Press Release
June 16, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' POST-HEARING BRIEFING

On Telcos hearing

MAR: Napakaraming issue ang dapat pag-usapan dito. At ang dahilan kung bakit hindi ito natugunan ng pamahalaan ay dahil naka-lock up ito sa korte. Walong taon na itong injunction ng mga telcos na ito. Iyan ang dahilan kung bakit lahat ng reklamo natin sa NTC at lahat ng inaasahan natin na pagbabago, inaasahan natin na reglamento para maisaayos itong mga loads, itong mga drop calls na ito, ay hindi natugunan.

Kami sa Senado handa kaming manghimasok dito para maayos itong mga problemang ito. Problema sa drop call, problema sa masamang serbisyo, problema sa pagsisingil na isang minuto kahit sampung segundo lang ang nakonsumo mo. Problema sa spam, iyong mga hindi naman katanggap-tanggap na messages na pumapasok. Problema dito sa mga promo na ito na hindi natin nilalaman ay kinakaltasan na pala tayo ng ating pera. Lahat itong mga problemang ito, manghihimasok kami sa Senado para maayos itong mga problemang ito.

Q: How soon can you file a bill that will amend the charter of these telcos?

MAR: We will be working but, dito sa mga hearings na ito, malalaman natin ang mga background at kung ano ang mga solusyon dito sa mga problemang ito. AT doon mabubuo iyong bill. Gayunpaman, sa pamamagitan ng mga hearing na ito ay baka maudyok naman natin, o baka mapukpok naman natin itong mga telcos na ito na gampanan na, tugunan na 'yung kanilang dapat gawin para mabigyan ng tapat na serbisyo ang kanilang mga customers. Sila mismo nagsasabi na maaari silang asahan ng kanilang mga customers. Ngayon ang kanilang mga customers nagsasabi, niloloko niyo kami, so maaari ba gawin ninyong tama ang inyong paniningil, gawin ninyong tama ang inyong pagbibilang ng mga nakonsumo naming mga serbisyo niyo.

Q: P200 per violation na fine?

MAR: Malinaw na malinaw na iyong P200 na iyan ay antiquated na. At iyan isa sa mga dapat baguhin sa batas.

Q: On frequency...

MAR: Sa abroad napakalaking negosyo itong telcos na ito. Bini-bid out sa highest bidder ang pagbibigay ng frequency, 'yung karapatang magnegosyo dito sa telco na negosyo na ito. Dito sa atin, sa pamamagitan lamang ng prangkisa ay nasa kanila na iyan. Kaya napakalaki ng kanilang kita, hindi nila binabayaran ito. Nababayaran lamang ito sa pamamagitan ng buwis, or franchise taxes, na kung saan ang mga customer naman talaga ang nagbabayad niya. Sinisingil din naman nila tayo sa pagbayad niyan.

So, para sa akin ang pinakamahalaga dito ay nababantayan natin ang interest ng ating mga mamamayan. Para sa marami, maliit na pera ito. Pero itong pera na ito, P15, isang latang sardinas na ito, kakainin na lamang nila ito. Ito na lamang ang pamamaraan para maka-reach out at makausap ang kanilang mga mahal sa buhay, ang kanilang mga pamilya. So napakahalagang bagay nito at dapat maituwid natin itong mga anomalyang ito.

Q: Paghabol sa frequency nila?

MAR: Ang paghabol diyan ay sa pag-tax na lang, sa paglagay ng mga reglamento para magbayad sila sa pagnenegosyo dito.

Q: So where's the problem, in the franchise or in the NTC?

MAR: Ang depekto ay...stalemate kasi eh. Ang problema kasi, walong taon na itong stale sa korte. May mga reglamentong inilabas ang NTC, maganda ang mga reglamento na ito. Halimbawa, per six seconds ang singil. So kung ang nakunsumo mo ay ten seconds, dalawang pulse lamang ang sisingilin sa iyo, hindi iyong buong minuto. Magandang reglamento iyan. Pero ang problema, nakabinbin ito sa korte. So hindi natugunan ang problema, hindi natugunan ang reklamo, hindi naiusad ang magagandang mga reglamentong ito.

Q: So the court is the problem?

MAR: Well, ang problema, itong mga telcos, ayaw bumigay na ibigay ito ng basta-basta na lang, gusto nilang proteksyunan ang kanilang malalaking mga kita, kaya pina-TRO, pina-injunction nila ito sa korte. Ang dapat dito tingnan natin, ano ang interest ng ating mga mamimili. Sila ang nagbabayad nito. Sila ang nagbibigay ng mga napakalaking kita sa mga kumpanyang ito. Dapat suklian nila ito ng tamang serbisyo. At sa tingin ko, ang gobyerno nandiyan para masiguro na napo-proteksyunan ang taumbayan.

Q: The injunction is also against Congress?

