Press Release
September 4, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: Cardinal Rosales said the supporters of former President Estrada should accept the verdict. Hindi ba pre-judging na iyon?

SPMBV: Iginagalang natin lahat ng mga statement, lahat ng opinion ng bawat tao rito. Everytime na magkakaroon tayo ng controversial na ganyan, kagaya ng Senate investigation o kagaya ng magiging hatol sa Pangulong Estrada. Syempre nagkakaroon tayo ng pagkakaiba ng pananaw. Ang pinakamagandang gawin diyan ay igalang na lang natin ang pananaw ng bawat isa at sabihin natin kung ano ang ating pananaw at hayaan na lang natin ang bawat isang kababayan natin na magdesisyon kung ano ang kanilang iisipin at huwag na nating pakialaman.

Q: The mere fact na nag-issue siya ng ganito, ibig sabihin they do anticipate backlash sir?

SPMBV: Sa akin kasi baka may nakapagsabi na baka magkaroon ng gulo, baka hindi, baka naman nababahala lamang siya na baka magkaroon ng gulo at sinisiguro lamang niya na wala. Iyan naman ay pagpapahayag ng kanyang nararamdaman na maaaring natatakot siya na magkaroon ng gulo. Iginagalang naman natin iyan. Subalit ito ay isang bagay na hindi naman natin masasabi ngayon kung papaano ang magiging pakiramdam ng sambayang Pilipino sa hatol na iyan. Depende siguro sa hatol iyan. Kung iyan ay magiging sa pananaw ng mga Pinoy ay fair or just. Syempre kung sa tingin nila ay hindi tama, mahirap din naman natin na pangunahan na tanggapin nila iyon sa kanilang inaakala ay hindi tamang hatol.

Q: Sa survey, sinasabing majority ay hindi naniniwala na guilty si Erap. Does that mean hindi magiging katanggap-tanggap ang verdict na guilty?

SPMBV: Unang-una, survey lamang iyan. Pero sa akin, posible. Hindi ko maiaalis na maaaring ganyan. Alam naman natin ang posibleng maging impluwensya ng Malakanyang sa desisyon. Syempre itatanggi iyan pero maaaring meron. Sa akin, kailangang patunayan na merong plunder rito. Ang plunder ay isang krimen na mahirap ding patunayan kaya ako mismo ay ire-reserve ko ang aking judgment dito sa issue na ito. In fairness naman sa Sandiganbayan, wala pa naman silang sinasabi kasi. At napakahirap naman nating mag-espekula ng ating magiging hatol.

Q: Kung sakali, open kayo sa amnesty o pardon?

SPMBV: Open ako sa lahat ng mga options dito. Alam naman natin na nakulong na rin ang Pangulong Estrada nang matagal at hindi naman tama na iyan. Kaya lamang syempre ay igagalang natin ang kanyang kapasyahan at ang kanyang kagustuhan. Buhay naman niya ang nakataya dito at ang kanyang pamumuhay. Syempre mahalaga sa akin kung ano ang kanyang opinion. Pero hangga't maaari, lahat ng opsyon ay dapat tingnan natin.

Q: Do you believe former President Estrada was guilty of corruption?

SPMBV: Ewan ko kung ako ay allowed na magsabi ng opinyon ko. Kasi ayaw kong pangunahan ang Sandigangbayan pero syempre, ako ay isa sa mga umaasa na maa-acquit ang Pangulong Estrada.

Q: DO you think a conviction would set a bad precedent?

SPMBV: Syempre sa mga darating na pangulo ng Pilipinas, kapag nagkaroon ng judgment na napakadali naman palang magkaroon ng plunder, maski na halimbawa hindi masyadong convincing, magiging madali sa mga darating na pangulo na ma-convict din ng plunder. Kaya dapat dahan-dahan din ang Sandigangbayan dito. Subalit ako naman ay ayokong pangunahan ang Sandigangbayan.

Q: Would you initiate an investigation also on ZTE?

SPMBV: Pinapaaral ko nga kung puwede kami, ang Senado, na mag-imbestiga kasi isang constitutional body ang involved at dito kapag nagkaroon ng impeachment ay magiging judge kami ng isang impeachment process. Kaya kapag kami ay nag-imbestiga, tinitingnan kung ano ang epekto niyan sa amin kapag dumating ang pagkakataon, kung saka-sakali lang naman na magkakaroon ng impeachment at umabot dito sa amin. Kung meron na kaming preliminary findings halimbawa sa committee, can you imagine kung may findings na kami papaano iyong mismong impeachment proceedings, kung magkakaroon lang naman.

Q: So you'd rather not?

