Press Release
August 12, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: On the $34 million missing Marcos money

Villar: Clearly, hahanapin natin iyan. Of course, gusto naman nating maliwanagan kung ano ang detalye nitong missing. Basta ba na lang parang missing na lang ang $34 million. Hindi naman siguro ganoon kasimple iyon. Maaring merong paliwanag diyan kung saan napunta iyon at gusto kong malaman ang paliwanag nila. Of course, kung wala silang paliwanag at hindi maipapaliwanag iyan, hahanapin natin iyan. Siguradong may magpa-file ng resolusyon para iyan ay maimbestigahan. Tingnan muna natin. Hindi naman ako maniniwala na parang bulang nawala na lang ang $34 million.

Q: Magkakaroon po kayo ng imbestigasyon?

Villar: Siyempre ngayon dahil lumabas sa diyaryo iyan, magpapaliwanag ang PCGG kung saan napunta ang $34 million. Siyempre kung nawala naman iyon na parang magic, talaga naman sigurong dapat hanapin natin iyon.

Q: All systems go na daw sabi ng palace sa cha-cha?

Villar: Iyon nga ang sinasabi kaya nagkakagulo-gulo sa GRP-MILF agreement dahilan sa may nahaluan ng cha-cha. Bagaman dito sa mataas na kapulungan ay meron tayong panukala para pag-usapan iyan, ito ay isang bagay na pag-uusapan pa lang, ang federal system. Hindi pa nagsisimula sa committee ang debate diyan. Ngayon kung ipu-push ng Malacañang iyan, syempre gusto nating malaman ang puno't dulo nito, ano ba talaga ang istorya nito? Ito ba ay magbubunga ng pag-aalis ng eleksyon sa 2010? Mas seryoso ang pangyayaring ito. Hindi dapat sakyan ng ibang isyu. Hindi ako naniniwala na ang isyu sa Mindanao ay dapat gamitin sa isang napakahalagang bagay na kagaya ng sistema ng ating gobyerno. Kaya ito ay kailangang tingnan nating mabuti. Iyong agreement sa Mindanao, iba naman iyon. Sa palagay ko maliwanag naman ang lumalabas ngayon na ang tao ay natatakot doon. Pero iyong isinasabay at merong sumasakay dito sa paglipat sa isang bagong sistema ng pamahalaan, mas seryoso iyan. Hindi naman puwedeng ganyan-ganyan na lamang iyan.

Q: Open naman po kayo sa federalism?

Villar: Masyadong maaga iyan. Sa akin lang, gusto kong siguraduhin na hindi iyan isasakay doon sa GRP-MILF agreement. Malabo iyon. Hindi ako naniniwalang dapat iyon ay pasukin natin sa GRP-MILF agreement. Sa federal system of government, iyon nga ang sinasabi ko, dapat hindi isabay doon. May proseso iyan at ang proseso naman ay nagsimula na dito sa Senado. Bagaman dahan-dahan nga lamang ang proseso dito at hindi naman all systems go.

Q: Talagang ayaw bumaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo...

Villar: Kung iyon ang mangyayari. Ang kinakatakutan ko dito, ang 2010. Mahalaga na may eleksyon tayo sa 2010 anuman ang mangyari.

Q: If ever, federalism should be pushed after 2010?

Villar: Ano man ang pagbabago, dapat iyan ay pagkatapos ng eleksyon. Basta ang proposal na iyan ay iikot sa magkakaroon ng halalan sa 2010 dahil iyon naman talaga ang inaasahan ng ating mga kababayan.

Q: Ano ang mangyayari kung walang eleksyon sa 2010?

Villar: Palagay ko, magugulo tayo kung walang eleksyon sa 2010 sapagkat iyan ay isang bagay na mahirap na matanggap ng ating mga kababayan.

Q: Sa tingin ninyo, walang pambato ang admin sa 2010?

Villar: Hindi ko alam kung wala silang pambato. Posible rin naman na hindi pa umaalis o ayaw pang umalis.

Q: On cha-cha

Villar: Ang masasabi ko lang ay hindi ako nagugulat na iyan ay dini-discuss na ngayon. In fact, iyan ang kinakatakutan ng marami na baka iyon na nga.

Q: Na pwedeng sumakay sila kapag nag-debate kayo sa federalism bill ni Sen. Pimentel? Is that a risk?

Villar: Iyong kay Sen. Pimentel ay tumatakbo ng maayos ang proseso niyan.

Q: Puwedeng sakyan iyon?

Villar: Puwedeng sakyan iyan. Talagang kapag sumakay sila ay may ibang agenda.

Q: Maraming senador ang mate-turn off dahil si GMA naglabas ng statement to support it also?

Villar: Ayoko nang pangunahan ang mga senador. Iginagalang ko ang pananaw ng bawat senador, iginagalang ko ang pananaw ni Sen. Pimentel. Tinitingnan kong mabuti itong nangyayari. Dahilan sa ako ay nagmamasid pa, nagiging complicated ito kasi sinabay sa GRP-MILF pact. Masyadong mahiwaga ang pagkakasabay na ito. Gusto kong malaman ano ba talaga ang puno't dulo nito. Kasi mahirap iyong nagmamadali tayo na ang pag-analyze natin ay per piraso. Gusto kong makita ang totality.

News Latest News Feed