Press Release
February 3, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' interview in DZBB with Mike Enriquez

On yesterday's Senate hearing on pre-need companies

MAR: Palpak itong Securities and Exchange Commission natin. Kawawang-kawawa na nga itong mga tao. Biktima na nga sila, nagtitiwala nga sila na may pahintulot ito galing sa SEC, tapos malalaman na lang nila, mabubulaga na lang na wala na, bangkarote na, nagsara na. E kawawang kawawa talaga. Ilang libo na magulang ang walang pang-tuition, libu-libo na mga tao na magrerertiro--ito tinabi nila ang pera nila para ligtas yung kanilang retirement, tapos malalaman na lang na wala pala, na ampaw pala itong mga kumpanyang ito.

Q: May batas bang nilabag o nilalabag itong mga kumpanyang ito? Ano ang mga ito, kung meron?

MAR: Well, dito sa banking ay may mga batas dyan. Sa Securities Regulation Code, may mga batas dyan. Pero yung pinakamalaking kasalasanan dito, para sa akin, ay nasa SEC--Securities and Exchange Commission--dahil sila yung bantay natin e. Sila yung supposed to be na nagsisiguro na yung pera ng investing public natin ay nasa tama. E pinabayaan nila ito e.

Q: Ang Legacy ba ay under ng SEC o ng Central Bank?

MAR: Yung rural bank nila nasa Bangko Sentral, yung pre-need nasa SEC.

Q: Kapag hindi daw binigyan ng pagkakataon ang mga pre-need companies na sagipin ang kanilang sarili ay lalong maapektuhan ang mga planholders? Ano ang pananaw niyo?

MAR: Mali po ang pananaw na iyon dahil una, dapat ligtas itong pera na ito. Kung mananatili lamang na buhay, viable itong mga kumpanyang ito, kung patuloy lamang na magbenta ng produkto, e yan ang pruweba na kiting* ito. E kasi yung cash na pumapasok sa pagbenta ng bagong produkto, yun ang ibinabayad nila sa nakaraan nilang mga pangako.

Yan ang nangyayari dito sa mga pre-need companies na nagsara--mahigit 50 na yan e. E walang paghigpit yang SEC dito. Hindi na sila natuto. Nadaanan na natin yung CAP, yung Pacific, ang dami na nating nadaanan--50 na ito--na nagsara na. E yung SEC, patuloy pa rin.

Alam mo, nung nagsimula ito--mga 4-5 years ago, nung sinimulan ko ito sa CAP--akala ko katamaran lang, katangahan, o kaya kapabayaan ng SEC. Pero, paulit-ulit nilang pinapayagan na mangyari ito, kaya ang conclusion ko, hindi lang ito katangahan, hindi lang ito kapabayaan. Kasabwat na sila rito. Bakit ayaw nilang higpitan itong mga kumpanyang ito? Bakit patuloy nilang pinapayagan na mabangkarote ang mga kumpanyang ito?

*kiting - 1. The act of misrepresenting the value of a financial instrument for the purpose of extending credit obligations or increasing financial leverage. 2. A fraudulent act involving the alteration or issuance of a check or draft with insufficient funds. (www.investopedia.com)

Q: SEC lang ba? E yung mga kumpanya mismo?

MAR: Yung mga kumpanya mismo, may mga pananagutan yan. Pero, yung bantay natin e yung SEC e.

Q: Ano ang habol ng mga planholders dito? Meron ba?

MAR: Malabu-labo na dahil yung sa CAP hindi pa nababayaran, hindi ba? Ang punto, asan na yung asset, asan na yung pera? Kaya para sa akin ngayon, dapat humakbang na yung SEC na ipa-seriff ang lahat ng mga pag-aaring ito para masiguro at maligtas natin ito, na hindi mamanipula ito, na 'bahala na lang' itong mga pag-aaring ito.

Q: Ang kaso kay delos Angeles, meron siyang mga ari-arian na naibenta na ilang araw matapos magkaloko-loko ang kumpanya.

MAR: Tama yun. Pero, alam na nga ng SEC na may problema yung kumpanya niya, hindi pa humakbang itong SEC. Mga first week of December binenta niya 50 million, 3,000 sq meters dyan sa Ayala Alabang na bahay. 50 million ang halaga. Agosto pa lang alam na ng SEC na may problema ang Legacy. Na-sheriff na.

Q: Wala ba silang lalabagin na batas, kung ganoon? Mga karapatan naman ni delos Angeles?

MAR: Hindi po. Dahil nasa mandato ng SEC na pangalagaan ang interest ng investing public. So maaari siyang mag-file ng TRO, to attach all these assets hanggang magkaroon ng kaliwanagan kung ano ba talaga.

Para sa akin, mahalaga na bantayan ang interest ng mamamayan, lalo na ng mga maliliit. Kaya ang ahensya na binigya ng mandato, ng malawak at matinding kapangyarihan na gawin ito e yung SEC.

SEC naman talaga ang may problema dito. Bakit nila pinayagan na magpatuloy ito?

Q: Ano ba ang pagtingin ninyo sa industry ng pre-need sa pangkalahatan?

MAR: Sa totoo lang, given the record ng industriya, para sa akin ay mag-dalawang isip ang ating mga kababayan. Kung hindi pa sila nagsisimula, e huwag muna silang magsimula. Huwag na muna hanggang sa luminaw ang lahat.

