Press Release
January 14, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar -- DZRH
with Joe Taruc

Q: Noong wala po dito sa Pilipinas si Senate Pres. Manny Villar, katakot-takot ho ang mga usapan,katakut-takot ho ang mga intriga, meron dyan gapangan at may mga usapan tungkol sa diumano may nagbabalak daw po na patalsikin bilang pinuno ng Senado. Mga kaibigan nandirito na ho sa Pilipinas at kaharap natin ngayon si Senate President Manny Villar, Mr. Senate President magandang umaga ho.

SPMBV : Magandang umaga sa yo at magandang umaga sa atin pong mga kababayan.

Q: Mr.Senate President habang kayo ay wala dito sa Pilipinas siguro nakarating na sa inyo ang impormasyon ano ho, ano po ang inyong reaksyon ukol dun sa pagkilos ng ilan sa inyong mga kasamahan sa Senado?

SPMBV : Alam mo normal iyan sa Senado. Alam mo sa Senado basta meron kang 13 boto ay ikaw ang pinipili, ibig sabihin nun pinipili ka ng mga kasamahan mo bilang kanilang pangulo, so parating may ganyan at kung

Q: Lalo na kung wala ka dito sa Pilipinas?

SPMBV: Normal yan, pero so far naman tayo naman ay meron namang suporta ng mga nakararami sa ating mga kababayan, ng ating mga kasamahan sa Senado at sila naman ay nagpahayag sa akin. Wala naman, yan ay sa tingin ko normal naman, hindi naman tayo kinakabahan dyan. In fact ang mga nagsalita naman ay pawang nasa minority. Iyon naman ay normal kasi kaya nga nasa minority yan ay dahil sa hindi yan nag-aagree sa akin. Kung nag-aagree sa kin yan ay majority yan. Kaya natural lang yun at hindi ko naman binibigyan ng masyadong ng pansin yun.

Q: In other words hindi po ito makakapekto sa panahon ng inyong panunungkulan?

SPMBV : In fact nais kong sabihin sa yo na, alam mo nag-usap kami sa LEDAC nun, at nagkasundo kami na siyam na panukala ang mahalaga para sa ating bansa at sa siyam na panukala na yun, pinaspasan namin yan, walo sa siyam ang aming naipasa

Q: Nakakawalo na?

SPMBV: Walo sa siyam, eight out of nine kaya halos lahat masasabi ko ay ipinasa ng senado. Ito ay isang performance na maipagmamalaki po natin. Actually mas marami pa ang naipasa namin siguro mga labingwalo na, subalit walo out of nine na prayoridad ng LEDAC kaya yan ay nakakatuwa.

Q: Marahil Mr.Senate President isa rin po ito sa mga dahilan kung bakit kayo ay nanguna dun sa performance at satisfaction ratings ng SWS, congratulations po pala.

SPMBV: Salamat. Iyan ay nais ko namang ipagpatuloy sapagkat alam natin na bagamat marami sa atin ang daldalan nang daldalan at maraming pulitika, subalit mahalaga na ang bansa naman ay hindi natin pababayaan at yung ating tungkulin ay patuloy nating gagawin at inaasahan na tayo ay magpapasa ng mga panukala. Dapat talaga namang iyan ay gawin natin. Natutuwa naman ako na ang Senado ay iyan ang ginagawa at napakaraming ipinapasang panukala.

Q: Hindi lamang sa SWS, maging sa Pulse Asia ay nagunguna rin kayo?

SPMBV: Okay naman, nakakatuwa naman din. Ako ay natutuwa hindi lamang para sa aking sarili kungdi pati para sa aking mga kasamahan sa Senado. Siyempre nakakatuwa kapag nakakapaglingkod ka sa bayan. Alam mo sa dami ng ating mga suliranin sa ating bansa ay malaking bagay na ang mga public officials ay nakakatugon at nakakagawa ng mga bagay na makakatulong. Kaya kami ay trabaho nang trabaho pero kapag may rating na ganyan ay kahit papano parang natutuwa ka at parang balewala yung pagod mo.

Q: Kumbaga parang incentive?

