Press Release
March 3, 2009

Privilege Speech of Sen. Mar Roxas: NIA Bidding Controversy

Ilang bilyon na po, Mr President, ang inimbestigahan natin dito sa Senado P1.3 bilyon sa Mega-Pacific. P728 milyon sa Fertilizer Fund. $329 milyon o P16 bilyon sa ZTE-NBN. P6.9 milyong binitbit ng Euro-Generals. $33 milyon, o P1.6 bilyon, ang inatras ng World Bank dahil sa pakikipagkutsaba ng mga kontratista. Halos kabisado na po nating lahat ang mga halagang ito.

Ang tanong nga ng isang radio station: "Kailangan pa bang i-memorize iyan?"

Hindi na kailangang i-memorize para tumatak sa utak nating lahat, Mr President. Nakaka-shock na ang salapi ng gobyerno, ng taumbayan, ang kapalit ay pagkakait ng maayos na serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan; at higit sa lahat ay pambansang kahihiyan. Kabisado na po natin itong lahat.

Hanggang ngayon, wala pang nare-resolba. Wala pang napapakulong. At heto't may bago tayong kakabisahin P1.4 bilyon.

Trabaho ng National Irrigation Administration ang ayusin ang irigasyon. Ganito kasimple: kailangan ang irigasyon para sa agrikultura. Kailangan ng mga magsasaka natin para sa kanilang pananim. Kung hindi maayos ang irigasyon, hindi magiging sapat ang aanihin ng mga magsasaka natin. Kulang ang pagkain. Aabutin ng gutom ang mga mamamayan natin.

Para ayusin ang irrigation system natin, nabigyan ng pondo ang NIA. 1.4 bilyong piso para bumili ng makinarya, inutang sa National Development Corporation. Inutang sa ngalan ni Juan de la Cruz. Tayo ang magbabayad nito, pambili ng 208 na excavator at 15 trak na panghakot.

Sang-ayon sa batas, kinakailangan ng competitive bidding sa pagitan ng mga kumpanya bago pa mabili ang makinaryang ito, para masiguro natin na de-kaledad at mababa ang halaga ng bibilhing makinarya; at ang karapat-dapat lamang na kumpanya�itong sinasabing may track record�ang makakuha ng kontrata. Sa Government Procurement Reform Act o RA 9184, tatlong prinsipyo ang dapat mamayani:

  • Transparency - dapat bukas sa publiko, at walang bahid ng pandaraya

  • Competitiveness - dapat patas ang laban, at walang kuntsabahan

  • Uniformity - dapat malinaw ang mga panuntunan, at walang pinapaboran

Mr. President, hindi na bago ang ibabalita ko sa inyo. Sa kasong ito, na naman, nabastos ang batas na ito. Simple lang ang nangyari: kargado na naman ang bidding.

Disyembre 16 nang ilabas ang patakaran at imbitasyong makilahok sa bidding. Magpapasko na at ang lahat ay sabik nang magbakasyon. Ang ginawang palugit ng NIA-Bids and Awards Committee para sa pagbili ng billing documents ay isang linggo, mula Disyembre 16 hanggang 23, sa kalagitnaan din ng Pasko. Nangyari ang bidding mismo sa ika-16 ng Enero.

For a variety of flimsy or intended reasons, the top two players in the market--the companies supplies primarily 70% of the market share--were disqualified from the bidding.

Noong ika-17 ng Disyembre, inilagay sa Government E-Procurement Service o GEPS website ang nasabing imbitasyon, at ang kategoryang inilagay doon ay "Agricultural Equipment..." Ibig sabihin po ng agricultural equipment ay harvester o miller o tractor pero ang binili po ay ang backhoe at trak or "Heavy Machineries" po.

Dahil sa mga kalituhang ito, hindi na nakapasok ang isa sa pinakamalalaking supplier ng heavy machineries sa bansa, ang Monark Equipment Corp, ang exclusive distributor ng Caterpillar sa bansa.

At ang distributor ng Komatsu, ang no. 1 sa merkado, ang ngalan po ay Maxima. , ay ginawan ng paraan para ma-disqualify. Kahit kumpleto sa dokumento, sabi ng BAC ay mali daw ito. Ang problema, sa sariling regulasyon ng BAC, hindi dapat suriin muna kung tama o hindi ang mga dokumento. Titingnan lamang nila kung kumpleto at tumupad sa listahan ng kailangang dokumento yun lamang at wala ng iba pa.