Dahil kahapon mismo, yung industriya mismo ang nagsabi na tagilid yung kanilang mga trust fund. Kaya nga humingi sila ng tulong sa SEC? Sila mismo nagsabi na tagilid sila e.

Q: So kapag may mga ahenteng lumapit, huwag na munang kumuha?

MAR: Palinawin na muna kung ano ito, hindi ba? Ilagay muna sa bangko, at least safe. Ilagay muna sa matatag na bangko. Ang punto dito kawawang-kawawa yung mga inosente. Tama ka dyan, gusto lang nila na iligtas nila, na i-savings nila yung edukasyon ng kanilang mga anak. Saan nila ilalagay yung pera?

Q: Pag sa bangko ilalagay, hindi ito sasapat para matustusan yung pag-aaral ng mga bata e.

MAR: Sa panahon na ito, mas mabuti na kahit kokonti lang basta ligtas ang pera kaysa susugal ka, na kung anu-ano ang pangako, tapos, eto bangkarote. Ganito ang sagot ko: kung ako may pera, hindi ko muna ilalagay sa pre-need, hanggang luminaw itong lahat.

Q: Papaano naman yung mga nagbabayad na? anoang maipapayo ninyo sa kanila?

MAR: Ito yung dahilan kung bakit tayo magkaka-hearing sa susunod na linggo at malalaman natin kung ano ang estado ng mga kumpanyang ito. Para malaman ng publiko kung ano yung mga matatatag? Sinu-sino yung malalaki yung trust fund, yung safe yung trust fund?

Q: Ang sinasabi ng assosasyon, sapat yung kanilang mga assets sa ngayon?

MAR: Tama, kaya dapat alamin ng publiko. Balik tayo sa SEC. Sino ang gagawa nito? Senado? E hindi naman trabaho ng Senado ito e, hindi ba? Ang punto dito sila yung binigyan natin ng kapangyarihan, sila yung dapat magbantay sa atin.

Q: Ano maasahan natin sa mga hearing na ginawa at gagawin?

MAR: Meron naman. At ito pa, mayroon nang nakaraan. Dininig na natin ito�yung sa CAP, dininig na natin yung sa Pacific. May mga rekomendasyon na tayo sa SEC. At iyan ang ikinagagalit natin. E mayroon na nga tayong panukala on third reading.

Q: Ano yung mga rekomendasyon niyo sa SEC?

MAR: Una, maghigpit sila. Pangalawa siguraduhin nila yung laman ng trust fund. Pangatlo, huwag payagan yung may hawak ng trust fund na may kaugnay dun sa kumpanya mismo, yung tinatawag na 'related interest'.

Q: Ginawa ba nila yung rekomendasyon?

MAR: Hindi nga e. Ngayon, may batch 2009 na biktima. May batch na nasa Pacific, tapos sa Legacy. E ang punto dito, bakit pa tayo nagkakaroon ng gobyerno kung hindi nila gagawin yung pangunahing trabaho nila na bantayan tayo.

Ang pangkaraniwang tao, hindi yan dalubhasa sa finance, hindi yan dalubhasa sa iba. Kaya nga gumagawa ng mga ahensya katulad ng SEC.

Q: Ang pinanghahawakan lang nila ay yung pangako ng mga kumpanya na malaking tulong ito sa kinabukasan ng mga anak nila o kung anuman ang pangangailangan nila na pre-need?

MAR: At kumukuha sila ng kasiguruhan mula doon sa pahintulot ng ahensya ng gobyerno. Kaya dapat gawin ng SEC at ng mga ahensya ng gobyerno na bantayan ang interest ng tao.

Q: Dapat bang magbitiw itong mga namumuno sa SEC?

MAR: Dapat ngang magbitiw si Chairman Barin. Dapat lang. Masakit sa akin ito, kilala ko siya, matagal na siyang nagsilbi. Pero kung hindi niya alam ito, e bakit hindi niya alam? Pangalawa kung inosente siya, pinapaikutan rin siya, e di dapat bumitiw na rin siya.

Yung excuse na pinapaikutan siya, na kawawa siya, na hindi niya alam, e hindi naman yan katanggap-tanggap dun sa mga nawalan ng tuition, ng pension ng memorial card.

Q: Si Mr. delos Angeles, pinalabas niya na biktima siya?

MAR: Nagdadahilan na lang yan. Hindi katanggap-tanggap yan. I mean, lahat pinagbintangan niya pwera yung sarili niya na talaga naman na antimano na nagbenta siya ng produkto na hindi naman niya matugunan. Saan ka nakahanap ng "magdeposito ka dito ng 250,000 sa loob ng tatlong buwan ay magiging 500,000 yan"? Ano yan, ilo-lotto niya? May alam ka bang negosyo na double your money in three months?

Q: Kelan ang susunod na hearing?

MAR: Next week. Mahalaga ito kasi kung hindi ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho, mas mabuti na ang taumbayan na ang humusga. Makinig sila, malaman nila kung ano ang impormasyon, malalaman nila kung sino ang matatag, kung sino ang mahina at nang makapagdesisyon sila ng tama.

On Fertilizer Fund Scam

Q: Ang bagal kumilos ng Ombudsman dito sa kaso ng fertilizer fund scam

MAR: Hindi naman sa mabagal. Palagay ko hindi na ito katamaran. Masasabi natin siguro sa unang pagkakataon, sa susunod katangahan, kapabayaan. Palagay ko may malisya na ito. Dahil paulit-ulit e.

News Latest News Feed