Press Release
April 2, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (DZRH)

Maganda ang ipinaliwanag niyo sa business community tungkol sa pagnenegosyo ng ating mga kababayan. Magandang linawin natin ng mabuti para maintindihan ng ating mga kababayan

SPMBV: Nakatanim na kasi sa ating mga kaisipan na tayong mga Pinoy ay hindi kayang magsarili at hindi kayang palakihin ang ating maliliit na hanapbuhay. Ngunit,sa totoo lang, yung mga Japanese at mga Amerikano ay walang pagkakaiba sa atin. Epekto na rin siguro ng 400 taong pananakop sa atin ng mga Kastila at mga Amerikano,kaya ang karamihan sa ating mga kababayan ay gusto na lamang mag-trabaho at maging empleyado. Yung iba mahihina ang loob. Pero dapat, ang pagsasarili ay siyang dapat ambisyunin ng ating mga kababayan at hindi dapat tingnan na ginagawa lamang dahil wala silang mahanap na trabaho. Ang mga Chinese, nagta-trabaho lang pag wala ng mahanap na negosyo. Sa atin naman, nagnenegosyo ka lang dahil wala kang mahanap na trabaho.

Saka lang pumapasok sa negosyo ang ating mga kababayan kapag nakikita nila na kikita agad sila. Walang sipat at tiyaga.

SPMBV: Hindi ko nga sinasabi na yung malalaking negosyo ang agad na pasukin nila. Ang sinasabi ko lang, pag nagtitinda ka ng mani, turon, isda,hipon, iyan ay pwedeng pagsimulan niyan. Nung nagtitinda ako ng hipon, pinangarap ko na pati isda ay ititinda ko na rin. Ang pangarap ko noon unti-unti lang. Mula sa hipon, isda, at after a while, napunta na sa sugpo. Kahit paano, may pag-asenso. Sa ganiton kaisipan,magugulat ka na lang isang araw na ikaw ay malaki ng trader ng malaking seafoods.

Hindi rin naman maaari yung magnenegosyo ka ngayon, gusto mo kinabukasan ay mayaman ka na.

SPMBV: Maraming paghihirap, pero masarap din. Minsan lugi,konti lang ang kita,pero isipin mo na lang na wala kang boss. Masarap ang pakiramdam na wala kang boss at walang magse-sermon sa iyo. Sana ay maisip ng ating mga kabataan na masarap na walang boss, walang nagagalit sa iyo. Ang hindi ka masermunan ay isang napakagandang pakiramdam at pag natikman nila iyan, din a sila magta-trabaho.

Iyan po ba ang ipinapakalat niyong impormasyon sa mga estudyante?

SPMBV: kaya ko naman ginagawa iyan ay dahil marami sa ating mga graduate ang hindi marunong maghanapbuhay. Sinasabi ko sa kanila na ako ay nagtinda ng isda noong araw. Hindi kayo maniniwala, pero yung banig naming magkakapatid, isa lang. Yung kulambo namin,isa din lang, magkakatabi kami lahat. Pag huli kang dumating,sisingit ka na lang. Ang ibig kong iparating sa ating mga kababayan,wag silang mawalan ng pag-asa dahil sila ay mahirap.

Ibig niyong sabihin, hindi balakid ang pagiging mahirap?

SPMBV: oo naman. Unang-una, kung wala kang pera, wala namang mawawala sa iyo, dahil wala ka namang pera. Look at the positive side. Sipag at Tiyaga lang talaga ang kailangan, lakas ng loob, maging desidido ka lang. Mag-umpisa kang mangarap sa maliit, at iyang pangarap na iyan ay lalaki din.Tingnan mo ang ginagawa ng magulang mo,kasi yung iba, yung magulang nila nagtitinda ng hipon o manok, tulungan mo muna. At pakonti-konti,magtayo ka ng sariling pwesto. Dalawa na kayo ng nanay mong naghahanap-buhay, magkahiwalay na ang tinda niyo, may sarili ka nang kita. Baka nga, mas lumaki pa ang tinda mo kaysa nanay mo, at mula doon, bukas-makalawa, malayo na pala ang narating mo.

