Press Release
September 30, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar and OFW Jennifer Calinao (NAIA I)

Q: On the repatriation of Jennifer Calinao

Villar: Nais ko lang ikwento na dumaan ako sa Bahrain papuntang Jordan noong sinamahan ko pauwi ang ating mga OFW doon. Ako ay kumain sa isang restaurant at ibinigay sa akin ng may-ari ng restaurant itong mga papel na ito. Sinabi nila na meron daw isang kababayan tayo na nakapulot nito at dinala sa restaurant kaya ibinibigay niya sa kasama ko na ambassador at aking tiningnan. Binasa ko ang istorya ni Jennifer. Siguro, pwedeng ikwento ito ni Jennifer. Jennifer Calinao: Sabi ko po doon sa agency, magpapalit ako ng sponsor. Ang sabi niya po, hindi daw niya ako papalitan ng sponsor. Ide-detain na lang daw po ako ng agency tapos ikinulong po ako ng isang linggo. May nakita po ako na isang Pilipina na dumaan sa building ng agency. Tapos po sabi ko, kabayan tulungan mo naman ako kasi nakakulong ako dito, ayaw akong palabasin ng manager. Araw-araw na po siyang dumadaan doon, inaabangan ko ang kada daan niya kasi malapit lang po ang accommodation nila. Naghuhulog po ako ng sulat doon sa may pinakabutas ng building. Kasi po init na init na po ako doon, walang aircon, walang kahit ano doon. Tapos sabi ng Pilipina...

Q: Ano ang pangalan ng kaibigan mong Pilipina?

Jennifer Calinao: Hindi ko po kilala iyon. Dumadaan lang siya doon. Lagi-lagi na po siyang dumadaan doon, inaabangan ko kada daan niya tapos gumagawa po ako ng letters para ibigay nga po doon sa mga kababayan natin. Talaga pong ayaw akong palabasin doon sa building ng manager ng agency. Tapos sabi niya, sumigaw siya kunwari may kausap siya sa cellphone. Sabi niya, sige ako ang bahala, tutulungan ka namin diyan basta huwag ka lamang mag-aano. Tapos lagi po akong sinasabihan ng manager na kapag nalaman nga daw sa Philippine embassy, papatayin daw po o kaya ipakukulong daw po. Kaya sabi ko doon sa Pilipina, huwag ka munang magsusumbong kasi pagka nangyari iyan, baka mapahamak ako dito. Iyon po. Tapos hindi po ako binibigyan ng pagkain sa loob. Stay daw po ako two years doon hangga't hindi ako nakakabayad ng 600 BD na ibinigay nila sa agency dito.

Villar: Ako naman, noong dumaan ako sa Bahrain, kumain muna kami ni Ambassador at ni Consul Burgos sa restaurant. Ibinigay po sa akin ito. Ito pala ang mga itinatapon ni Jennifer sa kanyang pinagkakakulungan at ibinigay noong nakapulot, iyong ikinukwento niyang dumadaan everyday. Ngayon binasa ko itong istorya at kara-karakang inutusan ko si Ambassador at si Consul na kailangan ay makuha nila itong si Jennifer at hindi puwedeng hindi makukuha ito. Pinuntahan nila agad. Una muna ay wala, sarado. Iyong pangalawa ay naayos nila. Pinababayaran kasi sa kanya iyong $2,000 tsaka pamasahe. Sinagot ko na lamang iyon para makalaya na siya at para walang problema. Ito ay nakakatuwa rin dahil sa nagkataon lamang na kumain kami sa particular na restaurant na iyon. Kaya ko naman sinasabi ito dahil sa maaaring maraming ganitong halimbawa na nangyayari sa atin pong mga kababayan doon. Itong kay Jennifer ay maaaring isang halimbawa lamang ng maraming mga ganyang kaso na nakakulong. Mabuti si Jennifer ay sumulat dito sa karton at napulot at nagkataong naibigay naman sa ambassador at naibigay sa akin. Kung hindi nangyari iyan ay matagal na makukulong itong si Jennifer. Kaya hindi natin puwedeng tigilan itong pagtulong sa ganitong mga may problema. Bagamat mayroon na tayong mga kasunduan na napipirmahan sa Jordan, dito naman sa Bahrain ay meron ding mga ganitong pangyayari at marami pang mga bansa. Kaya tuloy-tuloy lamang ang ating programa para dito upang itong nangyari kay Jennifer ay hindi mangyayari sa iba nating mga kababayan.

Q: You mentioned dati na gusto ninyo ng repatriation fund para sa mga OFWs?

