Press Release
October 5, 2007

Transcript of interview with Senate
President Manny Villar (DZMM)

Q: Mr. Senate President, mukhang naghahamon na kayo ng tamaan ng kidlat sa isyu ng ZTE?

SPMBV: Hindi naman. Tinanong kasi ako kung totoo na tumawag sa akin ang Pangulo at isang businessman na pinipigil daw ang imbestigasyon at kinausap ko daw si Sen. Alan, natawa lang ako. Unang-una, nililiwanag ko na walang tumatawag sa akin lalo na iyang dalawang nabanggit na iyan para pigilan ang anumang imbestigasyon ng Senado. At kung sinuman ang nagsabi ng mga bagay na iyan, sinasabi ko ngayon na siya ay nagsisinungaling. Pangalawa, hindi ko ugali na makialam sa mga committee investigation at masasabi din iyan ng mga kasamahan kong mga Senador na ang style ng aking liderato ay hayaan ang mga chairmen sa kani-kanilang komite. Kung ano ang kanilang rekomendasyon, most of the time, yun ang aking ginagawa. Mananatili pa rin ang ganyan kong patakaran. Pero nauunawaan ko din ang ginawa ng tatlong chairmen ng mga komite na marami pang kinakailangang ayusin dahil marami silang nakalap na mga testimonya at napakarami pa rin nilang kailangang testimonya tungkol sa recent developments na pagre-resign ni Chairman Abalos at pagkansela sa ZTE contract. Nangangailangan ng pag-aaral at pag-consolidate ng mga impormasyon. Iyan ang kanilang desisyon at iginagalang ko iyan. Kaya nagugulat ako sa mga balita na may tumawag sa akin at pinipigil ko ang imbestigasyon, iyan po ay malaking kasinungalingan.

Q: Baka ho may nagpunta na emisaryo yung negosyante?

SPMBV: Wala ho. Modesty aside, all my political life, ako po ay independent. Hindi po ako basta-basta nasasabihan. Yung aking misis, medyo nasasabihan ako, pero other than that, wala na hong nakakapagsabi sa akin.

Q: Kayo ho ang lider ng Senado at nagbanta pa nga itong si Sen. Madrigal na irereklamo kayo sa Ethics committee at si Sen. Alan. Paano niyo po ire-resolve yung imahe na kayu-kayo diyan sa oposisyon sa Senado ang nagbabangayan?

SPMBV: Di ako kasama sa bangayan. Di ko pinapatulan iyan. Iginagalang ko ang pananaw ng bawat isa basta ginagawa ko ang inaakala kong tama. Yun ang aking patakaran sa buhay. Iyang mga bangayan, hindi ko pinapatulan iyan.

Q: Yun ho bang desisyon na huwag munang magsagawa ng hearing ay desisyon ng tatlong committee chairmen?

SPMBV: Siguro, dahil sila naman ang nagde-decide kung kailan sila magmi-meeting. Sila ang nagde-decide kung kailan sila maghe-hearing. Ito naman ay hinuhulaan ko lang dahil di naman ako kasama sa meeting, baka kailangan na talaga nilang mag-consolidate ng impormasyon lalo na at may break ang Senado. Sa akin, maganda rin na dahan-dahan tayo. Mahirap din naman na nagmumukha kaming tanga sa Senado. Yung mga legalities dapat itinatama.

Q: Baka problema lang ito ng miscommunication lalo na at nag-expect yung ibang senador pati na ang media na may hearing ngayong linggo sa ZTE issue?

SPMBV: Ang totoo niyan, hindi ko masyadong minomonitor kung kelan may hearing at wala. Dahil bilang lider ng Senado, abala din ako sa ibang trabaho lalo na yung paghabol sa pagpapatibay ng siyam na panukala. Nandiyan pa yung pagtalakay sa JPEPA, sa 2008 national budget at iba pang panukalang batas. 2 days ago naman, nag-prisenta kami sa Supreme Court ng aming oral argument sa pagtatanggol namin na ipagpatuloy ang Hello Garci hearing. Sabay-sabay na nangyari iyan at ilan lamang iyan sa aming mga ginagawa.

Sabagay ho, nag-schedule na po si Sen. Alan ng ZTE hearing sa Oct. 25 at si FG ay isa sa mga inimbitahan.

SPMBV: Lubos ang pagtitiwala ko kay Sen. Alan. Isa siyang magaling na Senador. Alam niya ang kanyang ginagawa at wala akong duda anuman sa kanyang kakayahan at integridad.

Q: Paano niyo po tinatanggap at inaaksyunan ang pagpigil ng AFP sa pagsasagawa ng hearing at iba pang aktibidad sa bilangguan ni Sen. Trillanes?

SPMBV: Inutusan ko na ang legal staff namin na mag-coordinate tungkol sa bagay na iyan noon pa mang bago magsimula ang mga hearing. Hindi kasi ako naniniwala noon pa na papayag ang AFP sa mga bagay na iyan. Pinag-aaralan na namin ang aming legal options. Inuulit ko, kami ay nasa likod ni Sen. Trillanes, bagamat siyempre, iginagalang din namin iyong batas at di rin kami basta-basta na lalabag diyan. Binabalak kong pumunta kay Sen. Trillanes para marinig sa kanya kung ano ang kanyang balak gawin. Kami ay desidido na ipagtanggol ang karapatan ni Sen. Trillanes pero mahalaga din na ito ay batay sa batas.

Q: Ilan ho ba kayong pupunta sa Geneva, Switzerland?

SPMBV: Ang pagkaka-alam ko, apat na Senador ang official delegates. Di ko lang alam kung may sasama pang iba.

Q: Mukhang iyon din ang isa sa tinutukoy na dahilan kung bakit di matutuloy ang hearing sa ZTE? Ang termino ngang ginamit ni Sen. Lacson, bakit tayo maho-hostage ng pag-alis ng chairman ng Blue Ribbon samantalang meron namang mga vice chairmen?

SPMBV: Sa Senado, binibigyan natin ng respeto ang mga chairman. Hindi rin naman kasi basta sugod ng sugod. 23 ang mga senador at hindi pi-pwedeng opinyon lang ng isang tao ang susundin. May kanya-kanyang opinyon iyan at lahat iyan ay iyong pakikibagayan. Hindi lang isa o dalawa ang miyembro ng komite na iyan. Maraming miyembro ang gusto nang ipatigil ang pagdinig, iyong iba naman, gusto nang mag-hearing kaagad bukas. Babalansehin iyan ng mga chairmen. 23 ang miyembro ng Senado at hindi pwedeng i-disregard natin iyan dahil mayroong isa o dalawang nagpe-pressure. Kinakailangan din kasing itama ang imbestigasyon at ilagay sa ayos. Kung palagi naman kaming mapapahiya sa Senado, baka masabihan din kami na iresponsable lalung-lalo na dahil mabigat na bagay ang aming hinahawakan.

Q: Yun po bang SK at brgy postponement bill ay patay na?

SPMBV: patay na siguro iyon. Napagkaisahan na rin namin iyan sa aming caucus. Maraming Senador ang gusto nang matuloy ang eleksyon. Marami din kaming mga panawagan na natanggap na dapat nang matuloy ang Sk at barangay elections.

(End of Interview)

News Latest News Feed