Mr. Senate President,totoo po ba na ang inyong butihing ina, si Nanay Curing, ay nagtitinda pa rin hanggang ngayon?

SPMBV: Totoo iyan. Ayaw niyang tumigil. Nagpatayo ako ng bahay para sa kanya malapit sa amin. Sabi niya, Manny, pwede ka bang magpatayo ng sari-sari store sa harap,kasi wala naman akong gagawin. Pinagre-retiro ko na nga iyan sa pagtitinda, ayaw talagang tumigil. Ngayon, tuwing umaga at umaga, nandoon siya sa kanyang sari-sari store. May katu-katulong siya sa pagtitinda. Nag-eenjoy naman siya. Yumao na kasi ang tatay ko kaya mag-isa na lang siya sa bahay, kaya yung sari-sari store ang kanyang libangan.

Iyan ang dahilan kung bakit ang inyong pinagmulan ay hindi ninyo malilimutan?

SPMBV: Yun ang turo niya sa akin, na wag kalimutan ang aking pinanggalingan. Kaya ngayon, ang kampanya ko, puro palengke ang aking pinupuntahan. Sa palengke naman kasi, totoo ang mga tao doon, walang fake. Yun naman ang masaya dahil walang plastikan sa palengke. Pag galit sa iyo, galit sa iyo. Pag natutuwa sa iyo,natutuwa talaga sa iyo. Pag matabang ang pagtanggap sa iyo, makikita mo talaga ang totoo.

Doon niyo mage-gauge kung iboboto kayo o hindi ng mga tao

SPMBV: Totoo iyan. At saka ang problema ng bayan ay malalaman mo sa palengke. Doon, hindi maitatago. Hindi hakot yun eh.

Wala pang libreng meryenda doon.

SPMBV: At wala ka ring ibinabayad sa kanila.kaya kung ikaw ay kandidato at ayaw mong lokohin ang sarili mo, sa palengke ka magpunta.

Kaya pala sa lahat ng mga bayan na pinupuntahan niyo, palengke talaga ang inuuna niyong puntahan.

SPMBV: Oo. Unang-una, gusto kong bumalik sa pinanggalingan ko at doon mo talaga malalaman ang istorya ng buong bayan. Nandun lahat sa palengke. Yung mga taong medyo mahirap o medyo mayaman, lahat ng klase ngtao, makikita mo sa palengke. Kung magaling yung mayor, makikita mong maayos ang palengke.

So, tuloy-tuloy po ang inyong palengke tour at ang paghikayat sa mga estudyante na mag-entrepreneurial revolution.

SPMBV:Pag nagtuloy-tuloy iyang entrepreneurial revolution, iyan ang makakalutas sa kahirapan natin. Hindi kailangang matalino ang isang estudyante. Kahit bahagya ka lang pumasa, pwede na. Kayat hindi dapat mawalan ng pag-asa ang ating kabataan. Kahit hindi mataas ang grade, may pag-asang magsarili sa pagnenegosyo.

Mr. Senate President, nais naming kayong batiin dito sa result ng Pulse Asia survey sa trust rating.

SPMBV: Nakakatuwa ang mga ganyang bagay. Ang totoo niya, kaya ako lalong ginagahan ay dahil sa resulta ng mga surveys. Dahil diyan, nag-iba ang objective ng aking kampanya. Ngayon, hinahanap ko na lang ng kadahilanan kung bakit tayo mahirap at kung paano makakatulong para ito ay mabawasan. Alam nating lahat na matagal ang solusyon sa kahirapan.

Saan po ninyo maa-attribute ang pagiging number 1 ninyo sa pinagkakatiwalaan n gating mga kababayan?

SPMBV: Hindi kasi tayo nadadawit sa mga anomalya at kahit paano, ipinagmamalaki natin ang trabaho ng Senado. Apat na doble ang ipinasa naming panukala kumpara sa mga dating performance ng Senado. Syempre, nanindigan din tayo bilang independent na Senado. Palagay ko nagsama-sama iyang mga factors na iyan kaya nakakuha ako ng magandang ratings.