SPMBV: Iyong approval rating parang incentive sa amin yan. Pero ngayon lalo kong pag-iigihin pa ang aking trabaho. Papagandahin ko pa lalo para lalong makapagbigay ng mas marami sa ating mga kababayan.

Q: On budget for 2008

SPMBV: Itong budget ay naaprubahan na, kaya lang ay nasa bicameral conference yan at ngayon ay hindi magkasundo. Sa akin kasi ay mahalaga rin naman na suriin talaga ng Senado yung mga provisions dun at hindi rin naman kami basta basta lang papayag kung talagang mabigat yung mga provision na naka-insert dun. Bagamat importante na mapasa yung budget sana sa lalong madaling panahon, pero mahalaga rin naman nakapag masyadong malalaki yung halaga ay pag-usapan munang mabuti. Nakakita siguro ang aming chairman ng mga kadahilanan kung bakit hindi dapat aprubahan iyan kaya tutol kami. Pero naniniwala ako na bago matapos ang Pebrero ay maaprubahan ang budget.

Q: Mare-reconcile?

SPMBV: Mare-reconcile iyan. Mabuti na rin at naglalabasan ang mga problema na iyan. Syempre, kapag napapag-usapan ang mga pork barrel na ganyan, nagkakaroon ng mga pagkakataon para bawasan iyong dapat bawasan at ang mga nakakahiyang probisyon ay tanggalin.

Q: May sinasabing P13.5 bilyong budgetary insertion sa 2008 budget. Iyan ay bersyon ng Kamara de Representantes.

SPMBV: Masyadong malaki iyan. Babawasan siguro iyan. Bagamat nauunawaan natin ang pangangailangan ng iba't ibang distrito, masyadong malaki iyan at hindi naman siguro pwedeng tanggapin lahat.

Q: Pero kayo po ay naniniwala na mapagtitibay ito before February 2008?

SPMBV: Over all, sa tingin ko, magagawan ng paraan na ito ay mapagtitibay sapagkat mahalaga rin naman na ang isang bansa ay may isang budget.

Q: We understand sa budget for 2008, kaakibat doon ang budget for salary increase ng government employees?

SPMBV: Iyan pa ang isa. Merong nakalagay diyan na mahalaga rin sa atin tulad ng infrastructure na hindi pwedeng pigilan, at iyong salary increases paano naman iyon? Inaasahan na ng ating mga kababayan iyon pati ang bonus. Mabigat din kapag hindi napasa ang budget. Pipilitin namin ang aming magagawa diyan. Pipilitin namin na sa kabuuan, papasa din iyan.

Q: Iyong cheaper medicines bill naroon din sa bicam.

SPMBV: Maraming nasa bicam dahil sa pinaspasan naming ang pagpapasa ng panukala. Marami sa mga panukala na iyan, nagtatrabaho rin ang mga komite sa bakasyon. Binigyan ko sila ng kapangyarihan na magtrabaho maski na bakasyon para at least tumatakbo ang bicameral conference nang sa ganon sa pag-resume ng aming sesyon sa ika-28, kung tapos na sila ay aaprubahan na namin.

Q: Ibig sabihin sa resumption ng resume ng session sa Jan. 28 ay smooth-sailing na itong mga panukala?

SPMBV: Palagay ko marami diyan. Hindi ko masasabi na lahat sapagkat wala pa akong balita sa mga chairman ko. Subalit marami ang tumatakbo at palagay ko sa opening ng sesyon ay marami kaming aaprubahan agad.

Q: Iyong mga aspirante na maging presidente sa 2010 mukhang aligaga na ngayon sa pangungumbinsi ng ibat ibang sektor.

SPMBV: Hot na hot na? Sa akin bilang Senate president, basta gawin mo ang tungkulin mo at makakuha ka ng magandang approval rating sa mga kababayan mo, para ka na ring nag-aambisyon nang hindi ka naman umiiba at hindi ka naman namumulitika, ginagawa mo lang ang trabaho mo. Kaya para sabay mong ginagawa iyan na nakakapagtrabaho ka at nagagawa mo ang tungkulin mo, at the same time naman ay ikaw ay nalalagay sa kaisipan ng ating mga kababayan. Kung magugustuhan nila ang ginagawa mo, palagay ko naman kung aambisyunin natin iyan, palagay ko marami naman tayong makukumbinsi.

