Press Release
March 17, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' ambush interview at the Manila Hotel

On the Pre-need industry, Legacy

Q: Hindi na tuloy ang hearing tomorrow on pre-need?

MAR: Ang hearing ire-reset for next week dahil sa dami po ng dokumento ay hindi natapos ng mga abogado na ma-verify at ma-authenticate ang mga dokumento. Kaya para naman maging mas maganda ang hearing ay ni-reset for next week.

Q: Statement on the appointment of Gaite to SEC

MAR: Itong pag-appoint ni Gaite sa SEC ay nagpapakita na hindi talaga nakukuha ng pangulo ang problema natin. Walang kasiguruhan dito sa SEC na ito. Dapat ang ina-appoint diyan iyong walang bahid, walang mantsa, lalong-lalo na ngayon na nasa sentro ng kontrobersiya ng SEC. Ang tiwala ng investing public, and tiwala ng lahat ng mga savings ay nakasalalay diyan sa katatagan ng SEC na ito.

Itong si Mr. Gaite, maganda po ang record niya. Subalit siya po ay nakasama dito sa Lozada, sa NBN-ZTE controversy na ito. Kahit ano pang paliwanag ang gawin nila, may bahid na, may mantsa na. Wala na bang ibang mahanap ang pangulo? Wala na bang gustong mag-apply sa pangulo na tuwid at tapat na walang mantsa ang record? 'Yan ang kinakailangan ng SEC ngayon para manumbalik ang tiwala ng ating mga kababayan sa institusyon na ito.

Q: Kung ikaw ang papipiliin, sino ang ilalagay mo dito?

MAR: Wala po akong mga pangalan na maibibigay. Ang gusto ko lang sabihin ay, sa ngayon na ang tiwala ng ating mga kababayan ay nawala dito sa SEC na siyang nagbabantay sa ating mga interest ngunit pinabayaan ng SEC na mawala na parang bula ang mga perang inilagay dito sa pre-need. Dapat ang inilalagay diyan ay 'yung talagang malinis at walang bahid na record. 'Yung may kakayahan na linisin itong SEC na ito at palakasin para manumbalik ang ating tiwala sa SEC, manumbalik ang ating tiwala sa kasiguruhan ng ating mga savings, sa kasiguruhan ng ating stock market.

Q: Statement on Fe Barin's husband involvement in car sale with Legacy staff?

MAR: Itong mga dokumentong ito ay dumating sa aking opisina. Humingi ng anonymity iyong mga nagpadala nito. Pinag-aaralan natin ito, in-o-authenticate natin ito. At hindi tayo basta-basta na nagli-link tayo kahit na sino at hangga't hindi natin nakikita sa hearing na authentic ito, may sumumpa at magsabi na batay ito sa mga dokumentong ito...mga reputations ito ng mga tao at marapat na maging marahan tayo at maging careful sa ating pagsasalita.

Q: Anong mga documents are you talking about?

MAR: May mga vouchers, may mga tseke, at iba pang mga dokumento. Ang nagpadala nito ay nagpapakilala silang mga former employees ng Legacy Consolidated Plans. Gayunpaman ay hindi naman natin basta-basta tinatanggap itong mga dokumentong ito, baka ma-kuryente tayo, baka makasagasa tayo sa mga reputasyon ng mga tao na inosente naman pala. Kaya dahan-dahan tayo at ginagawa natin ang lahat para una, ma-authenticate ang mga ito, at pangalawa, para ma-verify ang mga ito.

Q: One of the documents is the sale of thePajero by Commissioner Barin of ERC to a Legacy people. This has already been confirmed by chairperson Barin herself. Na-establish na magkakilala pala, may mga dealings pala...anong masasabi niyo dun?

MAR: Well, hindi maiiwasan na magkakaroon ng kulay itong mga transaksyon na ito, lalong-lalo na na-bangkarote ang Legacy at ang sumusubaybay dito ay ang SEC. Gayunpaman, kailangan marahan tayo. Hindi ko dinidipensahan ang sinuman dito pero dapat maingat tayo dahil maaari naman na itong transaksyon na ito ay ligal, na wala namang konsiderasyon. Ang punto dito ay titingnan natin ang mga dokumentong ito para makita natin kung ito'y isang isolated event o kung ito'y kasama sa isang pattern. 'Yang mga dokumento lamang at mga sinumpaang salaysay ang makapagsasabi niyan.

