Press Release
March 17, 2008

Transcript of press conference with Senate President Manny Villar

Q: Alam n'yo na daw ang ebidensya sa NBN-ZTE, pwede na daw maglabas ng committee report?

SPMBV: Ang mga bagay na iyan ay iniiwan natin sa iba't ibang committee. Ang Blue Ribbon ang nag-iimbestiga diyan at sila ang magdedesisyon kung ano ang dapat nilang gawin. Sa akin, puwede sigurong gumawa ng parang interim report kung ano ang nagagawa so far para naman sa benepisyo rin ng ating mga kababayan, ng mga miyembro ng Senado, parang summary so far ng mga nagawa na at iyong mga dapat pang gawin. Pero iyong kumpletong report, palagay ko hintayin muna natin si Secretary Neri na nagsabi naman na kung siya ay uutusan ng Supreme Court, siya ay darating dito sa Senado at magsasabi ng kanyang nalalaman.

Q: So wala pang basis para i-terminate?

SPMBV: Mahirap i-terminate ngayon dahil marami pa tayong ipinatawag na hindi pa dumarating. Lalong-lalo na hinihintay natin ang SC na gumawa ng desisyon tungkol dito kay Secretary Neri. So the minimum na dapat nating gawin ay hintayin natin ang desisyon ng SC at nang malaman natin kung maririnig pa natin si Secretary Neri o hindi.

Q: Hindi ba napakatagal pa noon na naka-hang?

SPMBV: Hindi naman. Sa akin, mas mahalaga ang quality ng report. Mas mahalaga ang katotohanan ang malaman natin at mahalaga na masiguro natin na hindi tayo magbabayad ng napakalaking pagkakautang dahil sa ZTE deal na ito.

Q: In short, parang si Neri na ang crucial factor dito?

SPMBV: Hindi lang si Secretary Neri ang crucial factor dito. Ang sabi ko ay minimum hintayin natin si Secretary Neri o ang desisyon ng SC. Minimum, meaning, kung meron pang gustong lumapit tungkol dito okay pa iyan at kung meron pang additional information na malalaman, okay pa din iyan. Pero in the end, hahayaan ko ang committee na magdesisyon sa bagay na ito.

Q: Parang may hinihintay pa tayong bagong witness?

SPMBV: Hindi ko masabi iyan kung may witness pa ang committee. Ang nalalaman ko lang, marami pang pinapatawag tayo na hindi pa dumarating. Dito sa grupong sinabi ni Mr. Madriaga, halimbawa, ay si Mr. San Miguel pa lang ang dumarating. Apat iyon. Iyong tatlo hindi pa dumarating. Iyong 14 pulis na sinubpoena namin ay hindi pa rin dumarating para magpaliwanag sa kidnapping aspect nitong case. Marami pang dapat gawin ang committee bago mo sabihing kumpleto itong imbestigasyon. Pero walang masama siguro na gumawa ng preliminary report just to summarize kung ano ang mga nagawa at kung ano pa ang gagawin.

Q: Pero napirmahan n'yo na ang subpoena para kina Ruben Reyes.

SPMBV: Sabay-sabay kong pinirmahan ang subpoena. Sine-serve na nila ngayon iyon. Naghahanapan pa sila. Nawawala pa iyong iba. After that, syempre wala kaming magagawa kundi mag-issue ng arrest order.

Q: Inuutusan ninyo ba si Sen. Alan na gumawa na ng preliminary report?

SPMBV: Hindi naman ako nag-uutos sa mga committee chairman ko. Pinapakiusap lang natin kapag meron tayong gusto. Subalit sa ngayon naman ay okay naman sa akin ang performance ng Blue Ribbon committee. Wala naman akong naiisip na kadahilanan para hingin ko na baguhin nila ang kanilang ginagawa. I have full trust and confidence in the chairman of the Blue Ribbon committee.

Q: Maliban daw sa in aid of 2010, iyong iba daw nagagamit ang Senate investigation sa fund raising activities?

SPMBV: Kasi demanda sila nang demanda, kailangan namang magkaroon sila ng pondo para pambayad ng abogado ng mga witnesses. Sa dami ng demanda na isinasampa ng gobyerno sa mga nagtatangkang mag-witness, maliwanag naman na tinatakot iyong mga magwi-witness dito sa imbestigasyon ng Senado. Hindi naman natin masisisi ang iba nating mga kababayan na magbigay ng pera, na tumulong para naman huwag matakot ang mga gustong mag-witness sa mga ganitong pgkakataon. Hindi fund raising ito at sa palagay ko nga kulang pa iyon sa gagastusin ni Mr. Lozada, for example at ng ibang witnesses na ididemanda ng ating gobyerno. Pero itong practice ng gobyerno natin na nagdidemanda sa mga ganyan, na tinatakot ang mga witnesses dito sa Senado, ay isang bagay na walang lugar sa ating demokrasya. Hindi dapat natin iyan pinapayagan. Iyong pagbibigay sa mga ganitong fundraising, iyan ay voluntary on the part of the people. Kung gusto nila, palagay ko, wala namang makakapigil sa kanila. Tama naman iyan.