Q: Ang pangalan ninyo ay matunog na isinasaalang-alang ng mga taga-administrasyon gayon din sa hanay ng oposisyon?

SPMBV: Mangyari kasi hindi mo alam kung sino administrasyon, kung sino ang oposisyon sa 2010 kaya nagkakagulo-gulo ang mga statements. Alam mo naman ang mga pulitiko talaga, wala namang ginawa kasi kundi magkape nang magkape lang at mag-usap nang mag-usap. Napag-uusapan syempre ang lahat ng posibilidad, lahat ng mga kombinasyon ay pinagsama-sama. Halimbawa, kapag ang pangulo ay hindi tatakbo, syempre labu-labo iyan. Hindi mo na malalaman ngayon kung sino ang oposisyon, kung sino ang administrasyon. Maliban na lang kung ang pangulo ay magnonombra ng kandidato niya, iyon ang administrasyon. Pero kung hindi siya magnonombra, labu-labo iyan. Kaya iyong iba't ibang partido ay magkakaroon ng laya na pumili ng kani-kanilang kandidato. Kaya sa ngayon ang lahat ng posibilidad ay pinag-uusapan at syempre mga kumbinasyon iyan. Pero sa akin kasi, bagamat hindi mo naman sasabihin na malayo pa, pero talagang ang dalawang taon ay maraming nangyayari diyan. Halimbawa, natatandaan ko noon ang leading sa mga survey ay si Sen. Roco pa bago mag-eleksyon bagamat in the end, hindi rin siya pinalad. Maraming nangyayari at mangyayari pa. Kaya iyong kung sino ang sasama sa iyo ay malaking bagay din. Ang mga Pilipino ay mahilig sa lyamado din. Kapag walang sumama sa iyo maski isa, medyo nababawasan ang suporta mo.

Q: Si Pangulong Estrada ay nagbigay na ng statement na kung hindi mapag-iisa ang mga kagawad ng oposisyon, baka mapilitan siyang kumandidato bilang pangulo sa 2010?

SPMBV: Mataas ang aking pag-galang sa dating Pangulong Estrada. Sa darating na panahon, naniniwala ako na mag-uusap-usap naman lahat iyan at mapapagkasunduan ang mga dapat pagkasunduan. Kaya parang hindi tama na sa ngayon ang mga tao ay maglalagay na ng mga commentary sa ganyang bagay dahil hindi pa naman natin nalalaman talaga kung ano ang magiging laro sa 2010. Sinu-sino ba ang maglalaro at anong kalseng laro ang gagawin natin? Meron akong nababasa pagdating ko rito na magpu-push ng federal system. Meron pa ngang nagsasabi, baka mag-martial law. Hindi mo naman alam kung ang pangulo ay magsusuporta ng kandidato niya o bahala na lang, labu-labo. Hindi pa natin masabi sa ngayon kung anong klase o anong anyo ng laro ang mangyayari sa 2010. Hindi mo masasabi talaga kung sino-sino ang mga players kasi marami sa mga players ang sumusubok lang. Pero syempre meron mga taong malalapit sa puso mo naman.

Q: Sa Wednesday Club ay dalawa kayong matunog ang pangalan na naga-aspire as presidential candidate sa 2010, kayo at si VP de Castro. Magkakabanggaan ba kayo?

SPMBV: Magkaibigan kami ni Noli. Sa darating na panahon, kapag desidido kaming lahat, syempre mag-uusap-usap naman din iyan at titingnan namin kung ano ang aming mapapagkasunduan. Hindi kami nagmamadali dahil nalalaman namin na matagal pa naman iyan. Sabi nga nila, we'll cross the bridge when we get there. Sa tamang oras ay mag-uusap-usap naman iyan. Kasi syempre ngayon, wala naman masama na sumubok lahat.

