Press Release
November 27, 2007

Transcript of interview with Senator
Mar Roxas on DZMM's 'Dos por Dos'

On Sen. Roxas' election as new LP President:

Q: Ano ba ang ibig sabihin ng 'Oras na' sa acceptance speech niyo?

MAR: Iyon po ang nagkaisahan na pandama ng ating mga kababayan na oras na para sa pagbabago, oras na sa pagtigil ng katiwalian, oras na pagdalhin ang bansa natin sa makabagong direksyon. Yung dakilang mga solusyon ay mukhang hindi umuubra sa mga malalaking problema na hinaharap natin ngayon. Ito ay senyales na dapat lumawak ang ating paningin at tignan natin kung ano ang makabagong solusyon sa ating mga problema.

Q: Mayroong nagsasabi na ang oras ninyo ay napaka-advanced, at lumutang na ang inyong pangalan hindi lang bilang LP President kung hindi para sa 2010 presidential elections.

MAR: Malayo pa naman ang 2010. Sa ngayon, ang ating trabaho ay bilang pangulo ng Liberal Party, at papalakasin natin ang ating partido, at tatrabahuin natin na maging makabuluhan, maging relevant, yung partido. Napakarami ng ating kababayan ay asiwang-asiwa na sa mga pulitiko, sa pulitika, sa partido. Ang tingin nila sa partido ay chaleco lamang na sinusuot habang eleksyon at pinapalit pagkatapos ng eleksyon. So layunin ko na maging relevant ang ating partido sa pamamaraan na maghain tayo ng mga bagong solusyon sa ating problema.

Q: Sa tingin niyo ba'y relevant pa ang Atienza faction?

MAR: Sa totoo lang, pangit naman na magsabong kami on the air, pero humatol na ang Supreme Court, at mula doon ang kapangyarihan ng ating tungkulin.Sinabi ng Supreme Court na iisa lang ang Liberal Party, at ito ay pinamumunuan ni [former Senate President] Franklin Drilon.

Q: Mayroon ka raw pangako na dadalhin niyo sa rurok ng tagumpay ang LP sa 2010?

MAR: Ang ating programa ng gobyerno ay ninanais nating umiral dito. Halimbawa, pagdating sa edukasyon, sa palagay ko ito yung sistema ng pa-kaunti rito, pa-kaunti roon, classroom dito, classroom doon, ay hindi na tama para sa panahong ito. Bigyan natin ng lubos, pondohan na natin lahat ng classroom shortage, lahat ng teacher shortage, lahat ng kakulangan sa mga textbook. Lumilipas ang panahon, halimbawa sa taong ito, mahigit sa isang trilyon ang gagastusin natin, pero hindi naman talaga nararamdaman, wala naman talaga tayong problema na nalulutas. Palagay ko na imbes na kaunti rito, kaunti doon, ay ibuhos natin ang ating pera at resources sa isa o dalawang problema, para malutas nang buo, at sa ganoon, iba na ang problema na haharapin at lulutasin natin sa darating na mga panahon.

Q: Ang NP ay mukhang pumoporma na rin. Sa tingin niyo ba magandang political development ito na muling lulutang ang LP at ang NP?

MAR: Kasama iyon sa ating multi-party system. Maganda naman na titibay ang mga partido rito, dahil sa pamamagitan ng partido natin, nakakahain ng programa de gobyerno, hindi lamang sa personalidad pero programa de gobyerno kung saan dadalhin ang bansa, ano ang mga solusyon na ihaharap sa bansa sa mga problema natin. Yung two-party system, bagamat iyon ang nasa kasaysayan natin, siguro sa ngayon ay maganda ang multi-party. Kung sa two-party, nadodomina yung dalawang partido lahat ng mga tinig at nagiging pasahan ng bola parang ping-pong. Maganda rin yung multi-party, na sa ganoon, lahat ng tinig, nabibigyang daan.

Q: Pinatigil ba ang imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa Malacañang?

MAR: Hindi ko alam kung matitigil, talagang hindi kami papayag na matitigil iyan, kung itong mga imbestigasyon ay in aid of legislation. Pangalawa, nakabitin dito lahat ng impormasyon na kailangan alamin natin, halimbawa dito sa executive privilege, ano ba talaga ang sakop nito? Talaga bang sikreto ang mga pag-uusap nito? E pera ni Juan de la Cruz ang pinag-uusapan dito.

Q: Suspended daw for two weeks para mabigyang daan ang budget hearings.

MAR: Okey din iyon, pero sa palagay ko, katulad ng nakaraan, maaari naman po na magkaroon ng hearing sa ibang lugar sa Senado habang nagkakaroon ng budget debates.

Q: Papaano niyo po paghihiwalay ang inyong pagiging LP President, yung pagiging Senador, at pagiging 'presidentiable' ninyo?

MAR: Ninanais talaga nating na magkaroon ng pagbabago dito sa ating bansa. Kawawa naman ang bansa natin, napag-iwanan na, at bilang senador, bilang pangulo ng partido, at bilang isa sa sinasabi ninyo na maaaring maging presidentiable, hindi naman inconsistent lahat iyon. Kahit si Juan de la Cruz, kahit yung nasa kalye, ay nagnanais ng pagbabago sa ating bansa, at mabigyang edukasyon ang ating kabataan para may kakayahan sila na makipagtunggali sa pandaigdigang ekonomiya, mabigyang pabahay ang aming mga kababayan, na sa ganoong hindi na lang sila skwater o walang siguruhan sa kanilang tinitirhan. Napakarami ang ating mga problema, at lahat naman tayo ay nagnanais na magkaroon ng pagbabago. Handa naman po tayo na gampanan sa kahit anong paraang matuloy ang pagbabago sa ating bansa.

News Latest News Feed