Q: Sabi ninyo kailangan ng quality report dito sa ZTE investigation...

SPMBV: Ang ibig ko lang sabihin ay sa abot ng aming makakaya. Dahilan sa ang ginagawa ng gobyerno ay hindi nagpapadala ng witnesses, bina-block iyong mga iba, talagang hindi mo na malalaman kung saan ka makakarating sa kakulangan ng mga witnesses. Iyong 14 na pulis, hindi dumating. Paano mo ngayon ire-report ang kidnapping? Sana kung dumating man lang, para mag-balanse.

Q: Paano magiging quality report, iyong witness na si San Miguel iba ang naging pahayag...

SPMBV: Tama naman iyon. Babalansehin lamang iyan. In fact, hindi natin inaasahan na lahat ng witnesses ay isa ang sasabihin. Halimbawa, si Chairman Abalos iba naman ang sinabi niya. Iyong mga Cabinet members, iba naman ang sinabi. Dito sa imbestigasyon na ito, merong magsasabi ng ganito, may magsasabi ng ganoon. Nasa sa kababayan natin iyan, nasa sa committee iyan para desisyunan nila kung sino ang nagsasabi ng totoo. Hindi natin inaasahan na lahat ng witnesses ay magsasabi ng totoo. Nasa sa tao iyan, nasa sa miyembro ng committee iyan na magdesisyon kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Q: Doon sa double standard na sinasabi. Kasi ang Senado okay kay Madriaga, si San Miguel binabatikos ng ibang senador?

SPMBV: Hindi naman. Kasi ang senador nasa sa kanila na iyan. Merong bumabatikos kay Mr. Madriaga, merong bumabatikos kay San Miguel, merong bumabatikos kay Chairman Abalos, merong bumabatikos kay Romy Neri. Sa tingin mo kapag tiningnan mo ang lahat ng record, hindi talaga puwedeng lahat ay pupurihin ka. Meron talagang balansyado iyan na merong magki-criticize sa iyo, merong hahanga sa iyon. Iyan ang maganda sa Senado at maganda sa demokrasya na vibrant ang diskusyon sa mga committee hearings.

Q: Sa tingin ninyo dapat ngang tingnan pa iyong posibleng anggulo na talagang may nanggapang kay San Miguel?

SPMBV: Sa akin, ang tingin ko matatalino naman ang mga miyembro ng committee. Alam naman nila ang nagsisinungaling sa hindi. Mas maganda sana kung mapatunayan iyan subalit hindi ko naman iniisip na ang susi sa lahat ng ito ay si Mr. San Miguel. Isa lamang siya sa witnesses. Pakinggan natin lahat iyan at suriin natin kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Q: Supposed to be siya ang susi?

SPMBV: Hindi ko siya kinu-consider na susi. Kino-consider ko lamang siya na isa sa sinabi ni Mr. Madriaga. Ang tingin ko sa kanya ay pareho din ni Mr. Madriaga na isang witness. Ang tingin ko sa apat ay witnesses silang lahat. Ang obligasyon ng committee ay tingnan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mga statements nila. Mabubuo mo naman.

Q: Sa tingin ninyo, si San Miguel nagsisinungaling o hindi?

SPMBV: Ayoko namang husgahan kung sino ang nagsisinungaling o hindi baka naman ma-prejudge. Subalit sa palagay ko, ang senador meron nang kanya-kanyang nasa isipan. Ayoko namang pangunahan sila kung ano ang nasa isipan nila. In fact, sa mga ganyang pangyayari, parang jury, ang tao sa tingin ko nakikita nila sa television. Mas magaling sila na magsabi kung sino ang nagsasabi ng totoo. Mas mahusay tumingin ang mga tao.

Q: Hanggang kailan kayo willing to wait sa 17 officials na na-subpeona na?

SPMBV: Hindi naman kami maghihintay. Ang sinasabi lang namin, gagawin namin ang dapat naming gawin doon. Meron kaming obligasyon halimbawa, kung gusto naming mag-issue ng arrest order ay maaari naming gawin iyan. Binabalanse namin ito at ayaw naming gumawa ng isang programa na obligado kaming sundan dito sa imbestigasyon ng ZTE.