MAR: No, the injunction is only because the law is unclear. So ang gagawin ng Kongreso ngayon ay lilinawin natin ang batas para mawala na itong injunction na ito. Magiging malinaw ang kapangyarihan ng NTC na mag-regulate at dagdag pa dun, sa loob ng batas mismo, lahat nitong mga reporma, lahat itong mga pagbabago, ay isasama na natin sa batas.

Q: That will be the subject of the next hearing?

MAR: What we will do, each conflict, halimbawa...natalakay natin ngayon itong 'Vanishing Loads' at iyong sistema ng paniningil. So iyong susunod na hearing, bakit iyong subscriber pa ang kailangang tumanggi dito sa mga ino-offer na promo na ito. At kung hindi ka tatanggi, sigurado, sisingilin ka nila hanggang tanggihan mo ito. Bakit iyon ang sistema? Bakit hindi na I-offer nila ito at hintayin nila na tanggapin itong mga offer na ito ng mga subscribers? Isang simpleng bagay lang iyan pero napakalaking problema nito dahil marami dito sa mga 'Vanishing Loads' na ito, ang sanhi niyan ay ang hindi pagtanggi dito sa mga promo na ipinapadala nila sa atin.

Q: Based on the issues tackled today, do you think the telcos will do something?

MAR: Unang mensahe ko dito sa mga pinadala ng mga telcos: I-kuwento nila sa kanilang mgfa bosing ang nangyari dito. I-kuwento nila ang timplada ng Senado na hinding-hindi kami papayag na pagsasamantalahan ang ating mga kababayan. At kung kinakailangan, isusulong namin ito sa pamamagitan ng batas. Mas mabuti na unahan na nila ito, ayusin na nila ang pamamalakad ng mga sistema kaysa sa ang Kongreso pa ang gagawa nito. Kasi kung ang Kongreso pa ang gagawa nito, nasa batas na iyan, wala ng pagdilly-dally pa diyan.

Q: Isn't the law the franchise?

MAR: The franchise assumes that the regulator is the NTC. Eh hinand-cuff na nila ang NTC sa pamamagitan ng injunction. So iyong prangkisa na ibinigay ng Kongreso na nag-a-assume na may magre-regulate, na may magbabantay sa kanila, hindi na operative kasi nga na-handcuff na nga iyong NTC sa pamamagitan nitong injunction na ito.

Q: The defect is then with the NTC?

MAR: No, the defect is the fact na hindi malinaw ang kapangyarihan ng NTC na I-regulate ito. Pangalawa, the defect is also with the courts. Bakit sa loob ng walong taon, on something as important as this, 8 taon na wala pang desisyon? Dini-dribble lang ito. In effect, parang nilagay nila sa freezer, sa cold storage itong isyu na ito, at sa walong taon na ito, sige-sige lang itong mga telcos na walang reglamento mula sa NTC.

On Con-Ass

Q: The SC has dismissed the Lozano petition for being premature?

MAR: Dapat lamang. At ang dapat na bantayan natin ngayon ay ang convening, ang pagtawag, o ang pag-isyu ng invitation, iyong tinatawag na convening of the call for a constituent assembly by the House of Representatives. Iyan ang issue, iyan na ang hakbang na magiging justiciable na ito.

Q: After SONA daw?

MAR: Bahala sila dun. Kami naman dito sa Senado ay napag-mitingan na namin ito, matapos mag-adjourn ay nagkaroon ng caucus. Inutusan na namin 'yung legal panel ng Senado na paghandaan na 'yung pagkakataon na maging justiciable na ito, 'yung panahong hinog na para husgahan ng Korte Suprema ito, handa kami sa Senado para depensahan, hindi ang Senado, kundi ang ating demokrasya, ang ating Saligang Batas.

Q: Nandito kaya ang mga senador nun? Many of you would be out?

MAR: Who will be out? Kampante ako na ang mga senador ay gagawin nila ang kanilang mga trabaho. May panahon para sa politika at may panahon din para sa trabaho din. Ngayon lamang sa adjournment ng Senado, nakikita naman ninyo ang mga senador na nagtratrabaho dito.

Q: May mga senador daw na sasama sa con-ass?

MAR: Wala akong nadidinig na ganyan. Pero maraming mga haka-haka pero ang punto dito, kahit meron isa o 5 o sinuman ang pumunta sa con-ass na iyan na senador, ang punto ay, handing humakbang ang Senado bilang institusyon na ipaglaban ang ating Saligang Batas. Isa o lima, pumunta sila, kahit 12 pa sila, hanggang ma-ratify iyan sa floor ng Senado, hindi iyan institutional action ng Kamara kaya walang saysay iyan.

MAR: Wala pa namang offensive act ang Kongreso. Hindi pa sila nagtatawag. Sa minuto na nagtawag sila, the act of convening, that makes it right and justiciable. And even when they announce it, just the mere act of announcing it, justiciable na iyon.

Kontra ako sa con-ass. Dedepensahan ko ang ating Saligang Batas, dedepensahan ko ang ating demokrasya.

News Latest News Feed