Press Release
February 20, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
over DZMM with Neil Ocampo

May proposal po na presidential snap elections sa kamara. Ano po ang tingin niyo dito?

SPMBV: Iyan ay isang panukala pa lamang although palagay ko, hindi iyan papasa sa mababang kapulungan dahil malakas ang majority ng administrasyon doon. Kahit sino ay entitled na maghain ng panukala. Titingnan na lang natin. Wala namang nakakagulat na may nag-file ng panukalang iyan.

Sinasabi ni Cong. Iggy Arroyo na ipaubaya na lang sa Ombudsman at DOJ ang imbestigasyon sa ZTE deal dahil ito daw po ay media mileage lamang ng mga Senador na nag-aambisyon in aid of election sa 2010.

SPMBV: Maliwanag ang sinasabi ko noon pa man na ito ay trabaho ng Senado. Kung anumang isyu ang dumating sa Senado, ito ay aming iniimbestigahan. Sa amin pumunta si Mr. Lozada dahil siguro natakot siya sa nangyari sa kanya. Hindi namin alam na sa amin pupunta si Mr. Lozada. So walang makapagsasabi na kami ay nag-iimbento lang sa Senado. Ang imbestigasyon namin ay hindi para sa kung anu-ano lamang. Siguro po sa mababang kapulungan ay ganoon, pero hindi po sa Senado.

Mayroon na po ba kayong idea kung anong panukalang batas ang maaaring malikha sa ZTE investigation?

SPMBV: Madami. Katulad halimbawa ng pagpasok sa mga ganitong transaksyon. Kailangang mayroon tayong mas transparent na proseso. Hindi katulad ngayon na nababalewala ang proseso. Kailangang ayusin ang sistema sa mga ganitong uri ng transaksyon. Pangalawa yung kidnapping. Medyo mabigat ito. Hahanapan natin ng paraan na hindi na muling mangyari na biglang mawawala na lang sa airport ang sinuman sa ating mga kababayan. Isa pang pwedeng ma-improve na batas ay yung witness protection program. Paano na lang kung ang testigo ay magsasalita laban sa gobyerno o DOJ gayung ang witness protection program ay under ng DOJ. Dapat may witness protection din para doon sa mga testigo laban sa gobyerno. Iyan ay aking personal na pananaw pa lamang dahil ang ibang senador ay may iba ding naiisip na mga panukala o amyenda sa mga existing laws.

Mr. SP, maraming naba-bypass na mga cabinet officials, Magkakaroon pa ba kayo ng panahon na muli silang isalang sa Commission on Appointments?

SPMBV: Ang mga cabinet members ay matagal nang appointed pero hindi agad sila nag-file ng requirements not until nagsabi kami na mapipilitan kaming mag-reject sa kanila kung di sila magsusumite ng mga dokumento. Ayaw rin naman naming gawin iyan dahil marami sa kanila ay magagaling din naman. Kaya lang, binalewala nila ito. Tapos biglang bumuhos naman ang mga dokumento, nagkasabay-sabay sila. Sa military naman, walang problema sa promotion pati yung mga ambassadors. Kako-confirm lang namin kay Sec. Teodoro, Cabral, Favila, at Ebdane. Siguro may mako-confirm din mamaya. Yung iba naman ay pino-process pa.

News Latest News Feed