Q: Sabi ninyo nahihirapan kayong malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo?

SPMBV: Hindi ako nahihirapang malaman. In fact ako, alam ko kung sino ang nagsasabi ng totoo kaya lang ayokong i-prejudge ang iba.

Q: Okay sa inyo ang mag-lie detector test?

SPMBV: To be honest about it, hindi ko alam ang accuracy ng lie detector test. Sa akin, walang masama kung gusto nilang mag-volunteer niyan. Ako sa sarili ko, isang tingtin ko lang alam ko kung niloloko ako.

Q: Hindi na kailangan?

SPMBV: Sa akin, hindi ko na kailangan ang lie detector doon. Alam ko na kung sino ang nagsisinungaling. Iiwan ko na sa committee iyan kung sila ay nangangailangan ng lie detector test. Kung sa akala nila ay ready na silang gumawa ng conclusion nang wala ang lie detector test, why not? Iyan naman ay tungkulin nila at karapatan nila.

Q: Hindi ba mas okay iyong sinasabi ni Sen. Gordon na affidavit?

SPMBV: Puwede rin iyon pero meron pa ring sinungaling maski ganoon. There is no guarantee actually.

Q: On Brion's SC appointment

SPMBV: Masyadong maaga para husgahan natin si Secretary Brion. Base sa kanyang kakayahan ay qualified siya. Kaya lang, Cabinet member ng pangulo iyan at syempre hindi natin maiaalis na may bias iyan. Kaya malalaman natin kung paano siya boboto kay Secretary Neri kung siya ay inilagay diyan para sa issue na ito o siya ay inilagay diyan dahil sa kanyang kakayahan.

Q: May ceasefire ba during Lent?

SPMBV: Ewan ko kung bakit gusto nila ng ceasefire, hindi naman ako nakikipag-away. Kami naman ay kanya-kanya lamang gumagawa ng tungkulin. Wala namang ititigil dapat.

Q: Hindi ninyo inaaway ang Malacañang?

SPMBV: Wala akong inaaway sa Malacañang. Hindi pa naman ako gumagawa ng conclusion kung sino nga ang gumawa noon.

Q: Sabi nila the Senate is not the place to look for the truth?

SPMBV: Ewan ko rin pero ang akala ko may sistema tayo ng gobyerno, may check and balance tayo, may Senado may Executive. Unless nagbago na tayo ng sistema ng gobyerno, ganyan ang sistema na iyan. Meron ding press secretary na talaga namang spokesman ng pangulo.

Q: Iyong mga Chinese leaders na nag-courtesy call sa inyo, pine-pressure daw ang Congress na huwag ipasa ang baseline bill. Diniscuss din ba iyon sa inyo?

SPMBV: Hindi naman. Sa tingin ko, gusto lamang nilang masiguro na walang pagbabago sa relasyon ng Pilipinas at ng China. But to be fair sa mga nakausap namin, syempre gusto lang nilang malaman ang nangyari pero wala naman silang sinabi para maimpluwensyahan kami. Hindi naman ako naiimpluwensyahan nang ganyan.

Q: Nagtanong ba sila sa status?

SPMBV: Hindi naman. Sa tingin ko, sa mga ganyang mga bagay nagpapakiramdaman lamang kayo at naiintindihan mo naman na hindi iyan pumunta dito dahil Chinese New Year. Syempre merong kadahilanan kung bakit sila ay nakikipag-usap sa iyo.

Q: First time nangyari na may bumisita dito na taga-Central Committee ng China.

SPMBV: Alam mo syempre sa mga ganyang usapan, iyan ay puro usapan lang ng magandang relasyon between China and the Philippines. In fact, dapat naman liwanagin natin itong ZTE ay isang korporasyon at kung merong mga tao diyan na nagkasala, dito sa ating panig hindi naman dapat sisirain niyan ang relasyon ng China at ng Pilipinas. Dapat ang mga tao ay ihiwalay natin sa bansa. Kaibigan pa naman tayo ng Chinese people at kung merong ilang tao na gumawa ng hindi maganda sa ating bansa, opisyales ng ZTE halimbawa, kung saka-sakaling totoo ang mga akusasyon sa kanila, ay sila lamang iyon at hindi nagre-represent ng buong Chinese people.

Q: Hindi ba nangako ng suporta para sa 2010?

SPMBV: Hindi. Wala namang sinasabi. Ito ay pagdalaw lamang. Subalit siyempre, iniisip mo na na kaya sila dumalaw, to assure us na okay naman ang relasyon natin.

