Press Release
June 30, 2009

Transcript of interview with Straight to the Point
with Ely Saludar, RMN DZXL

POLL AUTOMATION

Saludar: Nasa alanganin po ang pinapangarap ng lahat na magkaroon ng automated, iyong poll automation natin sa 2010 elections. Sa panig po ng Senado, ano po ang pwedeng gawin dito para maibsan o maresolba ang problemang ito sa Comelec?

Chiz: Una sa lahat Elly, ikinagulat namin ang bagay na iyan. Pangalawa, internal matter iyan sa pagitan ng mga miyembro ng joint venture na Smartmatic at TIM. Away at bangayan nila iyan. Kung saka sakali ayusin nila, kung hindi nila maaayos, maganda na sigurong ngayon din nangyari kaysa naman mag-away sila sa gitna ng halalan at doon pa sila maghiwalay habang nag-aautomate na tayo. Baka blessing in disguise pa nga ito na maagang nalaman kaysa sa dulo natin nalaman at sa dulo ito pumutok.

Saludar: Sir, dito po ay maliwanag na hindi na makakapag-operate, na hindi na magpatuloy ang Smartmatic kung walang ka-partner na Pilipino?

Chiz: Maliwanag sa joint venture, kung wala ng joint venture, walang pipirma ng kontrata. Iyong pinag-uusapang option na papasok sa kontrata ang Comelec at Smartmatic, Malabo yata iyon. Maraming legalidad at teknikalidad na magkakabuhul- buhol po sila kung saka sakali.

Saludar: So, hindi po pwede yung binabanggit ni Chairman Jose Melo?

Chiz: Dapat sundin ng Comelec ang batas, ang nakalagay dun sa batas bago mag-automate, dapat subukan muna ito sa highly urbanized cities, dalawang probinsya sa Luzon, dalawang probinsya sa Visayas at dalawang probinsya sa Mindanao , bago tayo mag fully automate. Inexercise dapat ng Comelec iyong option na iyan, hindi nga option eh, na sumunod sa batas, dahil iyan naman talaga ang tinatalaga ng batas.

Saludar: So dapat iyon pala talaga ang inuna, kung iyan ang nakatalaga sa batas

Chiz: Eh nagmamadali po silang lahat. Lahat gusto na mag fully automate.. Hindi na po pinansin iyong batas at ang itinuturo nila ay iyong ARMM. Anim na probinsya naman daw sa ARMM daw ang nag-comply na rin daw sa batas. Sabi ko, una ang nakalagay ay Luzon, Visayas at Mindanao . Pangalawa, iyong ginamit ho nating sistema sa ARMM, hindi naman poi yon ang gagamitin natin ngayon eh. Totally different, totally new, kakaiba at moderno ang gagamitin ngayon ng Smartmatic at TIM na hindi pa po natetesting kahit kailan, saan mang parte ng Pilipinas.

Saludar: So ito ho, kapag ganito ho at talagang matindi ang problema ng Comelec, Senator malamang na balik ho tayo sa mano mano?

Chiz: Mayorya ng bansa, oo. Pero may panahon po ang Comelec, ulitin ko na sumunod sa batas. Kaya pa, kung mag... sila ng automation para sa dalawang probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao .

FOREIGN TRIPS OF PGMA

Saludar: Alright, samantala sa iba pa nating issue Senator at isa ho kayo sa sumisilip din sa mga foreign trips ng Pangulong Arroyo, ang sinasabi eh no nooed for GMA to justify iyong kanyang mga foreign trips. Bukod doon, marami hong paliwanag, may mga full page ads sa mga pahayagan, iyong Miles for Progress. Ano pong masasabi niyo dito?

Chiz: Nakakatawa Elly, wala daw kailangang ipaliwanag, hindi daw kailangang magpaliwanag, eh sino bang nagpapalabas ng mga advertisements na iyan? Maliban doon, tama lang naman na i-advertise ng Pangulo, kung hindi man siya mismo magsabi o kinatawan niya itong mga pakinabang natin sa mga byahe niya. Tama din siguro na sabihin kung ito'y pribadong byahe, nagpahinga ang Pangulo, gastos niya ang sariling pera. Wala namang masama po doon. Tama lang din ho iyon kasi hindi naman pwedeng 24/7 nagtatrabaho ang isang tao. Pero, importante at kailangan malaman ng ating mga kababayan.

Saludar: Pero ang binabanggit ho ng Malacanang ay hindi naman ho naglalamyerda o nagpapasarap daw ang Pangulo at ang mga kasama diyan, pagod at puyat at talagang naghihikayat ng mga investors para maglagak ng puhunan dito sa ating bansa at isinusulong, mapainit ang diplomatic relations ng Pilipinas sa ibayong dagat..

Chiz: Alam niyo, iyong dinidikit sa Pangulo na talagang pagod at puyat dahil kita naman natin kahit dito sa bansa, masipag si Pangulong Arroyo. Pero kasama niya, labimpitung congressman at bawat isang congressman na iyan may silbi. Kasama niya kung ilang mga gabinete at bawat isa rin sa kanila ay may silbi.. Ang hiling ko lang naman, una ipaliwanag at ipaintindi sa taong bayan iyong pakinabang ng mga byahe niya dahil mahirap tayong bansa at hindi magandang tignan na byahe ng byahe ang Pangulo natin habang napakaraming naiwan dito na naghihirap. Pangalawa, kung talagang kailangan iyong byahe, sana maghigpit naman ng sinturon. Sana magtipid naman ng kunti. Imbes na labimpito o dalawampung congressman ang kasama, baka naman pwedeng dalawa o tatlo na lamang, kung sino lang talaga ang kailangan.

Saludar: Okay, Senator salamat po sa inyong oras sa RMN.

Chiz: Maraming salamat din at muli sa ating mga kababayan, magandang umaga po.

News Latest News Feed