Press Release
June 15, 2009

Transcript of Sen. Manny Villar's press conference with Cebu media
at Café Laguna, Cebu City

Q: Ano ho ba ang kasalukuyang pinaplano ng Senado matapos matapos maipasa sa House of Representatives ang Constiituent Assembly?

Villar: Kanya-kanyang galaw ang mga senador at hindi ko alam kung ano ang saloobin ng ibang mga senador pero sa akin, nag-emergency meeting nga ang Nacionalista Party noon pa man at kami ay nagdesisyon na kokontrahin namin itong cha-cha. Naniniwala kami na hindi tama na magkaroon ng cha-cha sa panahon ngayon, malapit na ang eleksyon. Ano man ang gawin natin ngayon, pag-usapan natin ang charter change, siguradong iisipin na iyon ay para sa extension ng term o babaguhin na naman ang sistema parang masyadong gahol na sa oras, wala nang diskusyon. Mahalaga kasi na pag-usapan iyan ng ating bayan para walang short cuts. Talagang napakahalaga kasi ng konstitusyon natin, kinakailangang pag-usapan maigi at kailangan kunin natin ang opinion ng ating mga kababayan.

Q: Naniniwala po ba tayo na economic provisions lang po ang ihahain ng administration congressmen?

Villar: Wala namang naniniwala diyan na economic provisions lang ang pakay. Alam naman natin na syempre iyan ay parang sa simula lang pero alam natin kung saan tutungo iyan. Alam natin na ang direksyon niyan ay charter change talaga para mabago ang form of government to parliamentary.

Q: Hindi kaya isinulong ito ng congressmen dahil dito sa part ng Senado, halos lahat diyan ay oposisyon against the president?

Villar: Sa ngayon naman ang Senado ay admin. Hindi naman masyadong nago-oppose ang Senado sa pangulo ngayon, napuna ko lang. Bagamat ako ay nago-oppose kaya ngayon individual ang pag-oppose ng mga senador. I cannot speak for the Senate, I'm not the Senate president kaya ako ngayon I am speaking for myself, as a senator. I am opposing this change. Maliwanag sa akin ang konstitusyon na hindi pwedeng balewalain ang Senado. Maliwanag na bicameral ang ating gobyerno at hindi pwedeng balewalain ang Senado sa pag-amyenda ng konstitusyon natin.

Q: Any reaction sa napapabalitang pagtakbo ng president sa Pampanga?

Villar: Mas maganda sana sa isang pangulo na mag-retire na lang pero iyan naman ay karapatan ng ating pangulo basta lamang congressman ang hangarin, ang mahirap ay kung ang hangarin ay member of parliament. Iyan, mag-iiba na ang kulay niyan. Pero kung congressman lang, iyan ay karapatan niya at wala tayong magagawa diyan. Personally ang tingin ko, kapag naging pangulo ka na dapat siguro mamahinga ka na. pero iyan ay opinion niya, gusto niyang tumakbo, okay lang iyon. Huwag lang maging member of the parliament ang pakay. Syempre hindi natin maiaalis sa mga kasamahan natin, maging ako, na maghinala na maaring kasama na ito ng cha-cha.

Q: Iabolish na daw ang Senate...

Villar: Okay naman na meron tayong iba-ibang pananaw na merong gustong i-abolish ang Senate, may gustong mayroon pero ang mahalaga ay nasa Konstitusyon iyan na may Senado. Ngayon kung papalitan iyan, okay naman din na pag-usapan iyan. Kung talagang gusto ng bayan na alisin ang Senado, wala namang problema diyan. Ang gusto ko lamang mangyari ay siguraduhin na iyon nga ang gusto ng bayan at hindi short cut. Kasi nakita ko yung ginawa ng House, ni hindi na makapagsalita ang oposisyon kaya palagay ko hindi iyon talaga ang tunay na nasa saloobin ng ating mga kababayan.

Q: After the approval of the Con-Ass, have you talked to the congressman of Cebu dahil lahat sila ay sumang-ayon.