Q: But it's been already aired that Mr. Barin knew Mr. de los Angeles, there was a meeting...these are things not disclosed by chairperson Barin in the past...

MAR: Kung meron pong pagkukulang ay doon po sa lack of transparency. Dapat nung pumutok itong Legacy fiasco, itong scam na ito, ay dapat ay nagkaroon na ng disclosure para hindi paunti-unti ay natutuklasan natin itong mga impormasyon na ito.

Tulad nung kay Commissioner Martinez. Hindi niya sinabi pero alam pala niya na iyong anak niya nagbenta ng sasakyan dun sa anak ni de los Angeles. 'Yan ang dahilan kung bakit sinasabi ko na mali o hindi napapanahon o hindi dapat ang appointment ni Gaite sa SEC. The SEC needs utmost credibility sa panahong ito. Napakarami pong mga savings ang nawala sa ating mga kababayan. Ito ay nangyari dahil sa kapabayaan ng SEC. Dapat ang ilagay diyan walang mantsa, walang bahid. Dapat may maipakita na kagustuhan na ayusin itong SEC.

Q: On the bank waiver from de los Angeles?

MAR: Bagamat bukas siya, na bibigyan niya ng waiver ang komite para silipin ang kanyang bank accounts, lahat daw ng kanyang bank accounts ay pabubuksan niya, hanggang ngayon po ay wala pa tayong natatanggap mula sa kanya o sa kanyang abogado.

Q: On Barin issue again...paano siya dapat umaksyon in light of these disclosures that she confirmed?

MAR: Well, itong transkasyon na ito ay hindi magandang tingnan lalong-lalo na na may kontrobersiyang pumapaligid dito sa Legacy at sa SEC. Iwan na natin ito kay chairperson Barin. Kilala natin siya na isang honorableng tao at nasa sa kanya kung anong gagawin niya. As I said, kung iisang transaksyon ito, maaaring ipaliwanag ito na nagbenta ang isang abogado ng kanyang sasakyan sa isa pang abogado. Ang tanong, magkano ba ang konsiderasyon dito? Baka naman may sobrang akomodasyon dun sa konsiderasyon, nailipat ba agad ang titulo nito, ito ba ay isang pangkaraniwang transkasyon? Pangalawa, itong transaksyon na ito ba ay isolated or part of a pattern of dealings between Mr. Barin and Legacy? Iyan malalaman natin sa mga dokumento at pati na rin sa mga sinumpaang salaysay ng mga testigo.

On Spratlys Issue

Q: Statement/reaction on the presence of Chinese boats in Spratlys?

MAR: Dapat hindi tayo masindak. Dapat panatag ang kalooban natin, na dedepensahan natin ang ating teritorya. Kahit isang metro kuwadrado ng ating teritoryo ay hindi natin isusuko kahit kaninuman. May mga establisadong pamamaraan katulad sa diplomasya, sa United Nations, sa International Court of Justice, diyan sa Convention on Law of the Seas kung paano nating madedepensahan ang ating claim dito sa Spratlys na ito. Iyong ating claim dito ay sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea. Ito ay isang kasunduan na pinasukan ng lahat ng bansa. Kaya ang ginagawa natin ay sumusunod tayo sa international convention na ito. At hindi natin dapat i-surender natin 'yung ating claim sa Spratlys.

Bro. Velarde's 2010 plans

Q: Reaction on Bro. Velarde's plan to run in 2010 elections?

MAR: Congratulations. Ang pagnanais na magkaroon ng pagbabago sa ating bansa ay isang marangal na ambisyon. Lahat tayo dapat nagnanais ng pagbabago, ng reporma. Diyan nagpapakita 'yung kabulukan, ang kabaluktutan ng kasalukuyang administrasyon kaya lahat tayo nagnanais ng pagbabago. Saan ka nakakita na ang pag-asa lamang ng isang bansa ay nasa sa parating na eleksyon? Ibig sabihin talagang walang natutuwa sa kasalukuyang administrasyon. Kaya good luck kay Bro. Mike, good luck sa lahat ng nagnanais ng pagbabago dito sa ating bansa.

News Latest News Feed