SPMBV: Hindi naman kaso sa akin na I would rather not. Ang pinapatingnan ko, kung nararapat o tama na mag-imbestiga kami diyan.

Q: Should the government abandon the broadband deal?

SPMBV: Sa tingin ko, naging napakagulo na nitong broadband deal na ito. Dapat kanselahin na lamang at napakaraming dapat ipaliwanag, napakaraming involved, napakalaking halaga, umuutang pa tayo agad. Hindi ko malaman kung bakit tayo umuutang ng malaki dito, sa isang bagay na malayo pa naman ang pngangailangan. Sa tingin ko para wala na lamang ganyang pag-iisip, mga akusasyon, itigil na lamang ang deal.

Q: May gag order daw ang Malakanyang sa mga executives na huwag magsalita tungkol dito?

SPMBV: Hindi ko alam kung tunay ngang may gag order, iyan ay nabasa ko lamang sa dyaryo. Pero kung may gag order iyan, kung totoo iyan, hindi talaga maganda iyan. Napakapangit naman na parang talagang openly ay nagtatago ng lihim ang Malakanyang. I would like to think na hindi totoo iyan sapagkat napakapangit talaga na magi-issue ng gag rule ang Pangulo sa kanyang mga cabinet members sa mga issue na mahalaga naman para sa kapakanan ng ating bayan.

Q: Do you think the officials involved will take the heat sakaling umarangkada ang imbestigasyon?

SPMBV: Oo sa palagay ko kasi naka-focus tayo kay Chairman Abalos. Syempre, marami namang involved diyan at hindi naman natin alam, wala naman akong naririnig na ibang pangalan.

Q: Si DOTC Secretary Mendoza, sir?

SPMBV: Sa palagay ko, kung hindi man kami sa Senado ang nararapat, ito ay isang bagay na hindi pa ako sigurado, pinapaaral ko pa sa legal department namin, subalit dapat ay malaman din natin ang puno't dulo nito. Ano ba talaga itong ZTE na ito at bakit nagkaroon ng ganito kalaking deal na parang walang nakakaalam at masyadong secretive ang mga transaksyon na nangyari rito.

Q: Gag order is indicative of guilt, ganoon ba iyon sir?

SPMBV: Sa akin iyon ang magiging pananaw ng mga tao. Bakit naman kailangang bawalang magsalita ang ating mga namumuno ng pamahalaan? Hindi ba sila kaya nandiyan ay para magsilbi sa bayan at bakit sila naman ay kailangang huwag magsabi sa bayan nuong nasa kanilang isip o nuong kanilang ginagawa? I think obligasyon nila iyan. Iyan ay tungkulin nila na sabihin sa mamamayan iyong totoo.

Q: Sa Hello Garci, may napirmahan na ba kayong subpoena para kay Garcillano?

SPMBV: Wala pa akong napipirmahan maski na ano, actually, sa hearing. Baka siguro mamaya papapirmahan na sa akin ng chairman kung sinu-sino ang kanyang binabalak na imbitahin.

Q: On postponement of barangay elections

SPMBV: Wala naman kaming dapat pag-usapan pa dahil wala pa namang ibinibigay ang mababang kapulungan. Syempre sa ngayon ay hindi prayoridad sa Senado ang postponement at maraming tutol na senador diyan. Kaya nga lamang bilang kortesiya at bilang paggalang naman sa aming counterpart, kung ipapasa nila ang panukalang iyan, titingnan naman namin at pag-aaralan namin. Titingnan namin objectively kung nararapat nga na i-postpone ang barangay at SK elections.

Q: May power ba ang Senado na hilingin sa immigration office na ilagay sa hold departure order si Garcillano?

SPMBV: Kami ay humihiling lang pero sila rin ang magde-desisyon niyan. Subalit noong nakakaraang panahon ay napakalaki ng paggalang sa ating legislative department. Ngayon ay medyo malaki ang nabawas sa paggalang sa ating legislative department. Ito ay isang bagay na nakakalungkot sa ating sistema ng gobyerno.

Q: Futile lang if ever mag-request?

SPMBV: Sa akin, gagawin ko pa rin maski na sasabihin ko na maaaring hindi sundin, gagawin ko pa rin sapagkat mahalaga pa rin na gawin namin ang aming tungkulin. Basta sa Senado, gagawin namin ang tungkulin namin. Kung ayaw gawin ng executive department ang tungkulin nila, iyan naman ay bahala sila.

Q: Si Garci lang po ang ire-request ninyo?

SPMBV: Hindi ko pa alam. Actually, hinihintay ko pa ang mga listahan ng mga iimbitahin.

News Latest News Feed