Press Release
April 14, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (RMN)

Mr. Senate President, hanggang ngayon po ay di pa bumubuti ang kalagayan ni First Gentleman Mike Arroyo. Ano po ang masasabi niyo tungkol dito?

SPMBV: kahit ako ay nasa kabilang panig, ako ay nananalangin din na gumaling si First Gentleman dahil kawawa naman ang Pangulo natin. Nakikita ko na normal naman ang takbo ng ating gobyerno. Isipin na lang natin na maski tayo ay nasa kampanya ngayon , pag may nangyari na ganyan, tigil na muna ang mga pagpuna. Igalang natin ang damdamin ng Pangulo sa mga panahong ito.

Hindi daw po satisfied si dating pangulong Estrada dito pos a latest political ad ng GO. Sa tingin niyo ba, makaka-apekto ito sa kampanya ng GO lalo na sa inyo bilang isang guest candidate?

SPMBV: hanggat maaari, ayokong magkomento sa GO dahil ako ay guest candidate lamang, subalit dapat din siguro na isipin natin ang karamdaman ngayon ni First Gentleman, seryoso talaga iyan ayon sa mga balita, at pati na rin ang nararamdaman ngayon ng Pangulo, so baka, hindi timely yung mga ganung advertisements. Kung nasa normal sigurong sitwasyon, maaaring timely yun. Kahit paano, dapat din nating pakinggan ang opinion ni dating pangulong Estrada.

Ano po yung reaksyon niyo sa pangamba ng ating mga kababayan sa posibleng pagkakaroon ng dayaan sa eleksyon? Parang wala silang tiwala sa magiging resulta ng eleksyon.

SPMBV: Hindi na nakakagulat iyan. Sariwa pa sa aking isipan yung eleksyon ng 2004 at nakita talaga ng mamamayan na may rason para pagdudahan ang eleksyon na iyon sa pagka-Pangulo. Subalit, iyan ay dapat magsilbing hamon sa Comelec at ating Pangulo, ito ang pagkakataon na makabawi sila dahil kung magiging malinis ang halalan na ito, baka sakaling makabawi sila sa perception ng taumbayan.

Ano po ang napupuna niyo sa galaw ngayon ng Comelec na sinasabi nila na ginagawa nila ang lahat dahil gusto na rin nilang malinis ang imahe ng Comelec.

SPMBV:Sana naman totoo yun dahil nakikita naman natin na mukhang ginagawa nila ang kanilang makakaya,bagamat may mga hindi rin tama kagaya ng ginagawa nila kay Alan Peter Cayetano dahil nasa balota pa ngayon ang pangalan ni Pepito Cayetano kahit maliwanag na nuisance candidate. Pero mas takot ako doon sa hindi ko nakikitang ginagawa ng Comelec.

Kahapon po ay nakapanood kayo ng laban ng Billiard protge na si Dennis Orcullo, bukas po ay laban ni Manny Pacquiao, kayo po ay tuloy ang kampanya o pansamantalang titigil muna para tunghayan ang laban ng ating pambansang kamao?

SPMBV: Siyempre lahat ay papara bukas dahil importanteng makita natin ang laban na iyan. Lahat tayo ay nag-aantabay para makita natin ang laban ng ating idolo. Ipagdasal natin na siya ay manalo.

News Latest News Feed