Press Release
June 9, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW
 WITH RMN-DZXL'S ELY SALUDAR

* On Cheaper Meds

Q: Maraming nagtatanong tungkol sa murang gamot ...

MAR: Sa wakas, sa tagal nating pinaglalaban nito, kahapon nagkaroon ng kaliwanagan, parang bumuka ang liwayway kung saan ang DOH, pinaharap namin si Sec. Duque, ang DOH sabi nila maghahain na sila ng Maximum Retail Price. Magandang balita ito dahil ito na ang magiging takdang presyo nitong mga gamot na ito at makakasiguro ang ating mga kababayan na bababa na ang presyo.

Q: 50% daw ang ibababa ng presyo?

MAR: Tama. Itong mga gamot na iniinom ng ating mga senior citizens, pang-high blood, diabetes, arthritis. Dito tayo nagsimula. Hindi ito ang panghuling listahan. Pinilit natin na 22 na pinakanireresetang gamot para sa mga pinaka-diagnosed na mga karamdaman. Pinakamahalaga dito iyong mga gamot na tinatawag na maintenance, kasi pang-araw-araw iyan eh, wala ng ligtas diyan sa reseta ng doctor, kailangan araw-araw na inumin iyan. Sa bawat P20 or P10 na savings araw-araw, malaking bagay ito lalong-lalo na sa ating mga senior citizens, sa mga retired, kasi wala ng kinikita iyang mga iyan, umaasa na lang sila sa pension nila, limitado na ang pera nila. Dito tayo nag-concentrate, pinukpok ng pinukpok natin ito, ilang hearings ito. Sa batas bumuo tayo ng oversight, ibig sabihin susubaybay sa trabaho ng DOH. Eh napakabagal talaga. One year anniversary, June 6, ang pagsasabatas nitong panukalang ito. Eh lumagpas na ang one year hindi pa nila ginagamit ang mga kasangkapan na nasa batas. At Nagpapasalamat nga tayo na sa wakas ay nagmulat mata ang DOH at pinangako nila na this week, maglalabas sila ng isang rekomendasyon at ang pangulo ang siyang mag-pi-pinal nito.

Magandang halimbawa ito dahil, 'yung nangyari dito sa Cheaper Medicines, tulad din ito ng nangyayari sa ibang batas. Dito sa Cheaper Medicines, binigyan natin ng martilyo ang DOH, eh ayaw naman nilang gamitin eh. So, kumbaga sa karpentero, may martilyo siya pero ayaw naman niyang gamitin. Anong mapapanday niya? So finally, talagang pinukpok natin ang DOH, kinalampag natin, kinulit natin, hindi natin pinakalimot sa kanila itong issue na ito, so finally gagamitin na nila itong martilyo na ito para makapagpanday sila ng mas mababang presyo. At ito naman ay pansimulang listahan lang. Sa susunod na mga buwan, madadagdagan iyan.

* On Pre-Need/Legacy

Q: Meron na bang decision ang SC re: legal fees?

MAR: May panukala na tayo diyan at 2 beses na tayong sumulat sa Korte Suprema at humihingi din tayo ng meeting sa mga mahistrado ng Korte Suprema dahil sila nga ang nagtatalaga nitong mga fees na ito. Kawawa naman ang mga naging biktima. Sila na nga ang na-biktima, ninakaw na nga ang pera nila, niloko na nga sila, eh ngayon na magreklamo may mga fees na mahal na kailangan nilang bayaran. Sumulat na tayo sa Korte Suprema, humingi na tayo ng appeal, at humingi na din tayo ng meeting sa kanila. At natutuwa naman ako kasi sinuportahan ako ng mga kasamahan ko sa Senado. Nag-file ako ng resolusyon at unanimous, sinuportahan ako ng ating mga kasama sa Senado at ito 'yung sense of the Senate na pinadala na natin sa Korte Suprema. Sinabi namin na hindi naman kami nanghihimasok, nirerespeto namin kayo pero tingnan niyo po itong mga ito, mga niloko po sila, mga ninakawan po sila. Kung maaari, tulungan natin silang makapag-reklamo at babaan natin ang mga fees na kailangan nilang bayaran. Nandun na ito sa Korte Suprema. At patuloy nating tinatrabaho ito. Maaasahan po ng ating mga kababayan, hindi po natin pababayaan ito, ilalaban natin ito.

Gayunpaman, iyong mga naunang nag-reklamo, natutulungan na natin sila. Sa katunayan, ako na mismo ang nag-file ng isang reklamo na nandiyan na ngayon sa DOJ. Iyong balita na magkakaroon ngayon ng pagbabago diyan sa DOJ, baka naman biglang bumilis itong proseso ng DOJ. Dahil hanggang sa ngayon, ni isang kaso wala pang nafa-file ang DOJ. Nagreklamo na ang SEC, nagreklamo na 'yung BSP, nagsampa na din ng reklamo ang PDIC, nagreklamo na iyong mga may kayang biktima, ako mismo nagsampa na ng reklamo. Lahat itong mga reklamong ito, nakabinbin ito sa DOJ.

