Press Release
July 24, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
on DZMM with Neil Ocampo, DZMM

Q: Lunes na po ang SONA ng Pangulo at may mga Senador at kongresistang nagpahayag na hindi sila dadalo. Kayo ho ba ay pupunta doon:

VILLAR: Pupunta ako. Bilang Pangulo ng Senado, obligasyon ko na dumalo sa SONA. Ito ay mahalagang araw kung kailan iniimbitahan ng Kongreso ang Pangulo para magbigay ng kanyang pananaw sa kalagayan ng ating bansa. Ito ay mahalaga, bagama't normal naman na di lahat ng mga mambabatas ay dumadalo. Di na ako magugulat kung hindi lahat ng mga mambabatas ay dadalo sa SONA.

Q: Ano po ang masasabi ninyo na mambobola lang na naman ang Pangulo?

VILLAR: Well, sasabihin niya sa kanyang SONA ang inaakala niyang kalagayan ng ating bansa at nag-aagree man tayo o hindi, nasa sa taong makikinig na iyan. Obligasyon ng Pangulo na sabihin sa atin ang kanyang pananaw sa bansa at karapatan naman natin na marinig iyon.

Q: Bumagsak po ang rating ng Pangulo sa latest survey. Kung iri-rate niyo ang Pangulo, siya po ba ay pasado o pasang-awa?

VILLAR: Itong rating ng Pangulo ay nanggaling sa mababa na at itong na-cover na survey period ay noong panahong tumaas ang presyo ng bigas at langis kaya naman inaasahan na natin na mas babababa pa ang kanyang rating. Ako, marami akong hindi sinasang-ayunan sa ginagawa ng Pangulo na pamamalakad sa bansa pero marami din naman akong nakikitang tama. Kaya ito ay dapat nating balansehin sa pagtatapos ng kanyang termino dahil dalawang taon na lamang ang nalalabi kaya't doon natin malalaman kung ano talaga ang performance rating ng Pangulo.

Q: Ano naman po ang naging performance ng Senado na maaaring positibong sabihin ng Pangulo sa kanyang SONA sa Lunes?

VILLAR: Bagama't marami ang ginagawang imbestigasyon ng Senado, nagko-cooperate ang Kongreso sa pagpapatibay ng mga mahahalagang panukala na makakatulong sa ating bayan. In fact, sa unang taon lamang ng pagbubukas ng 14th Congress, 36 na panukala na nasyonal ang kahalagahan ang aming pinagtibay sa Senado. Iyan ay isang bagay na ipagpapatuloy natin, lalung-lalo na ngayon na lumalala ang problema ng bayan. Kami ay nakahandang talakayin ang mga prayoridad ng ehekutibo at ang prayoridad ng Kongreso.

Q: Marami po ang nagsasabi na dapat ay alisin na ang VAT sa langis, ano po ba ang paninindigan niyo tungkol dito?

VILLAR: Siguradong tatalakayin namin iyan sa pagbubukas ng sesyon bagama't ang anumang panukala na may kaugnayan sa buwis ay dapat na manggaling sa mababang kapulungan. Malamang na hindi na namin hintayin iyan at simulan na naming pag-usapan kung ano ang dapat gawin sa VAT na sa ngayon ay napakaraming humihiling na tanggalin na at kung tatanggalin naman ay ano ang ipapalit para di masyadong malaki ang tama nito sa gobyerno.

Q: Para sa inyo, dapat na ba itong tanggalin o hindi?

VILLAR: Mas pinag-uusapan namin ay yung kapalit sapagkat hindi kaya kung basta tatanggalin at di papalitan ng kahit konti ang VAT. At least sana ay mabawi kahit kalahati man lang ng kung anuman ang matatanggal.

Q: Yung ARMM election, bakit isa po kayo sa tumututol na ito ay ma-postopone?

VILLAR: Malapit na kasi iyong eleksyon. Dalawang linggo na lang ang nalalabi at iyong mga kandidato doon ay matagal nang nangangampanya. Malahalaga rin na marinig natin ang tinig ng ARMM kung sino ang gusto nilang mamahala sa kanila. Ang postponement ng eleksyon ay di maganda para sa ating demokrasya. Baka kasi mamihasa tayo, hindi maganda iyan.

News Latest News Feed