Press Release
March 5, 2009

Press Statement of Senator Loren Legarda

Sa pagpasa ng P1.3-B poll automation budget

Wala nang dahilan para hindi matuloy ang partial automation ng 2010 election matapos maipasa ng House at Senado ang P11.3 bilyong badyet nito. Gayunman, hindi magic pill ang poll automation dahil ang mga mandaraya sa eleksyon ay pilit na maghahanap ng paraan na managumpay.

Kailangan ang patuloy na vigilance ng mga mamamayan lalo na sa proseso ng pagpapasok ng special ballots sa optical machine readers dahil baka mapalitan ang mga ito ng mga pekeng balota.

Bilang pampublikong pondo, dapat busisiing mabuti ang pag-gamit sa P11.3 bilyong pondo laban sa graft and corruption. Hindi lang ang pagkakaroon ng pinakamababang bid ang kailangang ipakita ng poll automation technology provider kundi ang hindi matatawarang integridad.

Sa release ng Aquino-Galman convicts

Ang Pangulo ay accountable sa lahat ng kanyang aksyon, kabilang ang paggawad niya ng executive clemency sa mga na-convict kaugnay sa pagpatay kay dating senador Benigno Aquino, Jr. at Rolando Galman. Nasa mga partidong may kinalaman sa kaso ang desisyon kung anong aksyon ang gagawin pabor o kontra sa paggamit ng Pangulo ng kapangyarihang nakapaloob sa kanyang Tanggapan.

Para sa akin, ang anumang bagong kaganapan sa Aquino-Galman double murder case ay dapat magpaala-ala sa atin ng sakripisyong ginawa ni Senator Aquino noong 1983 para sa demokrasya.

Mukhang kulang pa rin ang dalawang dekada upang masabi ng ganap kung ang hustisya at pagkakaisa ng bansa ay nakamtan na kaugnay sa mga pangyayaring pinag-ugatan ng unang People Power revolt.

Sa review ng CHED ng 5-year courses

Pabor ako sa patuloy na pagrebisa ng CHED sa lahat ng kursong inio-offer sa ating mga pamantasan at kolehiyo, hindi lang para sa mga five-year courses. Ito'y upang masiguro na hindi pa lipas ang itinuturo sa mga mag-aaral at upang mapanatili ang competitiveness ng ating mga gradweyt.

Dapat itaas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kung kaya hindi lang ang CHED kundi pati na ang Department of Education ay dapat magsagawa ng regular na pagsusuri sa mga curricula sa bansa, partikular sa mga core subjects tulad ng math, science at language.

News Latest News Feed