Q: Dapat may desisyon na para makulong itong si Celso de los Angeles?

MAR: Aba ay dapat lamang. Wala eh. Hindi ko alam kung pino-proteksyunan nitong DOJ si Celso de los Angeles eh. Dahil pumutok itong isyu na ito, last year pa. Nag-file ng insolvency, hindi na kakayanin ang mga utang, ang mga pangako, noong December 2008. Eh June na tayo eh, six months na. At iyong mga ahensiya mismo na sumusubaybay dito sa Legacy, sila rin nagsampa na ng kanilang mga reklamo: PDIC, BSP at SEC. Sila mismo may nakita silang paglabag sa batas, sa reglamento na ginawa itong si Celso at ang Legacy kaya nagsampa sila ng reklamo sa DOJ. At ang DOJ ang magsasampa ng kaso sa korte pero hanggang ngayon, wala pa ring aksyon. Sana naman itong pagbabago sa DOJ, kahulugan nito ay pagbilis at pagpursige ng kaso dito laban kay Celso at sa Legacy.

Q: Lumalamig na ang isyu. Tututukan ba ninyo ito kahit hindi na ito kinakagat sa media?

MAR: Tutok tayo dito. Baka lumalamig ito sa pahayagan. Pero sa bawat Pilipino, sa bawat kababayan natin na niloko, na ninakawan, na nawalan ng katahimikan 'yung kanilang pag-retiro dahil sa pension nila, yung katahimikan ng kanilang kamatayan dahil dun sa kanilang memorial plans, 'yung nawala yung kasiguruhan ang edukasyon ng kanilang mga anak. Hindi po tahimik ito, talagang bumabagabag ito sa kalooban nila, galit na galit sila. At ako ay galit na galit na din dahil itong si Celso kung ano-ano ang ipinangako niya sa mga kababayan natin pagkatapos pala nanakawin lang niya ang pera. Kaya ako mismo nag-file na ng case diyan. Hindi natin pababayaan ito. Isusulong natin ito.

* On Con-Asswang/Cha-cha

Q: Kayo po ba ay sasali bukas diyan sa rally sa Makati?

MAR: Namimili na nga tayo ng bawang eh. Naghahanda na tayo. Mamimili tayo ng bawang para sa lahat. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kaibigan, tulad ni dating Gov. Farinas ng Ilocos Norte nagpadala siya ng isang jeep ng mga bawang mula sa Ilocos. Ipamimigay natin ito. Panlaban ito sa con-asswang, itong ass-wang na ito na kung saan iyong pagpapahaba sa termino, 'yung pansariling interest lamang ang isinusulong dito. Itong Con-ASSwang na ito, parang aswang, hindi mamatay-matay. Eh patay na, wala ng katawan pero binubuhay pa rin para sa mga solong interest ng mga kaalyado, ng mga alipores ni GMA. Sasama tayo sa rally bukas.

Q: Mas maganda daw magkalinawan na ang legalidad nito sa SC?

MAR: Malinaw naman na labag ito sa Saligang Batas. Lahat ng abogadong kausapin mo, iyan ang sinasabi. Iisa ang pananaw ng mga legal experts, ng mga sumulat ng ating Saligang Batas. Bakit ayaw nilang makinig? Pilit sila ng pilit ng mga bagay na hindi naman tama at hindi angkop sa problema natin ngayon.

Ito ay simpleng-simple lang. Ano ba ang mapapala natin dito sa con-ass na ito? Dito lamang sa trabaho ng Kongreso, nagpuyat sila hanggang magdamag, sinulong nila itong con-ass na ito. May nalikha bang bagong trabaho? Meron bang bagong hektarya ng lupain na pwedeng tamnan ng bigas, ng mais? Meron bang mga exporter na natulungan dahil nawawala na ang market nila abroad kasi sadsad ang global economy? Wala naman eh. Sila lang. Ang pansarili lamang nilang interest ang isinulong dito.

Q: Ang sinasabi ni Speaker Nograles, sinusulong niya dito iyong economic provisions para matulungan ang ating ekonomiya?

MAR: Wala, maling analysis iyan. Apat na taon akong DTI. Ni minsan itong mga Hapon, itong mga Amerikano, itong mga taga-Europa, itong mga Chinese, itong mga investor na ito, wala naman silang inireklamo na ang Saligang Batas natin ang siyang hadlang sa kanilang investment dito. In fact nandito na sila, nagtayo na sila ng kanilang mga pagawaan dito. Ano ba ang kanilang mga reklamo? Una, iyong harassment, hina-harass sila: ng mga barangay officials, ng mayor, ng customs, ng BIR, ng immigration, lahat itong kawani ng iba't-ibang ahensiya. Iyan ang kanilang reklamo. Pangalawa, iyong peace and order. Hina-hijack ang kanilang mga shipment, mula sa pagawaan sa pabrika tungo sa airport o sa pier. Pangatlo, iyong kahinaan ng edukasyon natin, inirereklamo nila iyan. Bakit? Kasi kailangan nila ng mga high-tech na empleyado, na mga workers kasi computerized na ang mga makina nila eh. Ito ang mga inirereklamo ng mga investors,hindi naman iyong pag-aari ng lupa kasi di ba nga nag-I-invest nga sila dito ng bilyong piso kahit hindi nila pag-aari ang lupa. Itong si Mr. Kwok ng Shangri-la, ilan na ba ang hotel niya dito? Sa Edsa, sa Makati, sa Cebu, ngayon, last year nag-invest din siya sa Boracay. Apat na beses na siyang nag-invest dito ng malaking halaga pero hindi naman niya pag-aari ang lupa eh. Patunay ito na hindi hadlang ang Saligang Batas natin sa pagpasok ng mga investors dito sa bansa natin. Ang hadlang dito 'yung pabago-bagong policy ng gobyerno, hadlang dito ang masyadong politika, hadlang dito 'yung hindi pagbigay atensyon sa mga tunay na problema ng mga negosyante, Pilipino man o foreign investor, hindi ang Saligang Batas.

