Press Release
March 28, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in DZBB with Mike Enriquez

Ano po ang masasabi niyo sa binabanggit ni Atty. Romy Macalintal na illegal ang ginagawang pag-iimbestiga ng Senado dahil hindi naman daw na-publish ang rules of investigation ng Senado?

SPMBV: na-publish na ang rules on investigation ng Senado noong 1995 at di na namin iyan kinakailangan na i-publish uli dahil isang continuing body ang Senado. Ang ibig sabihin, kung ano ang Senado noong 1995, yun pa rin naman ang Senado ngayon. Isa pa, nasa website ang rules na iyan at kahit sino ay pwedeng tingnan sa internet ang regulasyon ng Senado sa pag-iimbestiga.

May mga senador po na nagsasabi na itigil na muna ang imbestigasyon ng Senado sa ZTE lalo na ngayong matapos lumabas ang desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng executive privilege. Pero may mga nagsasabi din na dapat pa ring ituloy ang imbestigasyon. Paano po ba ito Mr. Senate President?

SPMBV: Ang isyu dito ay hindi si Chairman Neri. Ang mahalaga dito ay ang posisyon ng Senado bilang isang institusyon. Matindi na kasi ang nangyayari ngayon dahil lahat ng nagsasabi ng katotohanan ay binabara. Hindi naman kami papayag na ganyanin na lamang ang Senado dahil ang aming kapangyarihan ay nasasaad mismo sa Saligang Batas. Pinag-aaralan ng Senado ang posisyon tungkol dito, hindi na lamang tungkol kay Chairman Neri kundi tungkol sa Senado sa kabuuan. Ang sistema ng gobyerno natin ay may check and balance. Ang kongreso lamang ang makakapagtanong sa Pangulo tungkol sa bagay na ito dahil under niya ang mga opisyal ng gobyerno at siya ang nag-appoint sa karamihan sa mga taong involved sa mga usaping ito at nakikita naman ng taumbayan sa kanilang mga kilos at galaw na sila ay sumusunod sa utos at kumpas ng Pangulo. Dapat ay tingnan natin ang prinsipyo ng sistema ng gobyerno dahil may check and balance tayong dapat pairalin at ipatupad. Yung mga basic questions na gusto sana naming itanong sa ZTE issue ay fundamental questions lamang na hindi mahirap sagutin kung wala silang itinatago. Tulad niyan, masyado na naman nilang tine-technical iyong rules on investigation. Masyadong maliit na bagay. Na-publish na iyan noong 1995 at hindi na namin iyan i-publish ulit dahil gaya nga ng sabi ko, ang Senate ay isang continuing body. Alam niyo, ang Supreme Court decision ay nag-rely heavily sa opinyon ng solicitor general pero iyong opinyon ng solicitor general ay ipinadala sa amin, huli na kaya hindi na kami nakapag-komento.

Mr. Senate President, ano po ba ang napag-usapan sa pulong niyo with Sen. Alan Cayetano at ang kilalang constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas?

SPMBV: napag-usapan iyong mga punto ng Supreme Court sa kanilang naging desisyon sa usapin ng executive privilege. May mga kasama rin kaming abogado doon sa pulong. Ayokong pangunahan si Fr. Bernas sa kanyang sasabihin tungkol sa pulong kapag siya ay natanong tungkol dito, pero kami ay lalo pang nahikayat at tumibay ang paninindigan na tama ang posisyon ng Senado sa isyu na ito. Hindi lang naman si Fr. Bernas ang aming kinonsulta tungkol dito. Maging ang ibang constitutionalist ay napapailing sa naging desisyon ng SC. Maging ang chief justice ay hindi sang-ayon sa desisyon nila. Makikita natin na iyong mga na-appoint ng Pangulo at mga bagong justices ang pumabor kay Chairman Neri. Kami sa Senado, hindi lamang ang isyu kay Chairman Neri ang pinangangalagaan namin kundi ang otoridad ng Senado bilang institusyon. Hindi namin isusuko ang karapatan ng Senado na mag-imbestiga at pananatilihin naming may check and balance sa ating bansa dahil iyan ang itinatakda ng Saligang Batas.

News Latest News Feed