Malinaw ang katotohanan: dinisenyo ang proseso para may makinabang rito. Sino nga ba naman ang makakabuo ng isang bid sa loob ng iilang linggo, na suwak na suwak sa gitna ng Kapaskuhan? At miski ang mga nakapaghanda nang maayos ay tinanggal na lang ng BAC. Walang ibang makikinabang sa ganitong proseso, wala kundi ang mga may-alam nito sa simula pa lang. 'Yung mga mismong nagkarga ng bidding.

Ang mas malala dito, 'yung mismong ipinasa ng BAC, sila ang dapat na ma-disqualify. Alinsunod sa mismong patakaran ng NIA na ipinatupad sa bidding na iyon, magiging kwalipikado lamang ang isang kumpanya kung mayroon na itong iisang transaksyon sa nakalipas na sampung taon na sing-halaga ng 50% o kalahati ng Approved Budget Contract. Ang approved budget contract po ay P1.4 bilyon. Ibig sabihin, dapat may benta ang isang kumpanya na nagkakahalagang P700 milyon. Kung i-breakdown pa, P450 milyon para sa Package I at P200 milyon para sa Package II, at P60 milyon para sa Package III.

Itong kumpanya na tinatawag na Civic Merchandising Inc., may pinakamalaking "total sales" sa isang taon sa nakaraang sampung taon na P228.5 milyon, sang-ayon sa kanilang Financial Statement noong taong 2004. Ito namang kumpanya na tinatawag na Transport Equipment Corp. ay nakapagtala naman ng pinakamalaking "total sales" nito noong taong 2000, sa halagang P154.3 milyon.

Simpleng aritmetik lang ang magsasabing hindi yata kakasya sa mga halagang ito ang P450 milyon o P200 milyon para sa Package I at II. Pero ang dalawang kumpanya pong ito ang pumasa sa pre-qualification ng NIA.

At ang pinakamalala pa, ang makinaryang ibinebenta ng dalawang kumpanyang ito ay mas mahal pa sa tingi. Ang presyong isinumite nila sa NIA, mas mahal pa kung lalakad ka sa opisina nila at bibili ng tingi, diretso mula sa kanila mismo. Ang kanilang bid mas mahal pa ng maramihan ang binili kesa kung pupunta ng kanilang opisina at bibili ng isa.

Para sa isang Hydraulic Excavator na 0.80 m3 ang capacity, ang Approved Budget Contract ng NIA ay P6.5 milyong piso. Ang naging bid ng Civic, nasa paga-P6.4 milyon. Itong TEC, P6.6 milyon naman ang bid.

Pero sa retail na benta ng mismong Civic sa makinaryang ito, meron po tayong signed document, P6 milyon lang po ito. Sa isang pribadong kumpanya, ang alok nila para sa isang unit ay P6 milyon at two-years-to-pay pa.

Ang sagot ng NIA, hindi pa naman daw tuluyang naia-award ang kontrata. Sumunod naman daw sila sa patakaran. Sa wikang parang di-makabasag-pinggan, wikang nakasanayan na natin mula sa mga burukratang tulad nila, "We wish to assure Your Honor that the foregoing procurement is above board."

Sinong inuto nila? Malinaw na dinisenyo ang bidding process para makinabang ang mga tiwali. Sabi nila hindi pa raw naia-award ang kontrata. Paano kung walang nakasilip nito? E di natuloy na. Daang-milyon na naman ang nawala sa kaban ng bayan.

Ito na ang kalakaran sa gobyerno. Mahirap nang tawaging "anomalya" ito dahil araw-araw may ganitong panghoholdap na nangyayari sa kaban ng bayan. At ang totoo lang, ang ganitong kultura, ang ganitong kalakaran, sumusunod sa prinsipyong "follow the leader."

Nasaan ang Malakanyang habang nangyayari ang mga ganito? Where is President Arroyo in all of this? Is President Arroyo still in control of the government? O ito ba ang tinatawag na last-two minute syndrome sa government?

Muli tayo sa Senado ang hinihiling na tingnan ang tranaskyon na ito dahil wala na pong tiwala ang taong bayan sa Malakanyang. I ask that this speech as well as the accompanying resolution be referred to the committee of the blue ribbon or to public accountability para malaman natin ang buong katotohanan nito.

Mahalaga ang taumbayan; mahalaga ang perang pinagpawisan at pinaghirapan nila. Sa panahon ngayon, mahalaga na ipakita ng gobyerno na may kontrol pa rin sila sa mga pangyayari.

News Latest News Feed