Press Release
March 20, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (RMN)

Ano po ang masasabi niyo sa latest survey na nagsasabing tumataas na naman ang bilang ng mga nagugutom na mga Pilipino?

SPMBV: Dapat itong bigyang atensyon ng mga namamahala ng gobyerno pati na rin kami sa Senado dahil sa kabila ng sinasabing gumagandang ekonomiya, lalo namang dumarami ang nagsasabing nagugutom sila. Sa SWS survey ngayon, 19% o 3.5M household ang nagsabing sila ay nagutom. Dapat may programa ang gobyerno dito para iyong benepisyo ng malakas at masiglang ekonomiya na kanilang sinasabi ay matikman naman ng mga mahihirap nating kababayan. Sa tingin ko, basta na lamang pinapasigla ang ekonomiya, pero wala namang programa para makarating ito sa mahihirap. Ako, may programa na dito, ngunit di ko ito kayang mag-isa. Habang umiikot ako, lalo kong nakikita ang problemang ito at doon ko ibinabase ang programang aking itutulak at umaasa ako na makakakuha ng suporta at kasama sa hangaring ito. Kaya namang bawasan ang problema ng pagka-gutom sa pamamagitan ng No. 1, sa agriculture. Kalahati kasi ng populasyon ay umaasa sa agri sector at kung mababawasan ang katiwalian sa agriculture at madadagdagan pa natin ng pondo, magkakaroon ng mas magandang pamumuhay ang mga magsasaka at mangingisda. Iyan ay malaking kabawasan sa problema ng pagkagutom. Pangalawa, yung sa edukasyon. Kulang ang hanapbuhay ngayon kaya dapat ma-reform ang edukasyon nang sa gayon ang mga high school graduates ay makakuha ng kurso na may naghihintay na trabaho. Sa ngayon kasi, mas marami ang kumukuha ng kurso na wala namang naghihintay na trabaho after graduation. May mga kompanya na nangangailangan ng maraming empleyado pero wala silang makuha dahil yung mga graduates nati ay ibang kurso ang kinuha. Pangatlo, ang pagbibigay ng incentive sa mga dayuhang konpanya na makakapagbigay ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.

Ang isyu po ngayon ay tungkol kay Ka Satur Ocampo. There was a time na niyayaya ng gobyerno ang mga rebelde na bumalik sa mainstream. Ngayon, mukhang natitikis po sila. Ano po ang tingin niyo sa nangyayari ngayon?

SPMBV: Mas mahihirapan tayo kapag namundok ulit sila. Pangalawa, nababahala ako sa parang pattern ng gobyerno na mistulang lumalakas ang loob at sunod-sunod ang mga pag-violate sa human rights. Ang sinasabi ko nga sa ating mga kababayan na maaring kay Ka Satur lang ito nangyayari sa ngayon, pero darating ang araw na marami na palang ordinaryong mamamayan ang may ganitong problema. Nandiyan yung idemanda ang mga taga media ng libel, sa senado naman, di dumadalo ang mga pinapatawag na government officials para magpaliwanag sa mga posibleng anomalyang nangyari at napakarami pang issue katulad ng pag-iimbestiga sa extra judicial killings. Medyo dumarami ang ganitong pattern at ako ay nababahala dahil hindi narin malamang kung kailan ito titigil. Magwawakas na ba ito kay Ka Satur o magtutuloy-tuloy pa? Sinu-sino pa ang mabibiktima nito? Nakita rin natin kung paano tinatanggal ang mga local officials pa ang mabibiktima nito? Nakita rin natin kung paano tinatanggal ang mga local officials na nasa oposisyon. Nababahala talaga ako dito at kahit paano sana ay maipakita ng sambayanan ang kanilang hindi pagpayag sa mga ganitong pangyayari sa Mayo. Yun ang paraan para maipakita nila ang kanilang galit.

Hindi ho kaya ito pagtatakip lang ng kasalukuyang administrasyon matapos silang kwestyunin ng UN sa extra judicial killings kaya binabaliktad nila at isinasabit ang mga lider ng mga militanteng grupo?

SPMBV: Posible rin. Maaring iyan ay strategy. Subalit, dapat din nating isipin na eleksyon ngayon at maarin rin itong ginagawa para sa halalan. Mukhang nangunguna sa survey ang mga party list na kasama ni Ka Satur kaya maaring ginagawa ito para mademoralize ang mga supporters niya.

Kumusta na po ang pag-iikot niyo sa ibat-ibang palengke sa buong bansa, Senator?

SPMBV: Napakaganda at akoy masayang-masaya sa ginagawa kong ito. Para kasi malaman mo ang tunay na sentimiyento ng isang lugar, dapat doon ka sa palengke pumunta dahil diyan sa palengke, walang hakot diyan, walang fake diyan. Iyan talaga ay mga taong namimili, nagtitinda at kung ano ang reaksyon nila sa iyo, iyon na talaga ang reaksyon ng mamamayan. Hindi fake. Kaya ako natutuwa, at home na at home ako dahil maalala ko yung mga panahon na ako ay nagtitinda ng hipon. Matagal-tagal akong nagtinda ng hipon at masaya ako na nakakabalik ako sa aking pinanggalingang buhay. Nakikita ko rin naman na marami pang suliranin an gating mga palengke at mga vendors.

Sa lahat ho Senador, mukhang kayo talaga ang nakaka-relate sa palengke dahil talagang nanggaling kayo diyan.

SPMBV: Oo, at doon kami binuhay nang nanay ko. Kaya kami namang magkakapatid, diyan na rin kami nabuhay kaya at home kami sa palengke.

News Latest News Feed