Pero kung ikukumpara ang ratings niyo sa iba, malayung-malayo

SPMBV: Siguro, naghahanap na ang tao ng performance dahil gusto na rin siguro nilang umunlad ang buhay nila. Mahirap naman kasi yung mga pangako lang. Mabuti na rin yung bukod sa may programa sa mga darating na taon, may nagawa ka rin sa nagdaang taon para kapani-paniwala ang iyong mga programa.

Anu-ano po ba iyong mga naipasang panukala ng Senado sa ilalim ng inyong panunungkulan?

SPMBV: Unang-una, yung magbibigay benepisyo sa mga mahihirap. Kasama na dito yung pagbabawal sa pag-detain ng pasyente sa mga ospital, yung mas malawak na benepisyo para sa mga katulong dahil iyan din ang isang sektor na napapabayaan. Nagpasa rin tayo ng maraming benepisyo para sa mga may kapansanan at para samga government workers, nagpasa tayo ng 10% na kanilang dagdag-sahod. Pinalakas din ang Public Assistance Office para sa mga mahihirao na walang abogado. Hindi ho dati napapansin ang upisinang iyan, kaya pinalawak namin ito at binigyan namin ng mas maraming abogado. Ang naging thrust ko ay pagtibayin ang batas para sa mga mahihirap, pati na yung sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Binigyan din namin ng insentibo ang mga mangangalakal para mag-create ng mga bagong trabaho para sa ating mga bagong graduates. Yung tax amnesty ipinasa rin namin iyan. Pati yung vat exemption na hinihingi ng senior citizens, itinutulak din namin iyan dahil yung dating 20% na discount ay naging 8% na lang dahil sa 12% Vat. Yung mga sektor na nakakaligtaan ay binibigyan namin ng pansin sa Senado pati na ang mga OFWs. Yung P500M repatriation fund, pasado na iyan. Pinalakas din namin ang POEA para maganda ang serbisyo na maibibigay sa mga OFWs na lalabas ng bansa. Pati sa kalusugan, yung anti-rabies bill at iba pang panukala para sa kalusugan ng mamamayan ay inaksyunan din namin sa Senado. Halos kalahati ng ating populasyon ay dumedepende sa agrikultura kaya may mga ipinasa din kaming batas para sa kapakanan ng agri sector. Dapat talaga i-release ang AFMA fund dahil P20B iyan per year. Ang problema, hindi nare-release. Tatlo ang nakikita kong problema sa agri sector: una-hindi nare-release ang AFMA fund; pangalawa-umiiyak an gating magsasaka sa talamak na smuggling ng agri products halimbawa na ang sibuyas at bigas; no. 3- corruption, yung mga fertilizer at mga binhi, nawawala.

Saan naman ang lakad niyo ngayong Lunes Santo?

SPMBV: Sa Mindanao tayo ngayon. May graduation event akong pupuntahan. At dahil nga Holy Week, makikipagkwentuhan lang tayo sa ating mga kababayan doon. May mga graduation kasi akong natangu-an na nataon naman ngayong Lunes Santo kaya pupuntahan ko rin. Sa ganitong mga pagkakataon, naipapa-abot ko sa ating mga kabataan na pagsikapang kumuha ng kursong akma sa mga available na trabaho sa bansa. May mismatch kasi ng mga kurso. Maraming empleyado ang hinahanap ng mga kompanya pero hindi nagma-match ang mga kursong tinapos ng mga estudyante sa kolehiyo. Kaya kung mare-reporma ang problema na ito,malaki ang maitutulong nito sa ating ekonomiya.

Hindi lang talaga kayo nangangampanya? Ibinabahagi ninyo sa mga tao ang nararapat na gawin para umunlad sa bahay.

SPMBV: Totoo iyan. Ayoko naman kasi ng puro pangako lang.

Ano po ang mensahe ninyo sa taumbayan, Mr. Senate President?

SPMBV: Sana magkaroon tayo ng katahimikan ngayong Semana Santa.Samantalahin natin ang panahon ng Kuwaresma para tayo ay makapag-isip kung ano ang ikabubuti ng ating sarili, pamilya at bayan. Bigyan natin ng panahon ang Diyos. Talagang inireserba ang isang linggong ito para sa pagninilay at sana gawin natin ito para sa ikabubuti ng ating mga sarili.

News Latest News Feed