Press Release
November 25, 2008

Transcript of interview in DZRH with Joe Taruc with Senator Manny Villar

Q: Sa kabila ng katotohanan na kayo ay napalitan bilang Senate president, patuloy na namamayagpag ang inyong rating sa survey...

Villar: Okay iyan kaya nagpapasalamat tayo diyan. Alam mo siyempre kapag nakakakita ka ng ganyang pagtitiwala ng ating mga kababayan ay nakakatuwa naman. Lalo nating pag-iibayuhin ang pagtatrabaho.

Q: Lalo na at pinakamataas na rating ito sa mga government officials?

Villar: Kaya nagpapasalamat naman tayo dahil sa siyempre bawat isang namumuno sa isang ahensya ng gobyerno, dapat ay ambisyunin mo rin na matanggap nang mahusay ng ating mga kababayan ang iyong ginagawa.

Q: Itong Senado ay nakakuha rin ng mataas na rating, sana ay ma-maintain ito sa ilalim ng bagong pamunuan.

Villar: Iyan din ang ating pangarap sa Senado dahil kahit papaano ay napamahal na sa atin iyan bilang isang institusyon. Ayaw din natin na iyan ay mawala. May mga panganib ngayon na mawala iyan. Bagaman ako ay nag-resign bilang pangulo ng Senado, syempre gusto rin natin na mapanatili ng Senado ang kanyang magandang ratings. Ako bilang isang miyembro ay pagbubutihin natin ang pagtatrabaho para tayo ay makatulong sa pagme-maintain ng ganyang image.

Q: Sa pagbabago ng liderato sa Senado, siyempre nagkaroon ng pagbabago sa pamunuan ng committee, marami po ang nagsasabi na merong dapat, hindi dapat. Ano po ang inyong reaksyon doon?

Villar: Karapatan ng mayorya iyon at iginagalang ko iyan. Alam mo naman kami sa Senado ay ganyan, kung ano ang gusto ng mayorya. Sila-sila ang namimili niyan at iyan ay magkakaroon ng kanya-kanyang performance sa darating na panahon. Iginagalang natin iyan. Bagaman ako noon bilang pangulo ng Senado, ang minorya ay binigyan ko ng magagandang committee, iyung defense kay Senator Biazon, ang local government kay Senator Aquino. Ngayon mukhang ang minorya ay hindi binigyan ng committee. Ako wala akong problema diyan. Ang sabi ko nga pagtutuunan ko ng pansin ang mga OFW at mga nagsasarili nating kababayan. Pero syempre hindi rin naman masyadong maganda ang ganyan na simula pa lamang ng relasyon ang minorya ay ginaganyan na.

Q: Hindi lamang iyon. Iyong iba ay overloaded sa kanilang mga trabaho, samantalang ang iba ay walang gaanong pinamumunuan?

Villar: Iyon ang naging kadahilanan kung bakit noong panahon ko ay binigyan ko rin ang minorya. Sabi ko nga, kami namang lahat ay senador, maski na nasa mayorya o minorya, mahalaga na meron din kaming pag-galang sa isa't isa.

Q: Nangangahulugan na kayo ay magkakaroon ng simpleng trabaho bilang senador?

Villar: Oo, alam mo mas gusto ko ngang bawasan ang pulitika. Ang aking focus ngayon ay ang aking ginagawa sa OFW dahil sa lalong dumarami ang problema niyan. Buwan-buwan ay dumarami ang mga suliranin na dumarating sa amin at iyan ay haharapin ko ng puspusan. Isa pa ay ang paghahanda sa ekonomiya sapagkat kahit paano ay talagang dadaan tayo sa mahirap na taon sa 2009. Bilang isang nakakaintindi sa bagay na iyan, at least may karanasan tayo sa bagay na iyan, gusto kong makatulong na masigurong hindi masyadong mahihirapan ang ating mga kababayan sa paglusob natin dito sa krisis.

News Latest News Feed