Villar: Oo, ito nga ang aking ipinakikiusap ngayon na dagdagan ng gobyerno ang pondo nila para sa OFW. Ang OWWA kasi ay nakakatulong lamang kapag may dokumento. Marami tayong mga kababayan na walang dokumento at nahihirapan sila sa pagkuha ng mga pamasahe at pambayad noong mga sinisingil ng employer nila. Hindi lamang kasi pamasahe ang problema. Ang isang problema pa ay iyong mga sinisingil noong mga employer nila na sila na nga ang inagrabyado, sinisigil pa sila. Kagaya ni Jennifer, sinisingil siya ng mga $2000. Saan naman kukuha ang mga kagaya nila? Ito ang nagiging suliranin natin na kailangan ding malutas. Iyong pamasahe, medyo naire-raise natin iyan subalit iyong pambayad sa mga ahensya na naniningil pa, kulang pa. Ang sitwasyon dito sa Bahrain ay kamukha din sa Jordan at palagay ko, kamukha rin sa ibang bansa, sa Saudi at Kuwait.

Ito ay talagang pangmalakihan, pero sa tingin ko, basta tuloy-tuloy lamang po ang ating gagawin na pagtulong at paghanap ng solusyon sa mga ganitong mga kaso, malulutas din natin ito. Syempre, pinakamahalaga rin ang role ng gobyerno dahil sa sila ang may napakaraming pondo. Ang akin pong tulong ay personal ko lamang subalit hindi naman po sasapat iyon. Kinakailangan talagang umalalay ng malakihan ang ating pamahalaan. Isa pa, ako naman ay nagpapasalamat sa ating mga government agencies ngayon kasi simula nang mai-launch ko ang programa ko, nakikita ko na medyo humihigpit ngayon sila at nakikipagtulungan ang ating iba't ibang ahensya ng gobyerno at ngayon ay may team work na po sa pagtulong sa ating mga kababayan. Pati ang mga embahada ngayon ay alerto na, pati ang mga NGO kagaya ng Migrante, tulong-tulong kaming lahat. Pinag-uusapan namin na ito po ay hindi namin titigilan hangga't hindi po nalulutas itong problema, maski abutin kami ng ilang taon.

Q: Puwede ho bang maglagay ng supplemental budget?

Villar: Palagay ko puwede naman, o mag-realign diyan.

Q: How much, sir?

Villar: Minimum diyan mga P1 billion pero sa tingin ko mga P3 billion siguro ang kailangan. Hindi lamang iyan, kinakailangan talagang magdagdag ng mga staff doon sa mga bansa na marami tayong problema. Identified naman ang mga bansa na iyan at dapat diyan ay dagdagan ang mga personnel ng embassy at ng DOLE nang sa ganoon ay mas higit silang makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan sa mga nasabing mga bansa.

Q: You mentioned realignment, so just in case you would want an amendment in the 2009 budget?

Villar: Iyan na naman. Ayoko na uling mag-propose ng ganyan. Basta ang gusto ko lamang ay hingan ito ng tulong at ito ay ilalahad ko ng maliwanag sa Senado na sana ay matulungan namin lahat ito. Maski sa pangulo ay ilalapit ko na lakihan ang budget ng ating OFW hindi lamang sa taong ito kundi sa mga darating pang taon para talagang mabigyan natin ng atensyon. Ito ay isang problema kasi na nakaligtaan at hindi napapansin. Napakalaki ng pumapasok sa atin na mga dolyar pero hindi natin nakikita iyong mga sinasawing-palad nating mga kababayan. Hindi naman kasi lahat ng kababayan natin ay nagkaganyan. Ang iba naman ay okay naman. Subalit meron tayong mga ilan na hindi nagkakaroon ng magandang kapalaran. Dito tayo dapat na tumulong, iyong mga kagaya ni Jennifer.

Q: Hindi ninyo kakasuhan ang agent na nag-detain sa kanya?

Villar: Ito ay isang programa na tinitingnan ko nga, kung paano ang magandang approach sa mga agencies na ito dahilan sa ang pagdedemanda kasi doon ay hindi simple dahil nasa kanilang batas iyon. Subalit dapat i-pursue iyan kasi foreigner. Ang magagawa muna natin diyan ay makipag-ugnayan sa iba't ibang asosasyon ng mga agencies na ganyan para mag-set ng rules kung ano ang mga bawal at kung ano ang mga dapat gawin at kung ano ang mga hindi dapat gawin.

Q: Hindi n'yo ba ipapa-ban iyon sa Pilipinas?

Villar: Huwag muna kasi unang-una titingnan muna natin ang ating relasyon diplomatiko sa mga bansa na iyan. Sa tingin ko, mas marami tayong magagawa muna kung saka-sakaling ma-work out natin ito, kagaya ng ginawa kong pag-work out sa Jordan na nagpasa sila ng panukala na naglalagay sa ilalim ng kanilang batas sa labor sa mga kasambahay natin. Isa pa, gumagawa ng memorandum of agreement para magkaroon ng minimum na dapat masunod kagaya halimbawa ng bayad, edad, lilimitahan na ang edad ng puwedeng palabasin, kailangan bibigyan sila ng karapatan na makita muna iyong pagdadalhan sa kanila bago sila ihatid doon. Ito ay ilan lamang sa mga reporma na dapat nating magawa.

