Press Release
December 12, 2008

Transcript of Sen. Mar Roxas' speech at Liwasang Bonifacio

Sabi noong placard na iyon, 'No to Chacha'. Sabi ng streamer na ito, mula sa STK-Bukluran, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, "System Change, not Charter Change". Sabi doon sa malayo, "Masayang Pasko at Masaganang Bagong Taon."

Nandirito tayo para tutulan itong Gloria Forever Chacha na ito. Higit pa dito, nandito tayo para humiyaw laban sa pagpapahirap, sa pagnanakaw, sa panloloko na ginagawa sa atin. Gutom tayo. Sumusubo tayo ng kahit ano pampatawid gutom lamang. Wala tayong trabaho. Nagbebenta tayo ng atay, o bato, o ng ari para lamang may kikitain na pera. Wala tayong pag-asa. Nagkakandakuba ang mga kamag-anak natin sa paghuhugas ng puwet ng mga dayuhan na ang pag-asa lamang ay nasa labas ng ating bansa. Namamatay ang ating mga mahal sa buhay dahil walang gamot sa ospital. Ginagago tayo ni Joc-Joc at ng mga kasabwat ng fertilizer scam, sa ZTE at sa iba pa. Diyos ko po, ano ba ito?! Hindi ko gusto na matapos itong rally na ito na hindi ko nasasabi ang saloobin ko. Hindi ko gusto na matapos itong araw na ito na hindi nadidinig ni Gloria ang damdamin natin.

"Gloria awatin mo na iyang mga kamag-anak mo! Gloria, awatin mo na iyang Kongreso mo! Gloria papatayin naman itong Gloria Forever Chacha mo!" Anong gagawin natin sa Gloria Forever Chacha? (Audience reply: Papatayin!) Ano?! (Audience reply: Papatayin!)

Maraming salamat po. Mabuhay ang Sambayanang Pilipino.

News Latest News Feed