Press Release
March 10, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW WITH DZRH'S JOE TARUC

On the Pre-Need Hearing

Joe: Malinaw na po sa hearing kahapon ang mga isyu laban sa Legacy?

MAR: Malinaw na malinaw, parang bumuka nga ang kaliwanagan eh. Nakita natin kung paano minanipula ni Celso delos Angeles 'yung pera ng Legacy.

Joe: Ang hindi malinaw kung maibabalik pa ang pera ng mga biktima ng Legacy?

MAR: Oo, 'yan ang hindi malinaw. Batay po iyan sa magiging hakbang ng pamahalaan, kung gaano sila kabilis humakbang. Dapat ang SEC, BSP at Department of Justice dapat ay i-sheriff na itong mga ari-arian ni Celso, mga lupain, bahay at ibang luho para pambayad sa kanyang mga biktima.

Joe: Ang nakapagtataka meron pang mga ari-arian tulad ng binanggit ni Senate President Enrile na pinipilit pang ibenta?

MAR: Ang bagal nga kasi ng kilos ng gobyerno eh. Kahapon nagulat kaming lahat. In 2005 meron na palang task force ang Department of Justice, Task Force on Bank Fraud, task force sa mga katiwalian sa bangko. Hanggang ngayon wala pang nafa-file na kaso. Tapos meron na namang bagong task force para sa Legacy! Ano na naman ang gagawin nito? Baka naman idi-dribble lang ito para tumagal hanggang sa makalimutan na lang ito. Hindi ito pwede. Kailangan mabilis ang aksyon dito.

Joe: Sabi niyo 2005 pa 'yung task force pero hanggang ngayon wala pang nafa-file na kaso. Baka naman ayaw lang mag-file ng kaso?

MAR: 'Yun na nga 'yun. 'Yan ang dahilan kung bakit napakababa ng kredibilidad ng ating gobyerno. Para sa ating mga kababayan, sa kabila ng lahat nitong mga katiwalian na nangyayari, sobrang bagal ang aksyon ng gobyerno.

Joe: Mag-reretire na pala sa Huwebes itong si Commissioner Martinez?

MAR: Mag-retiro man siya o hindi, ang pinaka-matindi dito siya ang sumusubaybay sa pre-need. Ang kanyang anak may transaksyon dun sa anak ni Celso delos Angeles. Na kung saan 'yung bahay, sasakyan, masasabi nabigyan ng akomodasyon. San ka nakakita, ang isang rural bank ng Legacy, 'yung Rural Bank of San Jose, bumili, nagbayad ng P1.4 million para sa sasakyan. Dalawang taon na ang lumipas hindi pa rin naililipat ang titulo, hanggang ngayon nandun pa din sa opisina ng anak ni Martinez.

Joe: Samantalang ang pinambayad nanggaling sa pera ng Legacy?

MAR: Tama po 'yun. Dito naman sa bahay,may hawak na mga tseke itong mga witness na ito, tatlong tseke na tig-iisang milyon. Ang pera pinambayad para sa isang house and lot, itong house and lot na ito galing sa Legacy na mirakulo na lang nailipat dun sa anak ni Celso delos Angeles. Magmula sa anak ni Celso napunta sa anak ni Commissioner Martinez.

Ang punto dito sana hindi na lang nangyari ito. Kasi hindi naman pangkaraniwan na commissioner lang si Martinez. Siya ang sumusubaybay sa pre-need industry, na siyang kinalalagyan ng Legacy.

Joe: May binitiwan kayong salita kahapon, na kung sa ibang bansa nangyari itong mga nangyari lalo na kay Martinez, ang ibang opisyal nagha-harakiri na...

MAR: Tama po iyan. Dahil sa kahihiyan na nilagay niya sa alanganin ang sarili niya, ang honor niya, ang institusyon na kinalalagyan niya. Sa ibang bansa naghara-kiri na iyan, nag-resign na o kaya umalis na sa gobyerno mabilis pa sa alas-kuwatro, umalis na iyan dahilan sa kahihiyan.

Joe: Pero ang retirement o resignation niya ay hindi sapat para mabawi ang criminal liability niya dito?

MAR: Tama. Kung mapatunayan natin na nagkaroon nga ng akomodasyon, kung mapatunayan natin na nagkaroon po ng pagluluwag sa SEC sa kanilang mga reglamento dito sa pre-need na Legacy na ito, aba'y may pananagutan siya. Ito'y makikita natin sa mga papeles dahil lahat ng papeles ay dumadaan sa opisina niya.

Joe: Naging tameme ang mga senador nung lumutang ang pangalan ni Rep. Zialcita?

MAR: Ito pong kay Ed Zialcita, napag-usapan namin sa komite na ito ay isang House matter. Hindi naman namin siya maipatawag dito sa Senado, hindi namin ma-subpoena kaya ang ginawa namin...hindi namin pinagtakpan ito, nandiyan po iyan nakalantad, at sa testimonya ng mga witness, ito pormal, pati ang mga tseke pati ang testimonya mismo, ibibigay namin ng pormal kay Speaker Nograles.

Joe: Paliwang ni Zialcita, donasyon lang daw?

MAR: 'Yun ang ipaliwanag niya sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso. Kasi hindi naman siya miyembro ng Senado. Ibibigay po namin sa Kongreso ang kaso.

Joe: Anong susunod na hakbang?

MAR: May susunod pa pong hearing hindi ko pa nga lang nai-schedule hanggat hindi pa nalalaman ang dapat. Dahil napakarami pong nagte-text, mga impormasyon na pumapasok. Ang ginagawa po namin ay sinisiguro po muna kung may dokumentasyon. Nakita naman natin ang nangyari kahapon, merong dokumentasyon eh. Kaya hindi maiwasan eh na mabola ang sagot kasi may dokumentasyon. 'Yun po ang among ginagawa.

Ngayon, dun sa hearing kahapon, pinangako ni Celso delos Angeles na bubuksan niya ang lahat ng kanyang bank accounts. Eh di makikita natin ngayon ang mga labas-pasok ng pera dito.

Joe: Iyan ay kung itutuloy niya ang waiver para sa mga accounts sa banko?

MAR: ,Yan nga ang hinihintay natin. Kasi ang sabi niya 'Oo, sige lang, wala naman akong tinatago.' Kasi itong mga testigo na ito may mga tseke silang pinanghahawakan na galing sa Legacy Consolidated Plans Inc. na nagkakahalaga ng P38 million, na ang payee ay si Celso de los Angeles or cash. At lahat ito mga cancelled checks, ibig sabihin lahat ito binayaran, lumabas ang pera. So makikita ngayon kung pumasok ba ito kay Celso o kung saan ito napunta.

Dahil iisa lang ang alam natin, ang ating mga kababayan, ang mga mahihirap na nagtiwala, nagtipon, kinapital nila 'yuung kanilang pawis, 'yung kanilang dugo, 'yung kanilang luha, wala silang pinanghahawakan ngayon. Susundan natin ang pera, aalamin natin ang buong katotohanan dito para sila naman ay may tsansa na ma-recover ang kanilang mga pera.

Joe: Kami po ay umaasa na bago matapos ang pagdinig ng Senate trade and commerce ay may recommendation for criminal prosecution ng mga taong involved dito...

MAR: Kayo po ay makakaasa. Hindi namin titigilan ito. Kawawan-kawawa naman ang ating mga kababayan. At pati ang SEC, ang tagal ko ng kinakalampag ang SEC, na dapat maging mahigpit, hindi sila naging mahigpit, kaya ngayon na-unsyami itong mga pangarap ng ating mga kababayan.

News Latest News Feed