Press Release
November 10, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' interview in ABS-CBN's Umagang Kay Ganda

On the Senate probe on the fertilizer fund scam:

Q: Na-dismiss na ang kaso sa Ombudsman ni Marlene Esperat laban kay Bolante, ano ang reaksyon niyo dito?

MAR: Isang pagtataksil ito sa hustisya, sa katarungan, na basta-basta na lang ay ibinasura itong kaso laban kay Bolante. Malinaw na malinaw na nilapastangan niya ang pera ng sambayanan at dapat ay itinuloy ang kaso laban Bolante.

Q: Pero mayroon namang ibang kaso na naka-file sa Ombudsman?

MAR: Tama po. Pero dito, isa ito sa pinakamalinaw kung saan meron talaga itong witness itong si Esperat at siya mismo ang nautusan at may personal knowledge sa pagkagawa dito sa pera na ito. Kaya talagang nakakainis at nakakagalit itong ginawa ng Ombudsman. Nagpapakita ng pagkiling nila sa pagproteksyon, sa pag-whitewash nitong kasong ito.

Q: Magkakaroon kaya ito ng epekto sa ibang kaso laban kay Bolante?

MAR: Magkakaroon ito ng epekto dahilan sa kami sa Senado lalo naming ipapakita, sa pamamagitan ng aming mga hearing, yung mga krimen, yung mga kamalian, yung mga paglapastangan ng pera ng sambayanan ni Bolante.

Q: Sabi ni Bolante, hindi dapat ang Senado kundi ang Ombudsman ang dapat mag-imbestiga laban sa kanya?

MAR: May karapatan ang Senado sa pamamagitan ng Blue Ribbon Committee. Dahilan sa itong Blue Ribbon Committee, ito yung komite para tingnan itong mga katiwalian na nangyayari sa gobyerno.

Q: Kung pumunta si Bolante pero ayaw magsalita, pipilitin niyo ba siya?

MAR: Depende sa dahilan kung bakit hindi siya nagsasalita. Kami, ang gagawin namin, para sa akin, ilabas natin yung buong katotohanan. At kung magsalita man siya o hindi, ilabas natin ang lahat ng dokumento at tingnan natin kung ano ang nangyari sa napakalaking pera ng taong bayan. Hirap na hirap na ang buhay ngayon. Ang laki-laki na ng buwis na binabayad natin--sa VAT, sa income tax, sa lahat--at ganito lang pala ang paggastos ng ating pera.

Q: Paano kung gamitin niya ang right to privacy o right to remain silent?

MAR: Well, rerespetuhin natin ang kanyang mga karapatan sang-ayon sa Saligang Batas. Pero hindi natin papayagan na hindi lalabas ang katotohanan dito.

News Latest News Feed