Q: Kasi ang Liberal Party nakipagkita sa kanila.

SPMBV: Hindi naman ako ang nakipagkita sa kanila. Sila ang nakipagkita sa amin.

Q: Sa tingin ninyo si Manny Pacquiao maiimpluwensyahan pa ang pag-iisip ng tao para maisalba niya si Gloria?

SPMBV: Sa palagay ko, sa isang bagay lamang ang impluwensya ni Manny Pacquiao at iyon ay nagbibigay ng pride sa ating lahat, na tayo ay maging proud na maging isang Filipino. Sa tuwing nakikita natin na may nanalong ganyan, at si Manny Pacquiao madalas manalo nang ganyan, nakakaramdam tayo ng pagmamalaki bilang Filipino. Hindi lahat kagaya niya. Meron din na kahihiyan ang inaabot natin.

Q: Makakatulong siya kay GMA?

SPMBV: Wala namang kinalaman ang boksing kay GMA. Sa palagay ko, hindi dapat natin gagamitin ang isang kagaya ni Manny Pacquiao sapagkat konti na lamang ang nagbibigay sa atin ng pagmamalaki. Huwag na nating isama iyan sa ating mga problema. Hayaan na lamang natin ang mga ganyang kababayan natin na patuloy na magbigay sa atin ng pagmamalaki.

Q: Makakabawas kay Pacquiao kung mag-iikot siya para kay GMA? Pangontra kay Lozada?

SPMBV: Si Manny Pacquiao ay isang Filipino na malaya at isang demokrasya pa rin tayo. Puwede niyang samahan ang gusto niyang samahan pero hindi naman boksing iyan. Pulitika iyan. Mas maganda sana na manatili na lamang si Manny sa boksing.

Q: Magiging kabawasan para kay Pacquiao?

SPMBV: Ayoko namang sabihin iyan. But in reality, Manny Pacquiao can do what he wants to do. Hindi mababawasan ang aking pagka-bilib sa kanya kung sino man ang samahan niya. Basta ako bilib sa kanya bilang isang Filipino, bilang isang boksingero.

Q: Hindi nagmisa para kay Jun Lozada sa Cebu

SPMBV: Hindi naman nagmimisa para kay Jun Lozada. Si Jun Lozada, umaatend lang sa misa. Kahapon siguro kaya walang misa dahil linggo at busy ang mga pari. Mahirap gumawa ng special mass kapag linggo.

Q: Hindi kayo naniniwala na may ganoong order si Cardinal Vidal?

SPMBV: Hindi ako naniniwala doon.

Q: Archdiocese of Malacañang daw ang Cebu sabi ni Lozada?

SPMBV: Hindi naman sa palagay ko. Baka hindi lang nagkaunawaan.

Q: Ibig ninyong sabihin si Pacquiao wala talagang binatbat sa pulitika?

SPMBV: Wala akong sinasabing ganyan. Ang sinasabi ko lang siya ay great fighter, a great boxer. Hinahangaan ko siya bilang isang boxer.

Q: Bibigyan n'yo ba ng security si Madriaga, aalis daw siya for Lent?

SPMBV: Iyan ay pag-uusapan namin kung ano ang maitutulong namin sa sinuman na magwi-witness dito sa abot ng aming makakaya.

Q: Dati kay Sandra Cam naging issue iyong halos P1M na nagagastos sa security niya. Magkano na ang nagagastos para sa security ng mga witnesses?

SPMBV: Iyong iba naman doon ay hindi galing sa Senado. Dito kay J Lo, ang nagbabantay talaga sa kanya ay ang mga pari't madre.

Q: May impression na nagagamit lang si J Lo sa pulitika sa pag-iikot niya.

SPMBV: To be fair, wala namang kandidatong pari ngayon, maliban sa Pampanga. Wala namang sumasakay kay J Lo sa kanyang pag-iikot. Iyong mga madreng sumasama sa kanya ay wala namang balak kumandidato.

