Press Release
January 27, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' Interview with Ted Failon in DZMM

On Pre-Need Industry

MAR: Mukhang sumulat sila sa SEC at hindi ito inaksyunan sa panahong ito.

Q: Iyang panukalang pending ngayon, ano ang chance na mapasa? May kasama po ba kayong magtutulak nito sa House?

MAR: Ang problema mukhang walang suporta. Parang Cheaper Medicines din ito eh. Parang may lobby. Hindi umaandar eh. Kasi lahat ng probisyon dito sa Pre-Need law, hinihigpitan natin ang pagpapatakbo nito at mukhang nirereklamo ito ng asosasyon.

Q: Yun bang pinaka-reporma ang pagpapahigpit kung saan dadalhin ang pera natin?

MAR: Tama po yun. Nakita natin dun sa CAP. Unang-una ang problema ng CAP ay yung binabayad natin hindi napupunta sa trust fund natin. Napupunta sa pagbayad ng komisyon, pagbayad ng expenses, kita ng korporasyon bago ipasok yung pera sa trust fund natin. Yung pangatlo o pang-apat na bayad natin bago pumasok sa trust fund ang binabayad natin. Yung unang mga binabayad natin, the first and second payments, ang malaking bahagi nun napupunta muna sa komisyon at sa mga expenses at kita ng kumpanya. 'Yun ang mga pagbabago o paghihigpit na nilagay natin dun sa batas.

Q: Kailangan bang i-certify na urgent ni Presidente?

MAR: Dapat din. Matagal na kasing problema ito. Nagka-hearing na tayo dito. Daang libo na ng ating mga kababayan, mga magulang ang tinamaan na dito dahil hindi nga sila nakakuha ng tuition ng kanilang mga anak.

Ito ay nagpapakita ng kapabayaan, ng kapalpakan ng governance ng SEC, ng DoF at pati na rin ni Pangulong Arroyo. Dahil itong problemang ito matagal na ito at ngayon ay pumutok na naman dahil walang ginawa in the meantime.

Q: Kung naipasa ang batas, nakatulong kaya ito?

MAR: Oo. Dahil ang nirereklamo, ang sinasabi ngayon ng mga kumpanya ay tinamaan sila nitong global financial crisis. Ang ibig sabihin niyan ay kung saan-saan nila ininvest ang perang ito. Kasi kung mahigpit 'yung maaari nilang paglagyan ng pera ay hindi sila tatamaan nitong global financial crisis. Ang nakasaad kasi sa batas ay dapat sa real estate, dapat nasa T-bills, dapat nasa blue chips. So mahigpit na mahigpit yung paglalagyan ng pera. E kung walang reglamentong ganun o kaya pinabayaan sila ng SEC na kung saan saan nila i-invest ito, e talagang matatamaan sila.

Sa ngayon, ang aking minumungkahi ngayon ay kung kinakailangan ay i-take-over ng gobyerno itong mga assets na ito para pagbantayan at hindi na ma-dissipate. At masiguro na itong mga assets, anuman ang mga assets na ito, ay mapunta dun sa mga plan holders.

Q: Mukhang kelangan diyan ng court order?

MAR: Dapat talaga. O kaya hakbang o desisyon mula sa Securities and Exchange Commission. Because the SEC is the entity that supervises them. May kapangyarihan ang SEC para hindi ma-dissipate, hindi mawala ang mga assets na ito, mabantayan ang halaga nito. May poder ang SEC na subaybayan o i-take over ang mga ito.

Q: Magkaalaman na sana sa hearing kung sino ang may lagnat, ang may trangkaso at sino ang grabe na kasi papaano kami na nagbabayad pa ngayon maturing in a couple of years? Baka naman patuloy pa ang pagbayad namin, gayung itong binabayad namin e magsasara din?

MAR: Tama iyan. Iyan ang dapat na ginagawa ng SEC. Kaya sinasabi ko na kapabayaan nga ito, kapalpakan ito ng SEC na pinabayaan lang nila yung gusto lang ng mga kumpanya at hindi nila iniisip yung interes ng mga plan holders.

Q: Kagabi sa balita, meron mabibigat na tao na kasama pala sa board ng CAP? Kaya may mga pasaring na kaya ang SEC alanganing kumilos dahil may mga bigating nakaupo sa mga board ng mga kumpanyang ito?

MAR: Hindi made-deny na ang ama ni GMA ay dating umupo sa board ng CAP, kasi nasa brochure nila iyan. So hindi made-deny yan.

Q: Kapatid naman daw ni GMA ang nakaupo diyan ngayon?

MAR: Baka pinamana sa kanya. Ang point dito is, anong babantayan ng SEC? Ang interest, ang kapakanan ng plan holders, o ang pagtatakip nitong mga anomalya na bunga nitong mga hindi pagbayad ng mga tuition ng mga estudyante?

Q: Nakikinig ang Malakanyang. Siguro dapat unahin ni PGMA ang problemang ito...atsaka iyong LPG ni Angelo Reyes?

MAR: Dapat lang, Kuya Ted. Minsan natatawa ako. Ano ang gagawin ng Malakanyang ngayon? Magiging pre-need czar na din ba ang pangulo? Di ba ang pangulo naging drug czar, naging climate change czar. Ngayon pre-need czar. Ang mahalagang gawin ng pangulo ay utusan niya yung mga dapat na sumubaybay ditto...yung SEC. Kung hindi, i-fire out niya, palitan niya. Kasi lahat naman nitong mga nakaupo, whether sa PDEA, sa Justice, sa environment lahat naman ng mga iyan ay appointee niya eh. Kaya hindi kinakailangan na maging czar siya, mag-insist lang siya. Gamitin niya ang kanyang kamay na bakal dito sa mga appointee niya para gawin nila kung ano ang tama para sa kapakanan ng mga tao.

Q: Kelan ang hearing? Date?

MAR: Sisikapin natin pero punong-puno kasi ang schedule this week ng mga hearing ng ibang committee. So next week tayo gagawa ng hearing.

On Cheaper Medicines Law

Q; Ano ang policy sa Botika sa Baranggay? Kelangan bang maging member sa isang samahan? Ito po ba ay requirement?

MAR: Mali yan. Baluktot na yan. Hindi yan ang policy. Bukas dapat yan sa lahat ng mga kababayan natin.

Q: Magmula ng maipasa ang batas na yan, lalong tumaas yung mga branded?

MAR: Mahina talaga. Mabagal talaga ang implementasyon ng DOH kaya kinakalabog natin sila na huwag nilang pabayaan ito.

Mahina talaga ang implementasyon ng DOH. Sa ngayon may kapangyarihan sila. Binigyan natin ng mga kasangkapan ang DOH at ang gobyerno. Kumbaga sa toolbox, kumpleto yung toolbox nila. E kung ayaw nilang gamitin dahil takot sila sa mga pharmaceutical companies o kaya sa lobby, o kaya dahil sa katamaran, ay problema nila yan. Dahil dun nagiging problema natin yan, kasi yung kahinaan nila tayo ang nagbabayad sa pamamagitan ng mas mahal na presyo. Kaya kailangan itulak natin sila at pukpukin natin sila para gawin nila yung tama.

News Latest News Feed