Press Release
May 11, 2008

ROXAS: PAG-SUSPINDE SA E-VAT 'HULING BARAHA' NG GOBYERNO

Hinamon ni Senador Mar Roxas ang pamahalaan na gamitin ang natitirang baraha nito upang pigilan ang nakatakdang transport strike sa May 12 at napipintong pagtataas sa singil sa pasahe na lalong magpapahirap sa ating mamamayan.

Iginiit niya na tanging ang pagsuspinde sa 12% VAT sa langis ang solusyon upang agad na mapababa ang presyo ng langis, na magbibigay ng malaking ginhawa sa mga tsuper, mananakay at mga konsumer.

"Ayaw nating magtaas ng pamasahe ang ating mga tsuper pero sila mismo ay ipit na ipit na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kaya't hindi natin sila masisisi na mag-strike at humirit ng dagdag pasahe," ani Roxas.

"Kaya panawagan natin sa gobyerno, sila ang magsakripisyo at suspindihin ang VAT sa langis, kaysa naman ang mga tsuper, mananakay at konsyumer natin ang mahirapan," dagdag ng senador.

Ang mga oil companies ay nagtaas muli ng P1 kada litro sa presyo ng gasoline, diesel at kerosene noong Sabado.

Nanawagan si Roxas, Pangulo ng Partido Liberal, sa gobyerno na tigilan na ang pagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng mamamayan at suspindihin na ang 12% value-added tax sa langis.

Aniya, "Hindi ordinaryo ang kasalukuyang panahon. Higit na kailangan nI Juan dela Cruz ang pera kaysa gobyerno, lalo na kung napupunta lang ang buwis ng mga kagaya niya sa katiwalian at maanomalyang mga kontrata tulad ng ZTE-NBN."

"Ang tanong ngayon, sino ang dapat gumastos nito, ang gobyerno o si Juan de la Cruz? Para sa akin, sa panahong ito na napakataas na ang presyo ng langis at mga bilihin, mas mabuti pa na si Juan de la Cruz ang gumastos nito," ayon pa kay Roxas.

News Latest News Feed