Press Release
May 31, 2008

ROXAS: GIPIT NA KONSYUMER TULUNGAN!
MABABANG GDP SENYALES NG MAHINANG PURCHASING POWER

Ayon kay Senador Mar Roxas, kailangan nang kumilos ng gobyerno at tulungan ang mga konsyumer na harapin ang patuloy na tumataas na presyo ng pagkain, langis at iba pang bilihin, sa pamamagitan ng pagsuspindi sa value-added tax (VAT) sa langis at kagyat na implementasyon ng mga "relief measures" na ipinasa kamakailan ng Kongreso: ang Cheaper Medicines Act at ang batas na nag-e-exempt sa minimum wage earners mula sa income tax.

Ayon sa senador, ang mas mahinang 5.2% na paglaki ng gross domestic product (GDP) ngayong taon�lubhang mababa kumpara sa 7% noong nakaraang taon at sa 6.2% na forecast ng gobyerno�ay nagpapakita ng humihinang purchasing power at kulang na suporta sa kanila ng pamahalaan.

"Bumaba ng 0.8% ang personal consumption. Ang paggastos nila, bumubuo sa 75% ng GDP. Kaya anumang paghina nito ay dapat ikabahala," ani Roxas.

"Sunod-sunod na delubyo sa presyo ng mga bilihin ang kinakaharap ng mga mamimili. Pagpasok pa lang ng taong ito, binulaga na sila ng magkakasunod na pagtaas sa presyo ng langis, na nagsimula sa $90 per barrel at ngayon ay $120 na," aniya.

"Nagmahal naman ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan sa supply dito at sa mundo. Maging ang OFWs ay kakaunti na lang ang ipinadadalang pera sa kanilang mga pamilya dahil mataas ang piso," anang senador.

Ngayon higit kailangang kumilos ng pamahalaan at isakripisyo na ang VAT sa langis para bigyan ng kagyat na ginhawa ang mga mamimili, ayon sa Chairman ng Senate Committee on Trade and Commerce.

Base sa kanyang inisyal na pag-aaral ng growth figures, bumaba ang government spending ng 1%, at humina naman ang government services sa 3% kumpara sa 8% noong nakaraang taon. Paliwanag niya, ipinapakita nitong hindi naman ginagastos ang pondo ng gobyerno para sa sinasabing mga programa na para sa mahihirap.

"Mukhang itinatago lang nila ang kita nila sa baul kaysa ginagastos doon sa sinasabing mga 'pro-poor programs.' Kung ako sa kanila, ibalik na lang ang pera ng taumbayan ngayong higit nila itong kailangan kaysa gobyerno," giit ng Pangulo ng Liberal Party.

News Latest News Feed