Press Release
September 2, 2008

Transcript of Sen. Mar Roxas' interview on DZXL's 'Birada' with Doris Bigornia and Erwin Tulfo

On raising salaries of public officials:

Q: Baka inilalaan ang VAT para taasan ang sahod ng Pangulo at iba pang opisyal?

MAR: Hindi maaari iyan na kami ang makikinabang. Kasi kung mangyari man iyan, supposed to be, yung sa mga susunod na Kongreso, yung sa mga susunod na uupo. Hindi pwede na kami ang makikinabang sa bagay na kami rin ang gumawa. Kaya hindi pwede talaga iyan.

Q: Bakit kailangan taasan ang sahod ng Pangulo kung maraming taong naghihirap?

MAR: Sa totoo lang, kung tataasan mo ang suweldo ng Pangulo, e isang tao iyan e. Pero alam ko talaga hindi pwede. Kaming mga senador, mga kongresista, kami ang gagawa ng batas e. Hindi pwede na kami ang makikinabang nyan. Talagag mali iyan. Kaya kung talagang mangyari man iyan, hindi pwede na kami ang unang makikinabang. Ise-set dapat iyan para sa mga susunod na Kongreso. Hindi para sa ngayon.

Maari na ang gustong taasan ay yung mga kawani ng gobyerno. Pero may reglamento na hindi pwedeng humigit sa salary ng Pangulo yung mga sweldo ng, halimbawa, ng Undersecretary at Assistant Secretary. Kaya hindi dapat ang makikinabang diyan ang Pangulo, yung mga Senador at Kongresista. Sine-set iyan, inaayos iyan para sa susunod pero ang immediate na impact niyan ay para sa mga bureau director, assistant secretary, undersecretary. Hindi naman sila pwedeng dagdagan kasi the President is the highest state official e. So kung ang pangulo ay hindi matataasan, hindi rin matataasan yung nasa baba. Pero kahit pa taasan sa reglamento yung salary ng Pangulo hindi pwede na siya o kami ang makinabang dyan. Kasi kami ang gumawa e. Labag iyan sa batas.

On rising prices:

Q: Kamusta ang presyo ng mga bilihin?

MAR: Talagang nagsitaasan ang mga bilihin, lalo na ang baboy. Nagmahal ng kaunti, nasa P140-150. At ang bigas, nagkaloko-loko dahilan sa tinanggal na itong 18.25 na NFA sa palengke, doon na lang daw sa mga may card. E limitado lang yung mga card na iyon. Iyon nga yung nirereklamo ng ating mga kababayan. Pero ito yung hindi ko maunawaan dahilan sa klarong-klaro na kulang yung imbentaryo natin ng bigas sa bansa natin. Kaya bakit hindi tayo magkaroon ng isang malinaw o definite na plano para mapunan itong kakulangan na ito.. 2 million MT iyan e.

Q: Sabi ng DA at NFA, tapos na daw itong krisis sa bigas?

MAR: E kasi nag-angkat sila e. E bakit hindi na lang dito natin isaka at anihin iyan? Bakit natin ibabayad iyan sa magsasaka ng Thailand at Vietnam?

Q: Dahil "-Ber" months na, tataas malamang ang presyo ng bilihin?

MAR: E talaga namang magtataas iyan. At sa awa naman ng Diyos hindi nagtaas yung arina, yung trigo at pandesal. Pero halimbawa dito sa mga sardinas, ngayon nasa P11-12 na ang bawat lata niyan. Dati rati nasa P8.50-9.50 lang iyan. So ngayon, nagmahal na itong mga sardinas na ito.

Q: Gumawa ba kayo ng study para matugunan ang problema sa tumataas na presyo?

MAR: Ang gamot diyan unang-una ay dapat yung kamay na bakal ng gobyerno e gamitin niya iyan laban dito sa nagsasamantala. Dahilan sa kung talagang nagmamahal naman talaga itong mga presyong ito, gusto lang naman talagang makasiguro ng ating mga kababayan na hindi tayo pinagsasamantalahan. Iyon lang ang dapat. E alam naman natin na nagmahal yung krudo sa internasyunal. Ang punto dito is bulatlatin natin yung libro ng mga oil companies na ito at nang sa ganon malaman kung talagang pinagsamantalahan ba tayo o talagang tama ang siningil nila.

Pangalawa, dapat patibayin natin ang ating ekonomiya. Halimbawa dito sa agrikultura, imbes na bumili tayo ng bigas doon sa Vietnam at Thailand, bakit hindi na lang natin palakasin ang ating domestic agriculture. Yung mga magsasaka dito bigyan natin ng fertilizer, ng feeds sa pautang, at nang sa ganoon dito natin bibilhin yung pagkain natin. Bakit kinakailangan nating bumili abroad? E di yung pera natin napunta sa abroad imbes na sa dito't makatulong sa ating mga kababayan.

On VAT on oil:

Q: Wala na daw pera mula doon sa VAT?

MAR: Mali yung aritmetik niya. Ito ang tamang kalkulasyon nito. Noong ipinataw ang VAT na ito, ang presyo ng langis ay $30 per barrel. Ang inaasahan lamang ng gobyerno na makolekta diyan ay 12% on $30 a barrel is $3.60 sa bawat bariles na ini-import natin. Iyan lamang ang inaasahan ng gobyerno na makolekta diyan. So halimbawa, ngayon, ang presyo ay nasa higit $100 per barrel. So ang nakokolekta ngayon is 12% VAT times $100 a barrel ipagpalagay mo is $12. Iyan ang aktwal na makokolekta. E ang inasahan lang na makolekta ng gobyerno diyan is $3.60 bawat bariles. So mababase na, ipagpalagay mo na $8 a barrel ang hindi naman niya inasahan, ang hindi naman niya pinagplanuhan, hindi niya na-program. Iyan yung tinatawag na windfall.

Kasi wala namang ginawa ang gobyerno dyan dahil nagmahal naman talaga ang krudo sa internasyunal kaya lumaki ng lumaki yung koleksyon ng gobyerno kahit wala naman siyang ginagawa. So yang $8 per barrel na iyan, ang katumbas niyan, palagay mo sa P50 is to $1, is P400 per barrel. E ang inaangkat natin is more than 100 million barrels a year. So malaki talaga ang nakokolekta na extra ng gobyerno diyan kaya iyan ang sinasabi nating windfall. Hindi naman natin inaasahan iyan e. E bigla na lang ngayon may pinaglagyan na. Kaya para sa akin, balik parin tayo sa akin iminumungkahi na iatras natin yun VAT sa productong petrolyo at ibalik natin yung pera sa kamay ng tao.

Q: Ano ang expected na nakokolekta ng gobyerno dito?

MAR: Biyun-bilyon. Siguro nasa P70 bilyon ang nakokolekta siguro ng gobyerno diyan. Pero iyan ang nasa kabuuan. Kasi noong ipataw yang VAT, sa lahat naman ng produkto iyan eh. Ang pinag-uusapan natin dito yung VAT sa petrolyo..

Q: So hindi totoo na 'zero' na ang katas ng VAT?

MAR: Andiyan yung pera, yung tanong lang is ano ang prayoridad? Baka naman kung saan nila nilagay ito. Para naman sa akin, hindi natin made-deny na nandiyan yung pera. Ang problema is kung sasabihin nila na wala na, ibig sabihin nagastos na ito sa iba. E di dapat i-accounting iyan.

News Latest News Feed