Press Release
September 27, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar (DZXL)

Q: Kahapon po kayo ang unang nakasalang at kayo ang unang nagpaamin kay dating NEDA Director-General Neri kung siya ay nasuhulan at napaamin n'yo po si Secretary Neri agad. Kayo ho ba ay nag-usap na ni Secretary before ng imbestigasyon na iyan?

SPMBV: Actually hindi, eh. Although kilala ko iyan.

Q: Sabi nga po ni Sen. Miriam, kaklase n'yo daw po iyan?

SPMBV: Oo. Kaibigan ko pa rin iyan. Bagaman hindi kami nag-uusap tungkol dito at matagal na kaming hidni nag-uusap. Subalit kahit paano ay nagulat din ako sa sagot niya. Bagamat medyo umaasa ka rin na magsasabi siya ng totoo, iyong mabilis na pagsabi niya, medyo nagulat din kaming lahat. Hinahangaan ko naman si Romy Neri sa bagay na iyan. Sayang bumitin at hindi niya natuloy noong tanungin namin siya kung merong mas mataas sa kanya na interesado rito sa transaksyon na ito ay nag-avail na siya ng executive privilege. Hindi pa tapos.

Q: Naniniwala ba kayo na may mas mataas pa sa kanya na nagsabi na sige, go ahead with the ZTE deal?

SPMBV: Alam mo kapag nag-avail ka ng executive privilege, natatakot ka sa sasabihin mo. Kasi kapag wala ka namang sasabihin, ang sasabihin mo lang, wala, hindi ka na maga-avail ng executive privilege, hindi ba? Sasabihin mo na lang, naku wala talaga, wala namang sinabi sa akin. Pero kung may sinabi sa iyong medyo inaasahan mong magiging kontrobersyal, doon ka naga-avail ng executive privilege.

Q: At saka binitin yata kayo noong may nagtanong sa kanya noong nagsumbong siya kay Pangulong Arroyo tungkol sa sinasabing 200? Noong nagtanong ang isang senador, hindi niya sinagot at nag-avail ng EO noong sinabi na mayroon pa bang ibang pagkakataon na napag-usapan ninyo ni Pangulong Arroyo itong ZTE at iyong bribery.

SPMBV: Oo, iyon hindi siya makasagot. Iyon ang sinasabi ko. The moment na i-avail mo iyan, syempre meron nang nasa isipan ang ating mga mamamayan kung bakit mo ina-avail iyan. Sapagkat kung wala ka namang sasabihing masama nga, bakit mo naman kailangang mag-avail pa niyan? Sabihin mo na lang ang totoo, diba? Pero kung mabigat ang sasabihin mo, iyon, medyo maga-avail ka ng executive privilege. Kahapon nga tinanong ko siya, ikaw ba ay nalipat sa Ched dahil dito? Mukhang hindi naman daw. Tinanong ko uli noong hapon, iyon bang paglipat sa iyo, before or after the golf game? Sabi niya after. Pagkatapos ng golf game, siya ay nalipat na.

Q: Marami pong natuwa na mga kababayan natin doon sa imbestigasyon na nangyayari, ang pagtatanong ng mga senadores kay Abalos. Pero may mga nalungkot din in the long run, matapos po iyong ilang mga senador natin, siguro dala ng kanilang galit, mukhang naging personal na po ang mga katanungan kay Chairman Abalos at medyo iyong ibang tao kahit galit kay Abalos ay mukhang kumampi na kay Abalos dahil personal na po ang mga katanungan. Iyong mga girlfriend, mga babae. Dapat sabi noong ibang mga tao, iwasan na muna iyon dahil ang tutok dapat sa ZTE lamang.

SPMBV: Alam mo, hindi ko naman sinisisi ang mga ksamahan natin pero sa bahagi na iyan ako na mismo ay medyo sumasang-ayon din na meron kaming mga kasamahan na hindi na rin tama ang mga tanong. Totoo naman iyon. Pero maaaring iyon naman ay sa pagod na rin ng magkabilang-panig at siguro nangigigil doon sa mga sagot. Ako po ay sumasang-ayon din naman na mas maganda sana kung maiiwasan na lang iyong mga katangungan na ganyan. Ito ay nagiging kadahilan din, inaamin naman natin, kung bakit marami ring miyembro ng Gabinete na hindi sumisipot sa amin.

Q: Maraming kapatid natin na Filipino-Chinese ang talagang nainsulto sa pahayag ni Senadora Defensor-Santiago.

SPMBV: Mabigat iyon. Inaasahan kong magkakaroon ng note verbale from China kapag narinig ng ambassador iyan. Iyong note verbale ay protesta.

Q: Ano po ang mangyayari doon? Kakastiguhin n'yo ba si Sen. Miriam?

SPMBV: Sa atin po sa Senado kasi, ang lahat ay malaya kaya ano man ang kanyang sabihin, iyan ay pananagutan niya. Lalo na po at si Sen. Miriam ay chairperson ng Foreign Relations. Kaya mabigat iyong kanyang pronouncement na iyon na galing sa chairperson ng foreign relations committee ng Senado.

Q: Sir, alam ninyo in the near future kung may ipapatawag pa kayong miyembro ng Gabinete, I will not be surprised anymore kung hindi na po sila sisipot and then they will keep on invoking EO 464 because of what happened kay Abalos kahapon. Talagang matatakot siguro. Meron ba kayong paraan bilang Senate president para maiwasan na itong mga personal na mga atake na masyado na? Pwede siguro pag-usapan ninyo, gawin niyong rules and regulations na kapag nagtanong po, we have to stick with the issue, hindi na iyong mga personal.

