Press Release
April 30, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: Yung minadali ng Kongreso na Cheaper Medicine bill, mukhang hindi naman minamadali ng Malakanyang...

SPMBV: Sa palagay ko, pipirmahan ng pangulo iyan. Baka tina-timing lang sa May 1 para merong significance ang date. Pipirmahan sigurado iyan dahil sa doon sa pinag-usapan naming sa LEDAC, isa iyan sa itutulak. Napagkaisahan namin na mamadaliin naming lahat para maibaba ang presyo ng medisina.

Q: Naniniwala ba kayo na mai-implement nang maayos iyon?

SPMBV: Hindi natin malalaman kung maiimplementa nang maayos iyan. Subukan natin. Naniniwala naman ako na bababa, hindi nga lang natin alam kung gaano kababa. Pero kami naman ay nakahandang tingnan muli iyan kapag hindi pa sapat ang pagbaba ng medisina. Nakahanda kaming mag-apruba ng bagong bill na naman para lalo pa siyang maibaba. Pero babantayan na naming iyan dahil gusto naming masiguro na iyan ay magwo-work para sa ating mga mamamayan.

Q: Sinasabi nila na toothless daw ang bill...

SPMBV: Depende na iyan sa kanilang pananaw. Bilang isang senador, acceptable naman sa akin any version, maipasa na lamang. Ang mahalaga kasi, maresolbe na rin ang isyu na ito. Naniniwala naman ako na ang parehong version ay makakatulong sa pagbaba ng medisina. Siguro mas malaki ang ibababa ng bersyon ng Mababang Kapulungan pero bababa rin naman dito sa bersyon na naaprubahan ngayon. Ang mahalaga ay naaprubahan na iyan at makatulong na sa pagbaba ng presyo ng medisina na kailangang-kailangan ng ating mga mamamayan ngayon.

Q: Tututukan n'yo po ang implementation nito?

SPMBV: Malalaman naman natin agad iyan. Babantayan natin ang presyo ng medisina kung iyan ay bababa o hindi. Kung hindi bababa iyan, titingnan agad namin para makapag-prepara kami ng bagong panukala. Pero sa ngayon, dapat bigyan natin ng pagkakataon na masubok ang batas bago tayo magsabi na hindi bababa ang presyo.

Q: Iyong mga talunan ng 2007 eleksyon, sa May uupo daw lahat.

SPMBV: Una, hindi naman natin masasabi kung sino talaga ang ia-appoint ng pangulo. In fairness to the president, hindi niya sinabi kung sino. Hindi naman malayo na merong natalo noong nakaraang eleksyon na maa-appoint ngayon. Pero sa akin, prerogative ng pangulo iyan. Syempre ang miyembro ng kanyang gabinete ay mga tao na pinagkakatiwalaan niya. Iyang bagay na iyan, hindi natin siya puwedeng pangunahan. Igagalang na lamang natin ang kanyang pagpili. Dahil syempre, kailangan gamay mo ang mga kasama mo sa pagtatrabaho. Isa pa, maganda rin naman na merong mga bagong mukha. Syempre kahit paano, maganda na from time to time, sumisigla at para magkaroon naman ng takot ang mga miyembro ng gabinete na walang ginagawa at mahina ang performance.

Q: Satisfied na ba kayo sa na-gather na evidence ng 3 committees on ZTE?

SPMBV: Actually, hindi pa namin napapag-usapan iyan. Palagay ko ang mga committee members pa lamang ang nag-uusap. Wala pa akong natatanggap na official report. Sa ngayon, sina-summarize pa lamang ng 3 committee. I think it will be premature na magsabi tayo kung gusto nating ireport o hindi. Hindi ko pa nababasa talaga ang report. Bagamat halos lahat ng senador ay miyembro ng komite na iyan, kaya naniniwala ako na kapag ang 3 committee na iyan ang gumawa ng rekomendasyon, iyan na halos ang sentimyento ng Senado.

Q: Premature na rin kung iterminate at this time ang hearing?

SPMBV: Mahirap sabihin hanggat hindi natin nakikita ang report. Syempre depende sa report iyan kung kumpleto na o hindi. O kaya baka naman ang sinasabi ng committee ay partial report. Possible kasi na partial report lamang ang sinasabi ng chairman. At kung partial report, that means hindi pa tapos ang hearing sa committee.

Q: Hindi kayo in favor na i-close ang hearing?

SPMBV: Kasi ako, iginagalang ko ang mga opinion ng chairman ng committee kaya syempre gusto kong makita muna ang report ng chairman at ano ang kadahilanan kung ito ay itutuloy o ititigil. Alam ko naman na ako ay kukunsultahin sa bagay na ito sa tamang panahon. Sa ngayon naman ay hindi pa ako nakukunsulta kaya hihintayin ko muna na ipakita sa akin ang report at pag-uusapan namin kung ano ang nararapat na gawin.

Q: Pero may SC case pa kasi, baka daw magsalita pa si Neri... Parang mako-compromise ang case ninyo...

SPMBV: Ang pagkakaalam ko, partial itong report na ito. Kaya gusto kong makita na nag report muna dahil sa ang pagkakabasa ko minsan sa diyaryo ay partial report. Ibig sabihin niyan, hindi pa tapos.

Q: You signed the resolution on federalism, does that mean you fully support or with some reservations?

SPMBV: With reservations. Pinag-usapan namin nina Sen. Pimentel at ibang Senador na ito ay kahilingan kasi ng ating mga local government officials sa Mindanao na sana ay pag-usapan naman daw. Napakahirap din naman daw na hindi man lang pinag-uusapan ang federal form of government so minarapat namin na pagbigyan sila at pag-usapan, pagdebatehan. Hindi nangangahulugan iyan na kami ay payag na roon. Depende iyan sa kalalabasan ng mga debate.

Q: Meron kayong reservation kung constituent assembly? Ang position ng Senado dati Con-Con.

SPMBV: Pag-uusapan pa rin namin. Itong resolusyon na ito ay para lamang magsimula ang debate. Maganda rin naman na tayong mga senador ay may open mind.

Q: Realistically kung maihabol ito, when will this take effect?

SPMBV: Matagal pa itong prosesong ito, nasa committee pa lamang. Matagal na matagal pa.

Q: Okay sa inyo si Recto sa DOF?

SPMBV: Kaibigan ko rin kasi si Gary Teves. In fairness to them, hanggat hindi pa ina-announce, ayaw ko munang mag-komenta. Syempre ako ay bilib din kay Ralph. Bilib din ako kay Gary. Pero baka hindi naman sila ang ia-appoint eh, magtatampo pa iyong isa.

News Latest News Feed