Iyong iba nga diyan gustong mag-presidente, baka they might end up na senador na lang. Iyong iba vice president. Iyong iba huwag na lang. So tingnan-tingnan muna natin. Iyong mga magkakaibigan, huwag munang mag-aaway-away dahil sa hindi nyo naman alam kung dapat nga kayong mag-away-away. Baka pareho lang kayong matatalo lang, huwag na kayong mag-away.

Q: Kung hindi kayo mag-aaway ni VP de Castro, ibig sabihin may possibility na magkasama kayo?

SPMBV: Lahat naman ng posibilidad ay puwede kaya nga posibilidad iyan. Hindi mo naman pwedeng i-rule out ang mga ganyang bagay. Syempre sa mga magkakaibigan, lahat ay posible.

Q: So kung halimbawa Villar-Noli tandem? O Noli-Villar?

SPMBV: Sabi ko nga, huwag muna nating pag-usapan ang mga pinal na tandem sapagkat maaaring ang suporta naman ay hindi nangangahulugan ng running mate. Puwede naman ang suporta ay talagang suporta lang. Maraming posibilidad.

Q: Napapag-usapan ninyo ba sa Wednesday Club?

SPMBV: Oo naman. Nagkikita kami. Two days ago lang kami ay nagkita, regular naman ang aming pagsasama at naiintindihan din namin.

Q: Napapag-usapan ninyo rin ang pulitika?

SPMBV: Pero hindi kami nag-uusap tungkol sa sarili namin dahil sa naiintindihan namin na malayo pa. Syempre sa mga magkakaibigan, hangga't maaari, iyong mga problemang ganyan ay sa ultimo hora n'yo na nireresolbe iyan.

Q: Pareho kayong focus muna sa trabaho?

SPMBV: Focus muna sa trabaho. Si vice president ay maraming trabaho din.

Q: Hangga't maaari gusto ninyong i-isantabi muna ang pulitika pero hindi naman kayo nagwawalang-bahala kung ano ang mga political developments?

SPMBV: Oo, inoobserbahan mo iyan. Wala kang magagawa sapagkat ikaw ay nasa political circle at nababanggit-banggit ka so mino-monitor mo rin iyan. Hindi naman dahil sa sinabi mong hindi ka muna mangangatawan diyan ay hindi ka naman gagalaw din. Sa akin naman kapag ginawa mo ang trabaho mo, para ka na ring gumagalaw din.

Q: Kayo po ba ay nakahandang sumailalim sa selection process ng oposisyon?

SPMBV: Ako ay nahahandang sumali sa selection process ng Nacionalista Party dahil ang NP ang partido ko. Iyon ang pipili ng kandidato niya.

Q: Sa kasalukuyan ang NP wala pang pinipili?

SPMBV: Oo naman. Ang NP ang pipili ng kanyang kandidato at kung sino man ang mapipili ng NP, iyon ang susuportahan ko.

Q: Kung ikaw ang tatanungin, ano ang meron kayo na wala ang ibang presidential aspirant?

SPMBV: Mahirap sagutin iyan. Syempre alam mo, kanya-kanya iyan. Ang sa akin naman, naging karanasan natin, naging Speaker of the House tayo at tayo ay naging pangulo ng Senado, pangulo ng partido. Kahit paano, nagsimula tayo sa walang-wala at nakapagpundar tayo ng isang malaking negosyo din naman. Masasabi ko na ang karanasan sa liderato, meron tayo. Ang karanasan naman sa pagma-manage, meron tayo. Ang karanasan sa pag-unify, meron din tayo. Ang karanasan naman sa pagbi-build o pagtatayo ng anuman, marami na rin tayong naitayo. Marami na rin tayong karanasan naman. Sapagkat ako ay naniniwala na kung ang tingin mo sa bayang maraming problema ay parang isang tao na nalulunod, kung hahanap ka ng sasagip sa tao na iyon, ang kukunin mo ay isnag tao na marunong nang lumangoy.

Q: O kaya iyong meron nang bangka?

SPMBV: Meron nang karanasan. Kasi mahirap naman iyong puro pangako lamang o puro vision. Madaling mag-vision, ang question ay kung kaya mo.