* On 2010 Elections

Q: Pagkatapos ng pag-atras ni Sen. Lacson, mas marami pa kayang mga aspirante ang aatras?

MAR: Nalulungkot ako dito sa balita na hindi na tutuloy si Sen. Lacson. Una ko siyang nakasama diyan sa Senado. At nakita ko naman sa tagal naming magkasama diyan na ang kanyang kagustuhan ay mai-angat naman ang ating bansa, maiayos at maitama ang mga kamalian dito.

Q: Isa ka daw sa pinagpipilian na maaaring suportahan ni Lacson? May posibilidad din na maaari mo siyang maging running mate?

MAR: Unang-una, nagpapasalamat ako pero wala naman siyang sinasabi sa akin. Kung totoo man iyan, nagpapasalamat nga tayo na ang tiwala niya ay maaaring ibigay niya sa atin. Malaking karangalan para ma-consider lang. Kung baga sa awards, nominated ka na.

Q: Malaki ang maitutulong sa kampanya mo kung sakali?

MAR: Siyempre naman, may tao naman si Sen. Lacson. May suporta naman siya. Kung sinuman ang panigan niya, malaking bagay po iyan.

Q: Napakabigat ang maging pangulo. Lahat ng problema ng mga Pilipino, problema mo din. Bakit mo gusting maging pangulo ng Pilipinas?

MAR: Tulad mo Eli, tulad mo Erwin, at ng ating mga taga-pakinig, tulad ng mga 90 million na Pilipino, GUSTO NATING NG PAGBABAGO SA BANSA NATIN. GUSTO NATIN NG TUWID AT TAPAT NA PAMAMAHALA. INIS NA INIS TAYO, GALIT NA GALIT TAYO NA KAHIT ARAW-ARAW NAGPAPADYAK TAYO, WALA TAYONG NARARATING. KAHIT ARAW-ARAW NAGSISIKAP TAYO, WALA TAYONG NAPAPALA. Katulad nitong mga biktima ng Legacy, nagutom sila, ipinagpaliban nila ang kanilang mga panggastos para lamang makabili nitong mga kasiguruhan na ito, ano nangyari? Iyong tiwala nila sa gobyerno na babantayan ang kanilang mga pera, nawala. Iyong pera nila, 'yung pangarap nila, 'yung kasiguruhan, 'yung katahimikan, nawala na lang, naglahong parang abo sa hangin. 'Yan ang nakikita natin dito sa bansa natin. TULAD MO, TULAD NATING LAHAT, AY PAGOD NA DIN AKO AT INIS NA DIN AKO SA NANGYAYARI DITO. ANG BANSA NATIN, NAPAKAYAMAN. ANG MGA KABABAYAN NATIN, ARAW-ARAW NAGPAPADYAK, ARAW-ARAW NAGSUSUMIKAP PARA LAMANG MAIAHON ANG BUHAY NILA. PERO ANG ISA SA PINAKAMALAKING SAGABAL AY ANG GOBYERNO MISMO, ANG KABALUKTUTAN NG GOBYERNO. Nakita nga natin dito sa con-ass. Imbes na ang inasikaso 'yung pangangailangan natin, pansariling interest, 'yung con-ass ang isinulong. PARA SA AKIN NAGKAKAISA TAYO NA GUSTO NATIN NG PAGBABAGO DITO.

Q: Sa mga survey na ginagawa, umangat ang iyong marka?

MAR: Siguro ay nadinig na tayo ng ating mga kababayan. Matagal na po nating isinusulong itong Cheaper Medicines. Matagal na po nating isinusulong ang kasiguruhan ng inyong mga savings. Matagal na po nating isinusulong ang ang pera, imbes na mapunta sa gobyerno sa pamamagitan ng mga tax o buwis, ay maiwan sa bulsa ng mga nagtratrabaho. Ito po ang mga isinusulong natin, siguro na-a-appreciate ito ng ating mga kababayan. At iyong tiwalang ipinakita nila sa pamamagitan nitong survey, gusto ko po malaman ninyo na tinatanggap ko po ito bilang inspirasyon at hamon. Patuloy po ang ating trabaho.

News Latest News Feed