Press Release
March 18, 2008

Transcript of interview with Senator Mar Roxas on DWIZ's 'Karambola'

On the possible rice supply shortage:

MAR: Alalang-alala po ako, dahilan sa makikita natin iyan sa presyo. Bilang isang ekonomista, kapag tumataas ang presyo, ibig sabihin niyan, may pahiwatig iyan, na may kahigpitan sa supply. Noong ako ay nasa DTI, ang pinaka-regular na rice, yung one step above NFA, P18 hanggang P20 ang kilo. Ngayon, ang karaniwan ay P24 to P26 a kilo. Malaki talaga ang itinaas. Pangalawa, yung Secretary of Agriculture nagsasabi kailangang magkalahating kanin na lang tayo, tapos sasabihin wala tayong problema. Tanggapin natin na may problema tayo para makausad tayo at makahanap ng solusyon. Ngayong taong ito, ang estimate na iaangkat na bigas, 2 million metric tons. Ang kalkulasyon niyan is halos dalawang buwan ng pag-konsumo ito. Ang pag-konsumo natin is about 33,000 metric tons every day, so sa isang taon, more or less, 12 million metric tons ng bigas ang konsumo natin.

Itong pagsasabi na magtipid na lang tayo ng bigas o magkalahating takal, siguro para sa mga mamamayan na gusto mag-diyeta, pwede iyan. Pero mga mahihirap na wala na ngang ulam, wala pang kain. Isa o dalawang tuyo lang ang kakainin, mahirap naman iyon. Kaya tanggapin natin na may problema tayo. Isang panukala na maaaring ma-aksyunan na bago dumako talaga rito yung problema ay i-release na yung mga sabing calamity fund sa mga LGU para ma-release din ito sa mga magsasaka, na makakabili sila ng seeds, makakabili sila ng fertilizer kapag kinakailangan, pesticide o kung anuman, na sa ganoon maparami natin yung crops natin.

Q: Napapansin mo na ba sa mag palengke na nararamdaman na ang problemang ito?

MAR: Nararamdaman talaga, kase malaki ang pagtaas ng presyo. Ang epekto niyan ay yung P16-P18 bawat kilo na NFA rice, nada-divert. Kung mayroon kang NFA bigas na mabebenta mo P24 per kilo, imbes na P18 na NFA rice, ire-repack mo, tatanggalin mo ang NFA, at ibebenta mo. Kaya maraming mga NFA rice na hindi na nakikita.

Q: So dapat ma-anticipate na ang mga problemang ito.

MAR: Tama iyon, kase yung dati-rating surplus sa international na pamilihan, wala na iyon. Yung Thailand ngayon, hindi na maka-commit sa atin iyon kung anong volumes. Yung Vietnam, dati-rati lahat ng kailangan natin pwede nilang i-export papunta rito sa atin. E ngayon nagsasabi sila 'siguro kalahati na lang ng inyong pangangailangan ay mabebenta namin sa inyo,' at mahal pa. So it's not a question of price, it's a question of supply. Supply talaga. Lahat ng commodities sa mundo ngayon, talagang nagmahal at humigpit ang supply.

Talaga mayroon tayong problema. At may kasabihan, kapag hindi mo tatanggapin na may problema ka, papaano ka maghahanap ng magandang solusyon? So tanggapin natin na may problema tayo. Kung maghahanda tayo ngayon para maaga, mababawasan itong problema, o kaya hindi na dumating dito, de okey, mabuti para sa ating lahat na makapaghanda tayo. Kung pumikit-mata tayo, tapos wish for the best, dadating ang panahon na P28-P30 ang kilo ng bigas.

Isa sa mga prinsipyo na sinasabi ko ay dapat makita sa magandang pamamahala yung tinatawag na "act by design, not by default." Yung by default, hihintayin mo na lang kung ano ang mangyayari. Yung by design, may nakita kang problema, nakahanap ka ng solusyon, tapos aksyunan mo para masolusyonan ngayon.

Q: Do you see the problems in the world economy having an effect on the Philippines ?

MAR: Malaki ang impact dito sa amin. Maraming nagsasabi na ang US , sa ngayon, ay papasok na sa recession, o two quarters of negative growth. Ibig sabihin, mahina na talaga ang ekonomiya ng Estados Unidos. Pangalawa, ang epekto dito sa atin ay yung pera na dati-rati umiikot sa mundo na papunta sa atin ay mababawasan. Kaya makikita niyo na yung stock market at yung credit markets ay umiikot dito sa atin dahil ang pera ay bumabalik doon sa Amerika o sa iba pang pinagtutunguhan niya. At ito rin ang patunay na ang sinasabi ng gobyerno na malakas ang ekonomiya natin kase malakas ang stock market natin, hindi totoo iyon.

Dati, noong malakas ang stock market, malakas ang ekonomiya natin. Ngayong bumagsak ang stock market, malakas pa rin daw ang ekonomiya natin. So talagang may kaibahan ang financial markets doon sa real economy. Hindi natin sinasabi na masama yung financial markets, pero huwag nating palakihin pa yung pinapahiwatig nito because hindi naman talaga konektado yung financial markets doon sa real economy natin dito sa bansa natin, huwag i-exaggerate.

News Latest News Feed