Q: Pero sandali, Mr. Senate president, kung wala namang itinatagong baho iyong opisyal, bakit siya matatakot? Bakit hindi siya sisipot?

Q: Personal iyon, Doris. Ang punto natin doon, nasasayang ang oras sa pagtatanong ng mga personal na issues. I don't know if you will agree with me, sir, let us stick with the issue kagaya noong ZTE.

SPMBV: Puwede, pero mahirap pong gawin iyan. Inaamin ko talaga na sa isang hearing, talagang open iyan at hindi mo talaga makokontrol masyado ang mga ganyang bagay dahilan sa iba't iba ang pananaw ng mga senador. Meron pa ngang senador na sa kanyang pananaw ang kanyang sinabi ay tama bagamat ang karamihan ng mga tao ay naniniwala na mali iyon. Pero kung inaakala niya kasi na tama iyon, hindi ninyo puwedeng sabihan siya na mali siya. Iyan ang problema natin. Ang sa akin naman din, siguro kapag ikaw naman talaga ay nanungkulan na bilang miyembro ng gabinete, dapat nakahanda ka rin diyan.

Q: Saka public servant ka, merong karapatan ang mga tao na malaman kung ano ang pinakamaliit na sikreto mo dahil ikaw ay nagsisilbi sa bayan, at kung ano man ang maging desisyon mo, iyong mga ginagawa mo bilang Cabinet official, baka kapag nag-rewind ka baka may connect iyon kaya iyon ang dapat malaman.

Q: Ibig sabihin, Doris, puwede nang tanungin ang lovelife? Kung ikaw ay opisyal, tatanungin ka, Doris may boyfriend ka ba na ganito, ganoon, iyong ex-boyfriend mo ay addict dati?

Q: Kung totoo, sasagutin ko.

Q: Iba't ibang pananaw ng tao iyan, Doris. But anyway

SPMBV: Puwede namang hindi niya sagutin iyan. Kapag personal na, puwedeng hindi sagutin iyan.

Q: Ang punto de vista naming dito ay kung maiiwasan ba in the future na puwedeng gumawa po kayo lalo na sa inyong term bilang Senate president na maglagay po ng rules ang regulations, mga guidelines para maiwasan na po itong gaya ng kay Senadora Miriam, at itong mga personal na atake. Puwede ba tayong gumawa ng implementing guidelines na susundin ng mga senador?

SPMBV: Tradisyon na kasi ng Senado iyan. Dito sa Senado, may tradisyon kami dito na talagang anybody can say anything. Dito ay parang masyadong nae-exercise ang freedom dito. Ang problema kasi dito, walang paraan na masasabi natin kung ano talaga ng dapat sabihin at hindi dapat sabihin. Parang magkakaroon talaga ng malaking diperensya. Tingnan ninyo, kayong dalawa lang, nakikinig ako sa inyo. Natural lang iyon. Healthing-healthy naman iyan, bagaman syempre, paminsan-minsan ako bilang pangulo ng Senado, ako ang nagdidispensa sa kanila kapag nakita ko, nilalapitan ko ang mga iyan at medyo ako na ang personal na humihingi ng dispensa on behalf of the Senate.

Q: Meron pa nga doon kasamang Doris, nag-diskusyon na iyong dalawang senador, si Cayetano at saka si Gordon.

SPMBV: Ang intindi ni Chairman Cayetano ay magpupunta na kami sa executive session at nag-waive na. Ang sabi ni Senator Gordon, hindi pa ako nagwe-waive. Nagkaroon ng konting iringan. Pero baka sa dala ng gutom rin iyan sapagkat medyo gabi na talaga.

Q: At saka ng mga lolo, madali nang mapagod. Ano po ang susunod na mangyayari?

Q: Kung talagang ayaw umamin ni Secretary Neri na meron pang mas mataas sa kanya na involved dito, ano na ho ang mangyayari dito?

SPMBV: Pag-uusapan muna namin. Subalit syempre meron tayong mga batas na sinusunod at iyang executive privilege ay kasama sa ating mga batas iyan kaya hindi rin natin puwedeng basta balewalain. Kaya talagang maingat na maingat kami sa bagay na ito, sa pag-interpreta ng Supreme Court ruling sa isyu ng executive privilege dahil hindi naman din puwedeng yurakan ang karapatan ng Pangulo. Medyo thin line bagaman naiintindihan namin na gustong-gusto namin na bakit hindi mo na lang kasi sabihin, pero kapag ininvoke ang executive privilege, talagang kailangan tama ang interprestasyon natin sa batas.

Q: Pero sinisiguro n'yo ba na meron pang Round 2?

SPMBV: Hindi natin masasabi iyan, Nagyong umaga, merong panibagong hearing kami. Kaya lamang ngayon, magpo-focus po iyan sa technical and legal aspect. Ito naman ang katanungan na dapat ba na magkaroon tayo ng broadband deal. Kaya siguro medyo tame ang hearing sapagkat ngayon mga eksperto ang ating inimbita para technically at legally ay ipapaliwanag nila sa amin kung ito ay dapat ba nating kunin, dapat ba nating lagyan ng pera o hindi kailangan ito. (end)

News Latest News Feed