Villar: Bilang isang dating Speaker, alam ko na sa isang congressman, mas maganda talaga iyong member ka na ng parliament. Mas makapangyarihan ang member ng parliament kaysa congressman kaya hindi ko naman masisisi ang iba nating mga kasamahan na mas gustuhin ang parliamentary form of government. Ang sinasabi ko naman dito ay mahalagang tanungin ang bayan kung ano ang nasa loobin ng bayan. Maski naman ako kung talagang maliwanag naman na gusto ng tao na alisin ang Senado o talagang gusto ng tao na umiba tayo ng form of government sa parliamentary, buong puso ko namang tatanggapin iyon. Gusto ko lamang masiguro na ang proseso ay tama at talagang hindi sino-shortcut at binibigyan ng pagkakataon iyong mga ayaw nitong pagbabago ng sistema ng gobyerno na makapagsalita. Hindi naman iyong isang gabi lang at pagkatapos kailangang maipasa ngayong gabi. Ang pagbabago ng Saligang Batas ay dapat mahalaga, hindi naman pwede isang gabi mo lang pag-uusapan iyan.

Q: Kayo ho ba ay may tiwala sa poll automation na maiiwasan ang dayaan? Pabor ho ba kayo na ito ay iimplement sa 2010 election?

Villar: Kinakabahan ako diyan. Ang katotohanan, bagamat maganda sana na fully automated tayo, pero bigla eh. At natatakot pa rin ako, personally bilang isang kandidato, sa posibleng mangyari sa poll automation. Siguro may kadahilanan naman kung bakit tayo natatakot. Noong mga nakaraang panahon merong mga dayaan at halos tuwing may eleksyon, may dayaan. Baka mas grabe ang mangyaring dayaan dito. Ang ikinakaba ko pa, paano tatanggapin iyong mga natalo na local o national officials ang resulta ng fully automated elections. Kasi alam naman natin na sa sistema ngayon, iyong mismong nilalagay na sa black board, iyong bilang, nag-aaway pa lalong mahirap sigurong tanggapin ang pagkatalo kung sasabihin na lang sa iyo ng computer na natalo ka. Baka maraming local na government officials ang hindi tanggapin ang lumabas sa computer.

Q: Itong smartmatic na nanalo sa bidding, sila rin po ang nag-supply doon sa ARMM election. Ibig sabihin, medyo hindi ho dependable itong eleksyon na nangyari sa ARMM na gumagamit ng fully automated machine?

Villar: Nangangahulugan lamang na hindi porque fully automated ang eleksyon iyan ay malinis. Kasi garbage in, garbage out iyan kaya kung mali ang ipinasok mo, mali rin ang lalabas na resulta. Siguro naman sa ARMM, kung iyan ang gagawin nating base, titingnan natin kung naging malinis ba ang eleksyon sa ARMM.

Q: Any reaksyon doon sa smartmatic machine, yung wire daw almost masusunog yun pero nanalo pa rin.

Villar: Ako naman ay kinakabahan lang diyan. Kung ako sana ang masusunod, gusto ko dahan-dahan ang pag-automate, barangay elections muna, tingnan natin ang resulta. Kung matatanggap ng mga natalo ang resulta, bago natin gawin sa national. Dapat unti-unti siguro, by region. Pero iyong biglaan na lahat, hindi mo talaga maiaalis na matakot iyong mga kandidato na maaring magkadayaan. Pwera pa dito ang posibilidad ng failure of elections na sinasabi nila, paano kung mag-breakdown ang mga makina na iyan, nangangahulugan ba na magkakaroon tayo ng failure of elections?

Q: May balak ba si Sen. Villar to make representation to the Comelec na sana ipagpaliban muna? Villar: Marahil huli na dahil sa ito ay pinag-usapan na sa Senado. Iyan ay pumasa na bilang isang batas, napakahirap na ibalik muli sa pinanggalingan. Nevertheless, doon sa implementing rules, doon tayo dapat magbantay na ngayon kung paano ang implementasyon niyan at paanong pagbabantay ang gagawin. Ang sinasabi ko kanina, ako ay medyo kabado diyan at hanggat maari sana mas gusto ko na dahan-dahan ang implementasyon niyan.

Q: Sa mga surveys, you were no. 1, sa latest SWS survey kayo ang no.1. You are also one of the top sa Pulse Asia. Ano ang projection ninyo in the next surveys?

Villar: Mahirap mo naman masabi dahil ang survey ay isa lamang basehan ng eleksyon. Syempre titingnan rin ang organisasyon mo, iyong kapasidad mo para magpatakbo ng isang buong slate. Basta sa akin, syempre happy ka naman kung maganda ang resulta ng survey, nangangahulugan lamang na natutuwa ang kababayan natin sa ginagawa natin. Kamukha nitong kamakailan lang lumabas na pangalawa tayo sa pinakamaraming nai-file na panukala sa Senado, nangangahulugan na nagagawa pa rin natin ang trabaho natin sa kabila ng ating pagtulong sa mga kababayan natin. Ito siguro ang nagugustuhan ng ating mga kababayan kaya mataas tayo sa survey. Syempre pagbubutihan pa rin natin para sa susunod na survey manatili tayo sa taas. Sa tingin ko basta tuloy-tuloy lang ang ginagawa ko, okay naman.

