Press Release
November 9, 2006

Transcript of Interview with Senate President Manny Villar

Kayo po ba ay misquoted lamang o kayo po ay talagang sumusuporta na sa mga sinasabi ni Mike Defensor?

SPMV: Sa LEDAC, wala naman akong sinabi doon na ganyan. In fact, pinag-usapan doon sa LEDAC iyong issue na iyan at ang ipinaliwanag ni Senator Enrile ay iyong kanyang posisyon. Nagfile kasi siya ng kanyang bill sa chacha na payag sila sa chacha pero hindi sa ngayon, after elections pa tsaka voting separately, isang bagay na hindi naman tinatanggap ng Mababang Kapulungan. Kami naman marami sa Senado ang naniniwala na sa tamang panahon at sa tamang paraan, pwede namang pag-usapan ang chacha. Ang di lang mapagkaunawaan ay ang House of Representatives ay siyempre mas gusto nila bago mag-eleksyon. Ang sa amin ay after elections na pag-usapan at iyon nga, voting separately.

Pag nabuo na daw iyong tamang bilang ng pirma ng mga kongresista, ang Senado itsapwera na?

SPMV: Pwede nilang tangkaing gawin iyan kung makukuha nila iyong 195, pero hindi kami naniniwala na iyan ang legal at iyan ay dadaan na naman siguro sa Supreme Court kagaya nung mga nakaraang panahon kasi ang pagresolba rin ng mga isyu na iyan ay magagawa lamang ng Supreme Court. Kami ay naniniwala na hindi pwede iyan.

Siguro isa sa mga proseso nito ay kunsultahin ang Senado para walang rason ang Supreme Court na hindi ito dumaan sa tamang proseso?

SPMV: Kasi maliwanag sa akin, sa Konstitusyon iyon, na kailangan ang Senado. Bagamat siyempre ang Konstitusyon naman sa pangmatagalang panahon, wala namang masama na bagu-baguhin iyan, kung mga amendments lamang, subalit may tamang paraan diyan at may tamang panahon na nakasaad sa ating Konstitusyon.

Ano ang personal ninyong posisyon sa constituent assembly?

SPMV: Unang-una sa amin sa Senado, hindi naman prayoridad iyan at hindi na aabot iyan bago mag-eleksyon. Dapat siguro may eleksyon sapagkat magagalit ang tao pag walang eleksyon.

Hindi ba kayo magkakasamaan ng loob ni Sec. Mike dahil sa maling interpretasyon?

SPMV: Ganyan talaga sa larangan ng politika. Pagka nandiyan ka, sometimes nami-misquote ka, paminsan-minsan ay hindi nauunawaan, iyan ay natural lamang sa buhay namin.

Sino ang nasa isip ninyong kwalipikadong pumalit sa DND?

SPMV: Ang sa akin iyan ay karapatan ng Pangulo sapagkat iyan ay kanyang team. Bagamat naniniwala ako na magaling sanang Secretary of Defense itong si Nonong Cruz, still, naniniwala ako na ang Pangulo ay may karapatan na pumili ng kanyang gusto sapagkat ito ay kanyang team. Siya ang mananagot sa performance ng ating bansa kaya mahalagang ibigay sa kanya iyan. Of course, kung ako ang tatanungin mo, siyempre mas gusto ko iyong sibilyan ang i-appoint niya.

Magsasalita na daw si Nonong Cruz kung ano ang dahilan?

SPMV: Alam mo wala talaga akong idea kung ano ang nangyari diyan. Alam ko na napakalapit ni Sec. Cruz sa Pangulo at ang totoo niyan, marami talagang nagulat diyan. Isa na ako doon. (end)

News Latest News Feed