Press Release
April 25, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZMM with Neil Ocampo

Q: Mr. Senate President, gaano kabata yung nailigtas niyong OFW at naibalik sa Pilipinas?

SPMBV: Ang pinakabata ay 13 years old lamang at ang karamihan sa kanila ay wala pang 18 anyos.

Q: Ilang lahat ito?

SPMBV: Yung unang batch na galing sa Jordan, 11 dapat iyon pero yung isa ay napigil sa airport. Yung galing naman sa Abu Dhabi ay pito.

Q: Ito po ba ay mga documented o undocumented OFWs?

SPMBV: Iyong mga undocumented ang malaking problema natin. Unang-una, bakit nakalabas ng Pilipinas iyong mga menor-de-edad. Sinasabi nila na pineke ang kanilang pasaporte at sila ay may escort sa airport ng ilang immigration officials. Pangalawa, walang sistema ang gobyerno nito para pangalagaan ang mga OFWs na nasa labas ng bansa samantalang higit na kalahati sa kanila ay walang proper documentation. Paano na lang itong mga undocumented nating mga kababayan kung maya mangyayaring masama sa kanila? Hindi naman natin pwedeng pabayaan dahil mga Pilipino iyan. Wala tayong mekanismo sa ngayon para sila ay makauwi at mabigyan ng pamasahe man lang.

Q: Ang ibig bang sabihin ng mga undocumented ay iyong hindi nakarehistro sa POEA na pag nagkakaproblema sa ibang bansa ay mahirap hagilapin at mahirap ding pauwiin.

SPMBV: ito ay hindi mga nakarehistro sa OWWA. Ang OWWA kasi, nagbibigay lang ng pamasahe sa mga miyembro nila na nagkakaroon ng problema sa ibang bansa. Pero gayunpaman, iyong tulong ay hindi agad na naibibigay ng mabilis. Matagal ang proseso. Kaya kailangan nating busisiin hindi lamang iyong paghabol sa mga immigration officials at iba pang sangkot sa gawaing ito, kailangan din nating maglatag ng sistema para mabigyan ng proteksyon ang mga OFW na nasa iba't-ibang panig ng mundo.

Q: Ang katwiran po dyan ng POEA ay hindi nila makontrol at napapalusutan sila. Sino po ba ang dapat na sisihin sa human smuggling diyan sa airport, yun bang mga immigration personnel?

SPMBV: Sa akin, dalawang bagay iyan. Una ay yung pagpigil sa pagpapalabas ng mga menor-de-edad para makapagtrabaho abroad, at pangalawa ay ang pagkakaroon ng sapat na pondo at sistema para ang mga OFWs na may ganyang mga kaso ay maibalik agad natin sa Pilipinas. Mga Pilipino lahat iyan. Hindi natin pwedeng sabihin na porke, undocumented sila ay hindi na natin sila tutulungan at aalagaan.

Q: Ito po bang mga natulungan niyo ay sumulat sa inyo? Paano po kayo nakipagcoordinate?

SPMBV: usually, pag pumupunta ako sa ibang bansa para dumalo sa mga pagpupulong, dumadaan ako sa mga embahada at konsulado natin para alamin kung may mga ganitong kaso. Sa Jordan, nakita ko na maraming kababaihan na kinakanlong ang ating embahada kaya iyong mga menor-de-edad ay binigyan ko ng pamasahe. Yung pito naman galing sa Abu Dhabi , ay may mga sakit kaya tinulungan ko na rin. Marami pang naiwan doon na kinakailangan pang balikan at tulungan. Hindi ako titigil sa pagtulong sa kanila.

Q: Ano pong klaseng pagmamaltrato ang inabot ng mga ito?

SPMBV: Iba-iba. Yung iba, hindi nase-swelduhan. Yung iba maysakit, nabubugbog ng mga amo, may biktima ng prostitusyon. Hindi sinasabi sa kanila na sa prostitusyon pala sila dadalhin. Maaawa ka talaga kung makikita mo at makakausap ang mga OFWs na ito. Ang gobyerno ay dapat harapin ito para maibalik sa bansa ang mga nagdurusa nating kababayan.

Q: Ito po pang ginastos ninyo ay mula sa sarili niyong bulsa?

SPMBV: Oo. Matagal kasi sa gobyerno. Binigyan ko ng pamasahe. Iyong iba, balak ko pang balikan dahil nakakaawa ang kanilang kalagayan. Umaasa kasi sila na makakauwi na sila sa Pilipinas. Iyong iba, isang taon nang naghihintay ng pondo para ipamasahe pauwi. Nakakaawa talaga.Kaya nga, ipinrisinta ko sa media iyong isang grupo para magising ang ating mga otoridad na may mga ganyang problema na ayaw lamang nating harapin.

Q: Nakabalik na po yung iba sa kanila, ano po ang plano niyo para sila ay makapamuhay ng maayos at makapagsimula ng panibago?

SPMBV: Iyong limang nagpakita sa akin mula sa Abu Dhabi, binigyan ko ng livelihood. Iyong mga bata naman na karamihan ay taga Mindanao, binigyan ko ng pamasahe para makauwi sa kanilang pamilya. Iyong iba, iti-train namin sa livelihood para mayroong silang alternatibong pagkakitaan. Iyong ibang maysakit, kailangang madala sa pagamutan.

Q: Ang kailangan dito ay ang sincerity ng gobyerno na tulungan ang ating mga kababayan na may ganitong problema

SPMBV: tama iyan. Hindi tayo maaaring mamili ng ating dapat tulungan. Lahat iyan ay mga Pilipino at obligado tayong tulungan kahit sino man sa kanila.

News Latest News Feed