Q: Where will you attribute your showing in the last survey?

Villar: Sa tingin ko iyong programa natin sa pagtulong sa mahihirap, sa OFW, sa mga nawawalan ng trabaho, sa mga nagsasarili at iyong mga ginagawa nating mga panukala sa Senado ay nagugustuhan ng ating mga kababayan. Kasi ngayon nakakaikot na ako sa buong Pilipinas, hindi kagaya noong ako ay pangulo ng Senado hindi ako masyadong nakakaikot. Ngayong nakakaikot na ako, nararamdaman ko talaga ang mga problema ng ating mga kababayan, yung pulso ng ating mga kababayan at iyon ay nailalagay ko sa mga panukala na ipina-file ko sa Senado. Mas nakikita ng ating mga kababayan iyong ating performance lalong-lalo na ang pagtulong natin sa mahihirap.

Q: Who do you think will be your closest rival among all presidential wannabes?

Villar: Maliwanag naman sa surveys na si Noli de Castro ang pinakamahirap na kalaban. Kami naman ni Kabayan Noli ay hindi nag-aaway at magkaibigan pa rin kami. Wala naman kaming pinag-uusapang ganun bagamat nililiwanag ko lang na magkaibigan kami niyan at maski naman kami ay maglaban sa eleksyon, hindi naman kailangang mag-away.

Q: Any reaction sa pag-atras ni Ping Lacson for running as president?

Villar: Iginagalang ko naman ang pananaw ng bawat isa kung gustong tumuloy o umatras. Hindi naman ako nakikialam sa desisyon ninuman. In fact, ang tingin ko pagdating ng eleksyon, konti lang talaga ang matitira diyan.

Q: Mukhang pinagtutulong-tulungan kayo sa Senado, hindi kayo natitinag sir...

Villar: Alam mo, iyan ang aking sama ng loob lang diyan na pinagtutulong-tulungan ako ng lahat ng presidentiables doon sa C-5 issue na pinaliwanag ko naman, sinagot ko nang lahat ng issue diyan, pinaliwanag ko na wala namang double entry, dalawang proyekto iyan. Pinaliwanag ko na wala namang realignment dahil dalawang kalye iyan, isang toll road at isang walang bayad. Pinaliwanag ko na walang overprice, zonal valuation ang ginamit diyan. Lahat nasagot naman natin, pati iyong mga dokumentong pinapakita wala naman palang illegal doon at mali naman pala. Nai-bring up nating lahat iyan subalit ayaw pa ring tumigil, mag-iisang taon na iyan. Nalulungkot ako kung bakit hanggang ngayon ay issue pa iyan samantalang nasagot ko nang lahat iyan.

Q: If you will emerge as the victor in this political race, what will be your priorities?

Villar: Iyong kahirapan. Talagang sa tingin ko saan ka man dumako sa buong bayan, talagang kahirapan ang unang-unang problema natin. Iyon ang dapat nating harapin, huwag nating lokohin ang ating mga sarili. Ang tao maliwanag sa pag-ikot ko, isa lamang ang kanilang hinihiling muna, iyong kahirapan muna ang unahin nating lutasin.

Q: How do you combat this poverty?

Villar: Maraming pamamaraan diyan pero sa akin kailangan munang pamahalaan mo ang ating bansa. Mahirap kasi na wala kang karanasan halimbawa sa pamamahala, mag-aaral ka pa lang. kapag ikaw ang presidente, dapat naman unang araw pa lang kaya na niyang pamahalaan ang ating bansa nang sa ganon yung programa niya ay kaya na niyang iimplementa agad, hindi na siya mag-aaral o on-the-job training. Marami tayong mga programa para sa paglutas ng kahirapan sa lahat ng aspeto ng ating ekonomiya, sa aspeto ng edukasyon, kalusugan, pagbibigay ng trabaho, kumpleto ang ating programa diyan pero kagaya ng aking sinabi, hindi lamang programa ang mahalaga dito. Ang mahalaga rito yung kakayahan ng magiging pangulo na ipatupad yung kanyang programa.

Q: Iyong OFW advocacy kumusta na po, ilan na po ang natutulungan natin sa ngayon?

