Press Release
February 2, 2010

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW
WITH RMN'S ELY SALUDAR

On SWS survey

Q: Nangunguna ka pa rin dito sa bagong SWS survey at ang layo niyo po senator sa inyong mga kalaban....ano pong masasabi niyo dito?

MAR: Maraming-maraming-maraming salamat po sa ating mga kababayan sa kanilang patuloy na pagtitiwala kay Mr. Palengke.

Q: 'Yung rating ni Sen. Noynoy, bumaba kumpara sa nakalipas na survey. Ano kaya ang maaaring gawin dito ng LP?

MAR: Well, nananatiling kumpiyansado si Senador Noynoy, ako mismo, ang buong partido at ang mga sumusuporta kay Senador Noynoy na matibay ang tayo ni Senador Noy. Kung makikita natin, Ely, kung ikukumpara nung nakaraang buwan, ang bilang ni Senador Noy ay steady, nasa 40%. So iyong suporta niya ay hindi naman nababawasan. Kung meron man, maliit lang, may margin of error lang. Iyong pagdami ng porsiyento ni Senador Villar ay nanggaling sa ibang kandidato. At sa kabila ng limpak-limpak na salapi - eh talaga namang ang dami ng ads niya eh - ay talagang inaasahan naman natin ito, ine-expect natin ito. Pero pagdating po ng campaign period, may panlaban na din po si Senador Noynoy para sa ads at lalong mag-e-stabilize na din yan.

Q: As per Prof. Benito Lim na isang political analyst, hindi daw po kasi natutumbok iyong pagsagot sa Hacienda Luisita issue ni Senador Noynoy. Dapat daw kasi niya itong sagutin dahil nakakagambala ito sa isipan ng mga botante....

MAR: Itong Hacienda Luisita issue, matagal ng issue ito at matagal na ring nasagot ito. Matagal na din itong nahatulan na ng korte at ng mga opisyal na iyong agrarian reform, 'yung land reform na isinagawa diyan ay LIGAL. Gayunpaman, sabi ni Senador Noynoy, handa siyang i-surender o ipamigay, hindi na niya i-ke-claim, ang kanyang bahagi, ang kanyang parte diyan...I think it's about 5% eh. Hindi naman siya ang mayorya.

On tuna fishing ban

Q: Ipinagbawal na itong pangingisda ng tuna sa Western and Central Pacific. Anong maitutulong ninyo sa ating mga manggagawa?

MAR: Malaking isyu ito, Ely. Dahil nandun ako nung nagsimula itong tuna industry sa Gen San at malaki ang pagtutulungan natin diyan. Ito naman ay, bakit naman biglaan ito? Ang dalas naman tayong binibigla. Ang ating DFA - Department of Foreign Affairs - ay dapat matagal ng alam ito dahil international treaty ito eh. Ang mga mangingisda natin sa Gen San, 'yung mga nagta-trabaho sa mga cannery o yung mga de-lata na tuna, eh hindi naman nila trabaho na bantayan itong international treaty na ito. Isang halimbawa ito kung paano tayong napapabayaan ng gobyerno. Kawawang-kawawa tayo eh. Nagbabayad naman tayo ng mga diplomats, nagbabayad naman tayo diyan sa DFA pero parang hindi pa rin natin napaghandaan ito.

Ganunpaman, dapat masugid nating inaapela itong international treaty na ito para manatiling bukas ang mga fishing grounds ng ating mga tuna fishermen. Nung DTI ako, hindi nangyari ito. Bakit ngayon nangyayari ito?

On Economy

Q: Sabi ni Sec. Neri ng SSS, mukhang ang economic growth ng admin ay hindi sapat dahil ang nangyayari ngayon ay ang mayaman ay lalong mayaman?

MAR: Tamang-tama ka diyan. Dahil sa kabila ng "Ramdam ang Kaunlaran" na advertisement ng administrasyon o kaya ng mga full-page ads na inilalabas nila...ang laki-laki ng perang itinatapon nila sa mga diyaryo, sa mga advertisers na 'ganito noon, ganito ngayon' pero ang totoo, walang pagbabago. In fact lalo tayong nalubog sa kahirapan, lalong nawalan ng pag-asa ang mga kababayan natin, lalong mas mahirap ang kabuhayan ngayon. At iyan ang dahilan kung bakit isinusulong natin ang pagbabago. Iyan ang layunin ni Senador Noy, Senador Mar na magkaroon tayo ng pagbabago. Mahirap tayo, ginugutom tayo, wala tayong pag-asa dito sa bansa natin dahil sa kurakot. Dahil ninanakaw ang pera natin. Dahil ang desisyon ng gobyerno pansariling interes lamang ang hinahabol, hindi pansabayanan. Kaya para magkaroon ng pagbabago, kailangan natin, kailangan ng ating bansa ang isang lider na malinis, na walang bahid, katulad ni Senador Noynoy.

CLOSING STATEMENT:

Maraming-maraming salamat po sa ating mga kababayan na patuloy na nagtitiwala at sumusuporta kay Mr. Palengke. Tinatanggap ko po ito bilang inspirasyon, bilang sagradong obligasyon ko na suklian ito ng isang malinis, matapat na pamumuno.

News Latest News Feed