Press Release
December 15, 2006

Transcript of Radio interview with Senate President Manny Villar (DZBB)

Ano po ang reaksyon nyo sa pag-atras ni Pangulong Arroyo sa chacha?

SPMBV: Iyan ay pagtanggap sa katotohanan dahil nakita naman natin na nagagalit ang tao. Mabuti iyan para at least, maka-abante na tayo at makapag-trabaho na lahat at bumalik na sa normal ang bahay natin.

Nagagandahan kayo sa nangyari?

SPMBV: Oo naman . At least natigil na yang Con-Ass na iyan at magsisilbing signal iyan para sa lahat na mismong ang inaasahang namumuno niyan ay ayaw na rin. Dapat ay itiklop na muna natin ang isyung iyan.

Sa palagay niyo Mr. Senate President, kailan ang tamang panahon na pag-usapan ang pagbabago ng konstitusyon na mukha namang kahit anong panig ay aminado na kailangang may pagbabago sa konstitusyon kung talagang ayaw nating maiwan ng ibang bansa sa mundo?

SPMBV: Sa akin, tanungin na lang sa eleksyon sa Mayo ang tao kung ano ang gusto nila. Number 1: Gusto niyo bang amyendahan ang konsitusyon? Number 2: Kung gusto niyong amyendahan, sa paanong paraan? Concon o Con-Ass? Pagka-itinanong natin iyan sa Mayo, wala na tayong problema lahat. Sundin na lang natin kung ano ang gusto ng tao para hindi na tayo mag-away-away.

Para hindi na po nag-aaway-away?

SPMBV: Oo. Kung iyon ang gusto ng tao, di baguhin natin. Kung gusto nila ng Concon, eh di Concon.

May mga pagdinig na ginagawa ang Senate Committee on Constitutional Reforms at meron ding mga resolusyon tungkol sa pagbabago ng konstitusyon. Ano po ang mangyayari sa mga iyan ngayong mismong si Pangulong Arroyo na ang umatras sa pagsusulong sa konstitusyon, sa ngayon??

SPMBV: Tinatalakay namin iyang mga iyan at maayos namang tumatakbo ang mga ito at kami naman ay wala pang ipinapasang panukala tungkol dito. Wala naman kasing pagmamadali dito dahil hihintayin pa namin kung ano ang ipapasa ng kamara. Kami naman ay tuloy ang pagdinig sa sentimyento ng ibat-ibang sektor tungkol sa pagbabago ng konstitusyon. Tuloy lang kami pero hindi kami nagmamadali. Pasko na at wala na talagang oras para mabago ang kosntitusyon bago mag-eleksyon. Pero tuloy lang ang aming hearing dahil hindi naman matatapos ang isyu kahit pagkatapos na ng eleksyon, para kumpleto ang aming mapapakinggan at iko-consider na desisyon.

Sa palagay niyo ba ang pahayag na ito ni PGMA ay makakapagpahupa na dito sa kaliwat-kanang ingay na ito ke pabor man o tutol sa chacha lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan, Mr. Senate President?

SPMBV: Makakatulong din kahit paano. Of course, titingnan muna natin kung ano ang mangyayari sa Linggo, sa pagdarasal ng ating mga kababayan sa Luneta. Kung iyon naman ay magiging maayos at wala namang magiging problema, pagkatapos noon, palagay ko, pwede munang kalimutan natin ang Con-Ass completely at nang tayo ay maka-abante na.

News Latest News Feed