Press Release
November 18, 2008

Transcript of interview in DZMM with Neil Ocampo
with Senator Manny Villar

Q. Kumusta na kayo ngayon at ang naging tulog niyo kagabi?

Villar: Maganda ang tulog ko at kahit papano ay magaan ang loob ko. Wala akong sama ng loob sa nangyari. Pag wala ka nang suporta ng mayorya, dapat ka nang magbitiw. Napakapangit naman kung di ka magbibitiw kung ayaw na ng mga kasama mo sa iyo.

Q. Itong nangyaring ito sa Senado ay inaasahan niyo na? Matagal niyo na po ba itong alam?

Villar: Unang upo ko pa lang sa Senado, hindi na ako tinigilan. Ako ay nagpapasalamat na kahit paano ay nakapagsilbi ako ng dalawa at kalahating taon sa ating mga kababayan. Masaya na ako doon. Iskwater ako noong araw at nagtitinda ng hipon sa palengke hanggang naging Pangulo ng Senado. Happy na ako dun. Sanay na ako sa mga pangyayaring ganyan.

Q. May bahid pulitika ba ito Mr. Senator at sa tingin niyo ay iyong isyu ng C5 extension ang isa sa mga dahilan kung bakit kayo napalitan?

Villar: Tingin ko alam ng tao kung ano ang kadahilanan kung bakit nangyari ang ganyan. Unang-una, lahat ng presidentiable ay bomoto laban sa akin. Malalaman natin pagdating ng panahon kung ano talaga ang kadahilan kung bakit ako ay natanggal.

Q. Sa palagay niyo, malaking prosyento na ito ay may bahid pulitika?

Villar: Oo naman. Hindi nakakagulat iyan. Ang Senado ay isang political institution. Wala akong sama ng loob, bagama't alam ko na may pulitika iyan.

Q. Sinasabi ni Jamby kahapon at isa sa mga tinutumbok niya na kayo daw po ay parating absent sa Senado at mag-rollcall man, mamaya lang ay aalis na kayo.

Villar: nakakalungkot iyan. Perfect ang record ko sa Senado. Lahat ng sesyon ay ako ang nag-open. Di ako nag-absent maski minsan. Paki-check na lang ng records. Isa pa, bukod sa wala akong absent at kung umaalis man ako ng session hall, pumupunta ako sa aking opisina dahil marami ang nakikipagkita sa Senate President at nagpupunta sa aking opisina. Ini-entertain ko iyang mga iyan. Malaki ang tiwala ko sa aming Senate Pro-Tempore kaya ipinagkakatiwala ko sa kanya ang sesyon. Maipagmamalaki ko ang record ng Senado sa ilalim ng aking panunungkulan. Napakaraming panukalang batas ang aming pinagtibay. Naipaglaban ko ang kalayaan ng ating Senado.

Q. Yung oras daw po ninyo ay halos naubos na sa inyong pagtulong sa mga OFWs?

Villar: 33 taon ko nang ginagawa ang pagtulong sa mga OFWs. Hindi inuubos niyan ang aking oras. Ginagawa ko ito kapag weekend at walang sesyon. Hindi ko pinagsisisihan ang pagtulong sa kanila dahil napakarami ng ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Iyan ay ipagpapatuloy ko maski ako ay isang karaniwang senador na lamang.

Q. Ano na po ang mangyayari sa inyo ngayong nagbitiw na kayo bilang SP?

Villar: Tuloy ang buhay. Tuloy ang aking trabaho at lalo ko pang pagbubutihin ang aking serbisyo sa bayan. Mas marami akong iuuwi na mga OFW, marami pa akong tutulungan na mga nagsasariling entrepreneur, mas marami pang panukala ang aking itutulak lalo na ngayon at nasa krisis tayo at may mga pangamba na marami ang mawawalan ng trabaho.

Q. Mayroon pang pangamba ang isang UP Professor na may kinalaman sa chacha ang pagpapalit ng liderato sa Senado.

Villar: Inaasahan na natin iyan. Darating ang panahon na gagalaw ang charter change.

Q. Ito bang nangyari sa Senado, palagay niyo ay may gumalaw na kamay from Malakanyang?

Villar: Ayokong pangunahan ang ating mga kasamahan. Bagama't ako ay natanggal sa pwesto, iginagalang ko ang pananaw ng aking mga kasamahan. Kung ano man ang dahilan kung bakit sila nagpalit ng isip, iyon ay kanila na lamang at di ko iyan pakikialaman.

Q. Sa palagay niyo ba ay may kinalaman ang isyu kay Jocjoc at dela Paz?

Villar: Alam ko na noong pirmahan ko ang mga warrant of arrest, marami ang hindi matutuwa. Subalit iyan ay aking trabaho. Ako ay consistent sa aking trabaho bilang pangulo ng Senado kaya ginawa ko iyon. Bagama't may risk, ginawa ko pa rin.

Q. Sumagi din po ba sa isip niyo na ang ginawa niyong pag-impeach kay Erap ay nangyari sa inyo ngayon sa pamamagitan ng kanyang anak?

Villar: Kaibigan ko si Erap, wala akong sama ng loob sa kanya.

Q. Kay Jinggoy?

Villar: Itinuturing ko pa rin siyang kaibigan at iginagalang ko ang kanyang kapasyahan kahit hindi maganda para sa akin. Iyan ay aking iginagalang.

Q. Malabo na po ba na magkaroon kayo ng magandang samahan ng mga kalaban niyo sa pulitika ?

Villar: Hindi ako nakikipag-away. Kung ano ang kanilang iniisip, kanila na iyon. Hindi ko hinahangad na makipag-away kaninuman.

Q. Ano ang mensahe niyo sa taumbayan lalo na ngayon na no. 2 kayo sa survey?

Villar: Natutuwa ako sa tiwala ng taumbayan. Ipagpapatuloy ko ang aking trabaho sa Senado. Hindi titigil ang aking trabaho, bagkus lalo ko pang pagbubutuhin ang aking trabaho.

Q. Sa inyong mga kalaban sa pulitika?

Villar: Ako ay walang sama ng loob. Di ako nakikipag-away. Maski kelan ay di ako nakipag-away maski kaninuman. Ako ay may sariling programa sa buhay at di ako nakikialam sa programa ng iba.

News Latest News Feed