Press Release
November 28, 2009

SENATOR MAR ROXAS' SPEECH BEFORE THE LP STANDARD
BEARERS' FILING OF COCs

Wala kami dito kung wala kayo. Ang matibay na bato na tinutungtungan ni Senador Noynoy, Senador Mar at lahat ng senador ng Partido Liberal, ang lahat ng kandidato ng Partido Liberal, ay ang tiwala at ang pagtitiwala na ipinagkakaloob sa amin ng sambayanang Pilipino. Kayo po iyon. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat. Maraming salamat po sa inyong pakikiisa sa ating laban para sa matuwid, para sa matapat, para sa tama.

Nakita na natin, nararanasan natin, damang-dama natin kung ano ang nangyayari kung baluktot ang pamunuan, kung ninanakaw ang ating pera, kung katiwalian ang nagha-hari-hari sa ating bansa. Gutom ang mga kababayan natin, walang trabaho, mahal ang gamot, walang pag-asa.

Kasama po ninyo, Senador Noynoy, Senador Mar, ang ating mga senador, sa harap po ng simbahan, sa harap po ng aming mga mahal sa buhay, sa harap po ninyong lahat, sa harap po ng sambayanang Pilipino, hinding-hindi po namin bibiguin ang tiwala na ipinagkakaloob po ninyo sa amin. Sama-sama tayo, lalaban po tayo. Una kayo, bago ako. Una ang bayan, bago ang sarili.

 

ROXAS' INTRODUCTION OF SENATOR NOYNOY AQUINO

Sabay-sabay po tayo, sabayan niyo ako: Ang nasa puso natin, "nobody, nobody, nobody, nobody but Noy"

Minamahal na kababayan, pinakamalaking karangalan ko po sa aking buhay na sa makasaysayang araww na ito, sa mga sandali bago ang pormal niyang ihahain ang kanyang kandidatura sa Comelec, ang ipresenta sa inyo, ang magdadala ng ating pag-asa, ang magbabantay ng ating mga pangarap ay maisasakatuparan, ang siyang magbabantay ng katarungan para sa bawat mamamayang Pilipino, ang magtataguyod ng masiglang ekonomiya para may trabaho, may dignidad, dangal, ang bawat mamamayang Pilipino.

Isang tao na, kahit ano pa mangyari, hindi babahiran ang magandang pangalan na ipinamana ng kanyang dakilang ama, ang ating bayaning si Ninoy Aquino, at ang kanyang ina na ating mahal na mahal na si Cory Aquino. Hindi niya tinalikdan ang tawag ng panahon, hindi nagbingi-bingihan sa ating tinig na dapat siya ang magdala ng ating bandila.

Mga minamahal na kababayan, ang susunod na Pangulo ng ating bansa, Noynoy Aquino!

News Latest News Feed