Press Release
July 31, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' interview in DZMM's 'Todo Balita' with Neil Ocampo

On suspension of VAT on oil:

Q: Ang payo ng World Bank ay huwag alisin ang VAT sa langis.

MAR: Natural na iyan ang sasabihin ng World Bank dahilan sa ang pagnanais nila ay mabayaran ang mga utang nila. Pero hindi naman dapat mangamba ang World Bank, ang IMF, at iba pang financial institutions dahilan sa sapat naman ang pera na nasa budget natin at nasa sa kaban para lahat naman ng ito ay maserbisyuhan, at higit sa lahat, maserbisyuhan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.

Q: So may sapat pa rin tayong budget?

MAR: Tama iyan. Halimbawa, alam naman ng lahat na ang budget para sa taong ito ay P1.3 trillion. Sabi ng pangulo P80 billion ang VAT. E ano ba naman ang P80 billion na iyan sa P1.3 trillion na budget? Maliit na bahagi iyan ng kabuuang budget ng gobyerno. Maghigpit-sinturon lang ang gobyerno, husayan lang nila ang pangongolekta ng buwis, bantayan ang mga hindi nakokolekta at nasa sa balanse pa rin ang ating budget.

Q: Kapag inalis ang oil VAT, lalo daw maghihirap ang mga mahihirap?

MAR: Ang VAT...sino ba ang nagbabayad niyan? Hindi ba ang jeepney driver, magsasaka, mangingisda sa pagbili ng gasolina sa kanyang motorized na bangka? Hindi ba mahihirap ang lahat ng iyan? And so, imbes na kolektahin ng gobyerno ito, panatilihin na lang sa kamay at sa bulsa ng ating mga kababayan.

(Interlude: Quezon Rep. Danilo Suarez defends imposition of VAT on oil)

Q: Kaya tayo nangungutang dahil hindi sapat ang budget?

MAR: Siguro hindi lang nakita ng ating kaibigang si Congressman Danny yung mga numero. Pero ang gobyerno na ang may sabi na, in fact, halos nasa balanse ang budget natin ngayong taon na ito. Ibig sabihin na halos nasa balanse ay may sapat na koleksyon para pondohan yung gagastusin ng gobyerno sa ngayon.

Ang pinakaimportante sa ngayon na alamin ng ating mga kababayan ay kakaiba ang sitwasyon ngayon. Alam naman iyan ng ating mga kababayan dahil sa nagmahal ang mga bigas, kuryente, transportasyon. So kakaiba ang sitwasyon, dapat din ang solusyon natin kakaiba rin. Hindi maaari na yung solusyon noong mga nakaraang mga taon ay pikit-mata, itutuloy na lang ngayon ng walang adjustment. Iyon ang sitwasyon natin ngayon kaya kailangang ibahin din natin yung gamot, yung prescription na gagawin natin.

Q: Ano yung gamot na iyon?

MAR: Para sa akin, unang una tanggalin natin yung VAT sa produktong petrolyo. Sa aking kalkulasyon P30 billion ang mawawala sa kaban ng gobyerno pero ito naman ay nasa sa kamay ni Juan de la Cruz, na sa kanyang paggastos nito, may bagong VAT na kokolektahin na naman ang gobyerno eh. Ang pinakaimportante dito ay lubos-lubusan na ang nakokolekta ng gobyerno sa VAT. In fact, dito sa budget ng gobyerno nitong taon na ito, ang kanilang projection sa presyo ng langis ay $60 lamang bawat bariles. Ibig sabihin nakaprogram sa gobyerno na ang kokolektahin nila ay 12% on $60,or $7.20 per barrel. Iyan lang ang inaasahan na kolektahin ng gobyerno sa VAT itong taon na ito. Samantala ang kanilang koleksyon sa ngayon ay nasa sa $15-16 na per barrel, gawa ng $130 per barrel na presyo.

News Latest News Feed