Q: Mahirap iyong lalangoy lang, mas mainam din kung nakasakay sa bangka.

SPMBV: Oo. Kailangan din tingnan mo muna, ano ba ang credentials mo, ano ang mga nagawa mo, at suriin naman. Kasi sa tingin ko ang pangulo ay isang posisyon ng liderato. Kinakailangan i-lead mo ang bansa sa isang vision. Kung tayo ay may vision, ang importante ay kung kaya mo bang pangunahan ang iyong bansa patungo sa vision na iyan? Personally, ang tingin ko ang problema natin ay kahirapan. Kaya mo bang pamunuan ang bansa mo patungo sa pagsugpo ng kahirapan? Ipapakita mo ngayon, ano na ba ang nagawa mo? Nasugpo mo ba ang kahirapan? May experiencia ka na ba sa pagsugpo niyan? May experiencia ka na ba sa liderato? Kung meron ka nang experiencia, para mo nang sinasabi marunong na akong lumangoy, kayak o nang sagipin iyan.

Q: On text tax

SPMBV: Ayaw ko niyan sapagkat iyan ay ginagamit ng lahat ng ating kababayan, lalo na ng mga mahihirap. Maraming pwedeng panggalingan, huwag iyong masyadong maaapektuhan ang masa. Ang importante sa akin, ang maaapektuhan ay mayayaman lang. Kung mayayaman lang ang maaapektuhan, walang problemang suportahan iyan.

Q: Hindi lang iyan. Siguro sa panahong ito, iyang mga tax measures ay isantabi muna natin.

SPMBV: Hindi prayoridad sa akin ang tax measures kasi. Sa Senado wala kaming tinatalakay na tax measure ngayon. Sa dami ng tinatalakay namin at naipagmamalaki namin iyan, napakarami naming tinatalakay, walang tax measure. Hindi kami mahilig sa tax.

Q: Gobyerno na mismo ang nagsasabi na marami tayong pondo na magagamit para sa ibat ibang proyekto ng gobyerno.

SPMBV: Meron at hindi na kailangan. Sa tingin ko, meron pa tayong ibubuga, wika nga, dito sa pagkolekta. Marami pang hindi nagbabayad ng buwis. Marami pang panggagalingan so doon na lang muna. Iyon ay tungkulin naman at obligasyon nilang magbayad so doon muna siguro ang focus.

Q: Sa pagbubukas ng sesyon, ano po ang nakalatag sa Senado?

SPMBV: Iyong pag-approve muna ng resulta ng bicameral pero syempre uunahin natin ang budget kasi iyan sa lahat ang pinakamahalagang panukala at habang tumatagal ay hindi gumaganda iyan. Sa ngayon reenacted ang budget. Pag-resume namin ng sesyon, ibig sabihin isang buwan nang reenacted ang budget so kailangang iyon muna ang bigyan namin ng pansin. Aaprubahan namin ang mga resulta ng bicameral conference.

Q: Ibig sabihin kahit aligaga ang Senado sa imbestigasyon, ang inyong responsibilidad ay hindi napabayaan?

SPMBV: Iyan ang maipagmamalaki natin at talagang nag-iba ang Senado ngayon. Ang Senado ngayon, ginagawa namin ang tungkulin sa pag-iimbestiga. Hindi kami natatakot maski kanino pero ang pagpapasa ng panukala, tuloy-tuloy at hindi lamang tuloy-tuloy, nagse-set kami ng record.

Q: Kung baga, time management?

SPMBV: Iyan naman ay linya ko. Maipagmamalaki ko naman na kaya maski papapano ay malayu-layo rin ang narating sa buhay ay magaling tayo sa time management at nama-manage ko pati iyong aking pagbabaksyon. Naisasama ko iyan nang tuloy ang trabaho. Walang nasa-sacrifice na aspeto ng ating trabaho.

Q: Kaya kayo ay babalik sa Senado na very confident na walang change of leadership o walang mag-aaspire ng ganyang uri ng pagbabago?

SPMBV: Merong mag-aaspire pero palagay ko walang pagbabago.

News Latest News Feed