Press Release
February 12, 2010

TRANSCRIPT OF NP STANDARD-BEARER MANNY VILLAR'S
 SPEECH CAVITE SORTIE

Unang-una po bilang taga-Las Piñas ... halos masasabi ko na taga-Cavite na rin ako. Alam na alam ko ang Cavite. Karamihan po ng aking mga proyekto ay nasa Cavite.

At masasabi ko po sa inyong lahat ito: na wala ng kandidatong pagkapangulo ang magmamahal sa Cavite na mahigit sa akin.

Siguro sa lahat ng mga kandidato, ako po ang pinakamaraming naibigay at nagawa para sa Cavite. At nakikita ko po ngayon na tayo ay maraming pwedeng gawin. Yung MRT (extension), matagal ko nang isinusulong din yan pero hanggang ngayon hindi pa nabubuo. Dapat mabuo na yang MRT, at pagtutulungan naming ni gobernador 'yan (referring to NP gubernatorial candidate and former vice gov. Jonvic Remulla)

(On the jingle "Naging Mahirap")

Alam po ninyo, marami po ang nagtatanong sa akin kung ano ba ang ibig sabihin nang 'nakaligo ka na ba sa dagat ng basura." Kinukuwento ko kasin sa lahat ng nag-iinterview sa akin, sabi ko nung ako'y bata sa Tondo, squatter lang kami noong araw eh. Hindi ko po ikinakahiya yan eh, ipinagmamalaki ko pa 'yan. Siyam po kaming magkakapatid, isang kulambo, isang banig.

Pagka bumabagyo, takbuhan na kami sa kalye. Doon lang kami nakakatikim maligo, ng swimming. Sa pusali, sa maraming basura dahil malapit kami sa Smokey Mountain. Yun lang ang pagkakataon naming magswimming,.

'Nagpasko ka na ba sa gitna ng kalsada?' Ang sabi ko pag pasko, nagtitinda rin kam sa Divisoria maski Linggo, dahil malakas ang benta ng hipon. Kapag nagtitinda ka sa palengke, kailangan alas onse, alas dose pa lang, namamakyaw ka na. Namimili kami mga dalawa hanggang tatlong banyera ng hipon. Kaya madalas, mga alas dose o Noche Buena, naabutan kami sa Divisoria. Subalit ako'y nagtataka, napakaraming nagtatanong, sinasabi sa akin 'hindi ba sobra naman yan, hindi ba exaggerated yan?' Hindi ba dinadagdagan mo iyan? Ang sabi ko sa kanila, alam ninyo hindi niyo talaga nauunawaan ang mga mahihirap. Ang totoo niyan, yung mahihirap, mas grabe pa diyan. Talagang nararamdaman ng mga mahihirap yang mga bagay na yan.

Nararamdaman yung walang pangmatrikula, yung kailangan tumigil sa pag-aaral ang ilan sa mga anak, yung walang makain.

Isa sa apat na pamilyang Pilipino ang walang makain, nakakatikim ng gutom.

Naranasan ko na mamatayan ng kapatid dahil wala kami pera pampagamot. Wala kaming magawa nung aking nanay, nakatingin kami sa kapatid namin pero ipinapagamot namin yun pero wala eh, hindi kaya. Kaya nararamdaman ko yung talagang nararamdaman ng mga mahihirap. Kaya nagtataka ako pag sinasabi nilang 'totoo ba 'yan?'

Sabi ko, bulag ba kayo? Hindi niyo ba nakikita ang tunay na kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino?

'Tunay ka bang isa sa amin?' Sapagkat lahat po ng kandidato, sila daw po ay dating mahirap. Meron pang humihingi ng piso-piso. Subalit ang aking tanong ay talaga bang mahirap ka o haciendero ka? Papano ka naman naging mahirap eh may hacienda kayo?

Subalit yung mahihirap, hindi malaman kung saan kukuha ng pampagamot. Hindi malaman kung saan kukuha ng pangmatrikula, hindi malaman kung saan kukuha ng pagkain, hindi malaman kung paano magkakabahay ng disente. Pagkatapos sasabihin 'hindi ba sobra naman yan?'

Sinasabi ko sa kanila hindi niyo po nalalaman milyong milyong Pilipino pa rin ang ganyan ang pamumuhay.

Ako po'y pinalad, inaamin ko naman. Subalit naniniwala po ako na ang taong hindi marunong lumingon sa pinaggalingan, hindi makakarating sa paroroonan.

Kaya't iyan po ang kadahilanan kung bakit mayron po yang awitin na yan. Iyan po ang dahilan kung bakit ako'y kumakandidato bilang Pangulo ng Pilipinas. Panahon na po para tapusin itong kahirapan na ito ng isang tao na talagang dumaan diyan.

Nauunawaan niya at nagpakita na ng kakayahan na kayang lutasin yan. Naging Speaker po tayo, naging Pangulo ng Senado. Naging businessman din.

Mahalaga din kasi malaman ng tao, 'kaya mo ba yang sinasabi mo?' Sinasabi mo mga plataporma, madali sabihin yan. Madali ipagawa yan sa mga speechwriters. Pero ang tanong: kaya mo ba gawin yan? Ikaw ba'y may karanasan na? Nasubok nab a ang kakayahan mo? Sapagkat kung hindi, kawawa na naman yung mga mahihirap. Pagkatapos ng eleksiyon, maghihirap na naman.

News Latest News Feed