Villar: Napakarami na, libo-libo na ang natulungan natin at hindi naman tayo nagbibilang o parang may score. Subalit walang tigil iyan lalo ngayon meron tayong problema sa pandaigdig na krisis pinansyal, talagang dumadami ang problema pero kailangan huwag tayong umatras. Kailangan nga ngayon ang gobyerno mas lalong pag-ibayuhin ang tulong sa mga OFW dahil sa pandaigdigang krisis ngayon. Maraming mga bansa ngayon ang may problema gaya ng Dubai, Amerika at kinakailangang harapin ito ng ating gobyerno. Tayo naman sa pribadong sector din, ako personal akong tumutulong kasi, dapat dagdagan pa nang sa ganon ay matulungan natin ang mga kababayan na minamalas sa ibang bansa.

Q: Sabi ng mga kongresista over-acting daw ang Senado dahil malayo pa ang proseso, iraratify pa ito ng taong-bayan, bakit daw kayo natatakot?

Villar: Hindi naman ako natatakot. Personally, hindi ako takot sa parliamentary. Ako ay dating Speaker at kaya ko iyang parliamentary form din. Kaya lamang sinasabi ko na mahalaga sa pagbabago ng ating Konstitusyon na ang taong-bayan ang masusunod. Ang ayoko lang ay ang short cut na parang ngayon, less than one year to go biglang pag-usapan na natin ang pagbabago ng Konstitusyon. Bakit naman ngayon lang, pagkatapos ipinasa ng Mababang Kapulungan , isang gabi lang pinag-usapan. Iyong ganito kaselan na panukala ay hindi pwedeng pag-usapan ng isang gabi. Marami talagang mga provisions at mga features doon na dapat pagdebatehan at isama natin ang ibang sector ng ating lipunan, hindi lamang iyong miyembro ng Kongreso.

Q: Mas pabor ho kayo sa Constitutional Convention?

Villar: Constitutional Convention o Constituent's Assembly basta kung ano ang gusto ng ating mga kababayan ay gagawin natin nang walang short cuts, nang maayos ang usapan at walang pwersahan. Wala iyong mga one day, biglang papasa o pupwersahin natin ang issue. Hindi tama iyon.

Q: Sa local officials meron na ba kayong napipisil?

Villar: Sa local talaga sa ngayon ay masyadong maaga pa para tayo ay makialam. Sa ngayon nakikita ko na mismong local officials naman ay hindi pa sigurado kung sino ang mga kandidato. Siguro as a matter of policy, ayoko munang makialam at ayoko munang mag-komenta dahil hindi pa naman natin alam kung sinu-sino ang mga kakandidato, kung anong mga partido at hindi pa naman natin alam kung sino ang mga susuportahan nila. Sa tingin ko maglilinyahan iyan mga Setyembre. Kasi ngayong June, July, tayo ay nagbabakasyon ngayon sa Kongreso, babalik iyan last week of July o August na. sa August magu-usap-usap na iyan. Palagay ko mga Setyembre maglilinyahan na ang mga officials dahil filing of candidacy na sa November. Doon pa lamang liliwanag at doon pa lang siguro tayo magsisimula magkomenta o makialam sa local politics.

Q: Sigurado may complete slate kayo for provincial?

Villar: Iyon lamang ang masasabi ko, kami sa Nacionalista Party, at sa makakasama naming partido, kumpleto ang aming line up, presidente, vice president, senador, congressman, governor.

Q: May listahan na tayo ngayon ng mga plano pa lang?

Villar: Marami nang mga prospects, sa senador medyo marami-rami na marami talagang gustong mag-senador. Sa local marami rin, mas mainit sa local. Lalo na ang Cebu, mas grabe ang pulitika dito sa Cebu kaya mahirap mag-comment agad nang masyadong maaga.

Q: May lumalabas kasi na iyong mga Ouano daw...

Villar: Ayoko munang mag-comment, kaibigan ko rin iyan. Marami tayong kaibigan sa Cebu. Alam naman ng mga kaibigan ko kung gaano ako kalapit sa kanila at sa tamang oras ay oopen naman tayo talaga.

Q: Sa vice president...

Villar: Hihintayin muna natin dahil naniniwala naman tayo talaga na maraming gustong mag-vice at marami ring kumakandidato sa pagkapangulo ang bababa sa vice president. Walang aamin niyan syempre pero alam natin pagdating ng oras, ang matitira lang na kakandidato sa pagkapangulo ay mga tatlo lamang. Hindi ko alam kung sino pa ang iba pero sabi ko nga, konti lamang iyan.

News Latest News Feed