Q: On rice crisis

SPMBV: Itong rice crisis huwag nating balewalain ito sapagkat kapag nagkaproblema, maaaring lumaki ito. Maraming dapat ipaliwanag dito. Unang-una iyong kartel, at baka merong nagte-take advantage sa kakulangan natin. Iyan ay dapat bigyan ng pansin ng ating gobyerno. Pangalawa, iyan ang problema sa mga fertilizer na nangangawala kaya dapat ang corruption sa ating bansa lalong-lalo na sa larangan ng agrikultura na diretsong tumatama sa mahirap ay hindi dapat ito-tolerate. Napakalaking bagay sa Senado ang nangyaring imbestigasyon sa fertilizer. Napakalaking bagay na hindi nag-cooperate ang gobyerno doon. Ito nga ang nakikita natin ngayon kung magkakaroon ng problema sa bigas. Ito kasi ang nakikita nating resulta ng kakulangan ng suporta ng gobyerno sa agrikultura na diretsong nagbe-benefit sa ating mga magsasaka. Ngayon kung mahina ang produksyon natin ng bigas, syempre isa sa kadahilanan niya at hindi natin maikakaila, ay ang nawawalang fertilizer. Hindi rin natin sigurado kung iyan lamang ang instance ng corruption dito sa agrikultura. Sa akin, malaki ang kakulangan ng ating pamahalaan kapag nagkaroon tayo ng problema sa bigas dahilan sa mga issue na iyan na hindi naman natin matapos dahil hindi nakikipag-cooperate ang gobyerno. Hanggang ngayon, hindi pa rin natin mahanap si Mr. Bolante.

Q: Meron talagang cartel?

SPMBV: Definitely may cartel. Ako ay naniniwala na may cartel dito. Subalit malaki rin ang corruption sa NFA. Sa aking palagay, hindi lang natin ma-establish. Napakaraming reports kasi sa akin ang dumarating ukol sa NFA. Wala lang akong makitang katibayan subalit maraming sumusulat sa akin sa bagay na iyan. Naniniwala ako na kapag ganitong may kakulangan, kasi worldwide ay tumataas ang presyo ng bigas, nakikita ko na dapat galingan ng gobyerno ang pag-handle sa krisis na ito. Maaring mas serious ang crisis na ito kaysa sa ZTE.

Q: Dapat imbestigahan ito ng Senate?

SPMBV: Titingnan natin ito. Bagamat ayaw kong mag-panic ang tao dito, syempre dapat malaman din natin kung ano ang present na kapasidad ng ating pamahalaan dito sa pagtugon sa problema ng bigas.

Q: Napapanahon na ba na bawasan ang buwis ng bigas na iniimport natin?

SPMBV: Puwede rin. Sa akin, kung maari hindi na muna dapat buwisan iyan. Babalansehin din natin iyan kasi ang mga farmers din natin ay umiiyak din sa kanilang problema. Babalansehin natin ang presyo ng bigas. Ang sigurado lang na kailangang alisin natin muna ay ang corruption hindi lamang sa panig ng NFA kung hindi dito sa Department of Agriculture.

Q: Lenten message to GMA

SPMBV: Sana ang pangulo ay magkaroon ng katahimikan itong Semana Santa. Sana magkaroon siya ng pagkakataon na mapag-isipang mabuti kung ano ang gagawing solusyon sa mga suliranin ng ating bayan sa ngayon at sa darating pang mga suliranin.

Q: Si JDV daw welcome sa UNO

SPMBV: Oo naman. Palagay ko naman si Joe De Venecia ay welcome. Wala namang duda na siya ay welcome sa oposisyon.

Q: Welcome siya sa NP?

SPMBV: Hindi nga siya umalis sa Lakas.

Q: On oil increase

SPMBV: Iyong increase ng presyo sa oil ay dapat neto noong increase sa crude oil at babawasin iyong increase sa peso. Kasi kapag tumataas ang peso, dati 57 ngayon 41 na lang dapat ganyan bumaba ang presyo ng gasolina. Tumaas naman ang presyo sa 110. So dapat ang increase niyan iyong neto. Papaano natin masisiguro na neto lamang ang ina-apply sa atin? Ngayon hindi natin alam kung inaabuso tayo o talagang dapat itaas. Hindi natin alam. Sa akin, dapat buksan ang mga libro ng oil companies. Open ako na dapat amyendahan ang Oil Deregulation Law only on that aspect na mabigyan ng mas maraming karapatan ang gobyerno na buksan ang mga libro ng oil companies. Naniniwala ako na may karapatan ang BIR rito. May karapatan din ang DOE, hindi lamang nila ginagamit ang kanilang karapatan. Sa palagay ko dapat gamitin nilang ang karapatan na buksan ang libro ng oil companies para masiguro natin kung ano ang formula na ginagamit nila. Kung talagang nine-neto nila ang increase sa price ng krudo, nine-neto nila ang pagtaas ng piso.

Q: Walang kakayahan ang DOE?

SPMBV: Ang BIR puwede rin kapag inutusan ng pangulo. Kasi lahat ng books puwedeng buksan ng BIR.

Q: Si San Miguel daw binayaran ng five million?

SPMBV: Ang mahal naman. Ganoon lang ang sinabi, five million?

News Latest News Feed