Q: Clarification lang, iyong realignment for 2009 budget iyon?

Villar: Titingnan ko muna kung ito ay puwedeng gawin sa loob subalit ito ay ipagkakatiwala ko na lang muna sa Senado. Nililiwanag ko na ito ay isang bagay na dapat pondohan ng ating gobyerno.

Q: Ibig sabihin sir, sa pondo na iyan papabayaan n'yo na ang labor committee o OFW sector?

Villar: Hindi naman. Sa tingin ko naman ay puwedeng iyan ay magawa ng pangulo at hindi naman kailangang sa budget. Merong mga pondo na lalakihan lamang ang alokasyon para sa ganitong kaso.

Q: Sir, we appreciate what you do but what happened to other agencies that were created specifically to look after them, DOLE, OWWA, POEA...

Villar: Alam natin maging sila ay marami ring problema. Maganda nga ngayon na humaharap na rin sila at nagkakaroon ng kooperasyon. Naidadaing din nila ang kanilang problema na wala rin naman talagang sapat na pondo, sapat na staff. Kaya ngayon tingin ko alisto na sila dahil nga nababantayan natin ngayon. Talagang sinasabi ko na kailangang bantayan ito at huwag nating hahayaan. In fairness to them, simula nang i-launch ko ang programang ito, mas nag-intensify ang kanilang pagtulong at ngayon ay alisto na sila sa mga complaints na kagaya nito. Alam nila kasi na nakatingin tayo sa kanila kaya mas cooperative sila ngayon, lalo ngayon nagagamit din ang tulong ng mga NGOs sa bagay na ito. Ang nagyayari ngayon ay tulong-tulong. Sa palagay ko ito ay dadalhin ko rin sa pansin ng ating pangulo para naman mapagtulung-tulungan din at magkaroon ng full cooperation ang lahat ng ahensya ng gobyerno sa lahat ng mga NGOs at lahat ng ating mga kababayan na gustong tumulong.

Q: In yesterday's hearing of the Committee on Finance, na-clarify na wala kayong wrong-doing sa P200 million insertion?

Villar: Ako ay natutuwa sa nangyari kahapon at na-establish na wala tayong kinalaman diyan at wala tayong mali na ginawa doon. Iyon naman ang aking unang sinasabi talaga na wala talagang anomalya diyan, walang kamalian diyan. Ako ay natutuwa at iyan naman ang lumabas sa imbestigasyon na iyon.

Q: Ready daw ho ba kayong humarap sa Ethics Committee just in case?

Villar: Ito nga ang nakakatawa, napatunayan nga na wala kang kasalanan, bakit pa ba papahabain? Kung meron talagang dapat magalit, ako iyon dahil sa kahit paano nahirapan din tayo, marami tayong mga kababayan, mga pamilya ko, etc., na naapektuhan ng isang bagay na wala naman. Sana naman ay huwag ganyan. Ako naman ay hindi nakikipag-away. Ang gusto ko ang Senado ay maging tahimik kaya anuman ang sabihin nila, na sinagot ko. Hindi naman po totoo na hindi ko pinaiimbestigahan. Matagal nang na-schedule ang imbestigasyon na iyan. Pangalawa, sinagot ko na po iyan. Unang-unang araw pa lang na nagkaroon niyan ay nagpatawag na ako ng press conference at sinagot ko na iyan. Dangan nga lamang ay ayaw ko ng pauli-ulit na sagutan dahilan sa naaawa rin po ako sa Senado. Kahit paano ay mahal ko na rin po iyan at nakikita ko na ito ay isang mahalagang institusyon sa ating bansa. Alam ko na maraming nagtatangka na alisin ang Senado at ayokong maging paraan ito para masira nag Senado sa mata ng ating mga kababayan.

Q: Ang sinasabi ni Sen. Lacson, una dinenay ninyo and then inamin ninyo?

Villar: Hindi totoo iyon. Kapag tiningnan ninyo ang transcript, nandoon, sinabi ko talaga na inadvocate natin iyan, isang napakagandang proyekto iyan at nakikita ko na apat na milyong Pilipino ang matutulungan niyan. Kung nabasa lang ninyo ang transcript ay makikita ninyo na walang inconsistent sa aking posisyon. Ang aking posisyon ay ayokong makipag-away. Ako ay nananahimik. Kung tutuusin, ako dapat ang masama ang loob dito sa nangyari pero hindi na lamang ako kumikibo dahilan sa mahalaga po sa atin ngayon ang institusyon ng Senado. Napakarami pong problema ng ating bayan ngayon. Napakarami pong naghihintay kung ano ang mangyayari sa atin sa krisis na nangyayari sa Amerika. Kung makikita nila na ganito ang Senado, baka magamit po ito ng mga ibang sektor ng ating lipunan na gustong alisin ang Senado.

News Latest News Feed