindihan namin iyong kanilang kagustuhan. Nais naming ipaliwanag na kinakailangang pag-aralang mabuti at not necessarily bago mag-eleksyon, maaaring talakayin ito after elections sa maayos na paraan na talagang transparent o malinaw na talagang pag-uusapang mabuti at sa tamang proseso.

JT : Ibig sabihin meron lang itong possibility na matalakay after the 2007 elections?

SPMV: Medyo masikip na kasi sapagkat talaga namang halos Pasko na bagamat hindi ko naman sinasabing hindi ito tatalakayin ngayon dahil sa meron na ngang resolusyon at ito ay depende sa pakiramdam ng ating mga kasamahan, bibiblis ito o babagal. Kasi sa Senado, pag medyo ang consensus doon ay laban sa bill, hindi gumagalaw ang bill subalit pagka ang consensus doon ay medyo pabor, medyo bumibilis ang takbo. Kaya malalaman natin sa mga darating na araw kung ang panukala ni Sen. Enrile ay tatakbo nang mabilis o mabagal.

JT : Ito ay bitin pa sa kasalukuyan?

SPMV: Oo naman. Medyo premature ang statement ng ating kaibigan na si Mike Defensor.

JT: Na lima na ang pabor?

SPMV: Unang-una, wala naman doon iyong iba, iyong sinabi niyang pangalan--si Ralph Recto ay wala doon, si Sen. Angara ay wala doon at hindi naman nagsalita si Sen. Miriam Defensor. Siguro ang nais lamang naming sabihin ay hindi naman kailangang madalian iyan, hindi naman kailangang na hindi voting separately, baka pwede ding voting separately. Ang nais namin sabihin sa isang mahusay at tamang paraan na pwedeng pag-usapan iyang mga bagay na iyan.

JT: Iyon po bang koalisyon ninyo sa PMP, formalized na?

SPMV: Hindi pa iyan formalized subalit iyan ay isang posibilidad na pinag-uusapan namin at iyan ay dahilan sa nagbubuo ng grupo ang grupo ni Pangulong Estrada at inaamin ko naman na nag-uusap kami sa bagay na iyan.

JT: Ang iyong pangalan ay isa doon sa lumulutang para sa line up ng opposition para sa 2007 elections?

SPMV: Iyang posibilidad na iyan ay matagal na naming pinag-uusapan sapagkat unang-una, wala namang line up ang administrasyon. Pangalawa, mga kasamahan din naman natin iyang mga iyan. Ang Nacionalista Party naman ay isang partido na gumagawa ng posisyon depende sa mga pangyayari at oras. Sinabi namin na kami rito sa eleksyon na ito ay merong independent stance at open kami sa alliance kanino mang grupo.

JT : Ano pa po ang natalakay sa LEDAC meeting kahapon?

SPMV: Iyong mga panukala, medyo marami din. Bagamat marami na kaming naipasa nitong nakaraang sesyon, marami pa rin inirequest. Although kahapon pinasa namin iyong billboard bill na nagbaban ng billboard sa bansa, at anim na local bills. Pero iyong pinakiusap ng Malacañang ay maganda naman din ang kanilang mga sinabing panukala at bibigyan din namin ng atensyon. Karamihan ay sa larangan ng ekonomiya tsaka iyong anti-terrorism.

JT : Iyong anti-terror bill, napag-usapan ba iyan?

SPMV: Oo, napag-usapan iyan. Iyon naman ay nasa huling yugto ng pagpasa ng isang panukala, iyong tinatawag nating individual amendments o ang pinakahuling yugto bago magvoting. Talaga lamang sinusuri naming mabuti dahilan sa talagang medyo divided ang Senado dito. Karamihan sa amin gusto talaga ipasa iyan at naniniwala na dapat ipasa. Gusto lang maperfect at masiguro lalong lalo na ng mga oposisyon na hindi na naman magagamit ng administrasyon ito para lumabag ng karapatang pantao ng mga kababayan natin. Iyon lamang ang sinisiguro. But the moment na masiguro na iyon, palagay ko ay papasa na ito. (end)

News Latest News Feed