Press Release
January 25, 2010

Transcript of interview with Sen. Manny Villar

Villar: Mabuti naman sa ngayon ay nakita natin ang mga issues at naipaliwanag. Nagapapasalamat ako sa aming mga kasamahan. Ito naman talaga ang desisyon na inaasahan natin. Kaya nga hindi ako sumasali sa hearing na ito dahil maliwanag naman na walang katarungan akong makukuha rito. Yung isa nga sinasabi, ayaw ko raw sumagot. Kayo, iniinterview ninyo ako. Dalawang taon na ito, napapagod na ako. Isang daang interview na ang binigay ko, pumupunta pa nga ako sa mga opisina ng diyaryo para magpaliwanag. Dinala ko na ang media doon sa C-5. Nagpagawa na kami ng mga pamphlets, nilagay namin sa internet. Nag-advertize na ako, nagsalita na ako sa floor. Lahat na ginawa ko pero maliwanag na ayaw makinig. Kaya sabi ko, useless. Isa pa, kapag tiningnan mo naman, lahat ng nag-aakusa ay puro kandidato sa pagkapangulo o kaalyado nila. Tapos gumawa ng rules na sarili, sila nag-hear, sila rin ang nagdesisyon. Hindi ba nakakatawa naman iyan? Nakakahiya nga sa Senado ang ganyan. Hindi ako nagugulat dito dahil ito na ang inaasahan ko. Pero maliwanag na wala akong ginagawang masama dito, at ang proyektong ito ay magbibigay ng benepisyo sa 6 milyon na kababayan natin na taga Cavite, Las Pinas, Paranaque at buong Southern Luzon kasi ang mga taga Makati, Taguig, Quezon City ay makakapunta. Kaya napakahalaga nito. Ito nga ay isnag proyekto na pinagmamalaki ko. At ng iba pang mga kasamahan sa pagbubuo nito.

Q: Sabi ni Sen. Jinggoy, sagutin nyo daw punto por punto.

Villar: Sinagot ko na iyan punto por punto doon sa unang beses na nagsalita ako sa floor. Televised pa nga iyon. At lahat ng interview, napakarami na, nasa website na nga, nasa pamphlet na. so sa mga manonood na gustong malaman iyan, tumingin na lang sa internet. O sumulat sa amin at padadalhan namin ng pamphlet o kaya bumisita doon sa C-5. Open lahat. Matagal ko nang nasagot lahat iyan. Paano ka magkakaroon ng hustisya, puro kalaban mo naman sa pulitika ang nandyan. Kaya hindi nakakagulat.

Q: Hindi kayo magpi-privilege speech?

Villar: Ayoko munang magsalita. Ang ayoko lang, yung didiktahan ako kung kelan ako magsasalita at kung ano ang aking sasabihin. Walang makakapagsabi sa akin kung kelan ako dapat magsalita at kung ano ang aking sasabihin.

Q: Ano po ang masasabi ninyo sa pag-withdraw ng signature ni Sen. Jinggoy and Sen. Kiko?

Villar: Doon sa bagay na iyon, medyo masakit iyon sapagkat itinuturing ko naman silang mga kaibigan. Paano naman magbabago ang kanilang pananaw, wala namang hearing mula nang pirmahan nila iyon at nung pumirma sila sa report. Paano naman nangyari na nagbago ang kanilang opinyon?

Q: Kaibigan pa rin po ba ang turing ninyo sa kanila?

Villar: Oo naman. Ang totoo niyan, lahat naman ng mga senador ay kaibigan pa rin ang turing ko. Hindi ako nakikipag-away. Alam nyo naman ang personalidad, hindi ako mahilig makipag-away. Tingin ko pulitika lamang iyan, dahil sa eleksyon lamang iyan, nag-panic nung ako ay dumidikit na, biglang ninerbyos, ayan inilabas na uli ang dalawang taon nang issue. Pero okay na rin iyan. Anytime naman handa akong sagutin iyan pero sa labas, sa tao. Kasi dito sa Committee dito, wala naman akong nakikitang magkakaroon ako ng katarungan dito. Sabi nga ni Sen. Joker, si Ninoy Aquino mismo noong malaman niyang hindi siya magkakaroon ng hustisya sa Military Commission noong Martial Law, hindi sumali. Dinismis pa nga ang lawyer niya. So walang masama doon.

Q: May choo-choo train ka naman daw...

Villar: Joker Arroyo, Nene Pimentel, Miriam Defensor, Alan Cayetano, Pia Cayetano, paano mo naman sasabihing choo-choo train iyan? Ito ay mga taong talagang napakatagal nang subok sa batas, pakikipaglaban para sa karapatang pantao. Hindi naman choo-choo train siguro iyan.

Q: Sino po ang sinabi ninyong nag-panic?

Villar: Ang Liberal. Sila ang nag-leak nito. Maliwanag naman na nag-panic ang Liberal Party dahil sila naman ang nag-leak diba? Hindi naman nili-leak ang committee report talaga, pero sinadya nila dahil nga doon. Pero sa akin, okay lang iyan. Pulitika lang naman ito at alam naman ng tao iyan. Basta ako Masaya, bukas naman ang C-5, nagagamit na ng 6 na milyong kababayan ko sa Cavite, Las Pinas, Paranaque, Taguig, Makati. Happy na ako diyan. Napakagandang proyekto ito at dapat ipagmalaki.

Q: After this, botohan mauuwi. Magpa-participate ba kayo?

Villar: Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng ating mga kasamahan. Sinasabi ko nga, hindi naman ako sumali dito sa mga hearings na ito. Sa ating mga kababayan, ito hong mga hearings na ito ay isang side lamang po ito, wala ang panig namin dahil hindi nga ako sumali. Kaya itong nag-hearing dito ay lahat ng nag-accuse. Ewan ko kung may makikita sa history natin na ganito ka-one sided. Palagay ko, kamukha lang ito nung nangyari kay Ninoy Aquino.

Q: Dalawa na po kayo ni Senate president na sasabihin sa publiko kung ano man ang nilalaman ng committee report.

Villar: Talaga naman. Ibang partido sila, ibang partido kami, may eleksyon. Normal naman iyon na magpapalitan kami ng akusasyon sa isa't isa. Hindi naman nakakagulat iyan.

Q: May koneksyon daw ang C-5 issue sa balak na coup sa Senate?

Villar: Ewan ko kung may kinalaman ang C-5. Ang nabasa ko sa diyaryo, kung saka-sakali magkagulo sa eleksyon, kailangan bago ang pangulo ng Senado. Pero hindi ako nakikialam diyan. Ang mahalaga sa akin ay itong report ay makita ng tao ang katotohanan. Wala talaga akong ginagawang masama dito, gumagawa lang ako ng kabutihan. Gusto kong mawala ang trapiko sa aming lugar, nagawa ko naman. Ipinagmamalaki ko.

Q: 100% owned nyo daw ang Adelfa at hindi ninyo dineclare?

Villar: Alam ninyo isa pang kasinungalingan na yung Adelfa daw ay hindi dinilvulge na kami ang may-ari. Kami po ang may-ari nun. Pero humingi po kami ng opinyon ng Department of Justice para masiguro na walang mali doon. Nagbigay ng opinyon ang DOJ na walang conflict of interest. Iyan po ay kasama sa isina-submit namin noon. Kaya malaking kasinungalingan na naman iyan.

News Latest News Feed