Press Release
February 17, 2010

Transcript of interview with Senate President Juan Ponce Enrile
(Cabanatuan Nueva Ecija)

Q: Manong Johnny nais ko munang bigyang daan itong nakalap kong simpleng resume ninyo, kayo po ang kasalukuyang Presidente ng Senado ng Pilipinas (14th Congress), kilala kayo sa tawag na Manong Johnny ng inyong mga malalapit na kaibigan. Manong Johnny, kayo po ay nagtapos ng kolehiyo sa Ateneo (Cum laude) at nag-aral po kayo ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan kayo ay nagkamit ng parangal na Cum laude at Salutatorian at nabigyan din po kayo ng scholarship upang makapag-aral sa Harvard Law sa Boston, Estados Unidos kung saan kayo po ay nagpakadalubhasa sa International Tax. Marami kayong mga katangian Manong Johnny, kayo pala ay naging guro ho ng batas sa Far Eastern University at tinitingala ho bilang isang luminaryo ng batas at isa sa pinakamahusay na abogado ng inyong henerasyon. Ngayon, bilang isang public servant kayo po ay may napakalawak na karanasan sa pamumuno sa executive department at kayo po ay naging under secretary at acting secretary ng Department of Finance, naging chairman kayo ng Board of Directors ng PNB, acting head ng Insurance Commission at acting commissioner ng Commission on Customs. Kaya dito sa inyong mga naging katungkulan Manong Johnny hindi po matatawaran itong integridad at walang bahid na reputasyon at kayo po ay naging isang masugid na secretary ng Department of Justice noong panahon ng rehimeng Marcos. Kayo pala Manong Jhonny ay itinalaga bilang secretary of national defense sa panahon po ng batas militar ngunit ng maglaon ay inyo pong binatawan ang posisyon upang makibahagi sa Edsa Revolution na nagpatalsik sa diktatorya ni Pangulong Marcos. Kayo pala Manong Johnny sa lehislatura ay nagsimula bilang assemblyman ng Interim Batasan Pambansa at kayo po ang kinatawan ng Cagayan Valley Region (Region II). Una kayong naluklok sa senado noong 1987 pagkatpos ng Edsa Revolution naging congressman mula sa Cagayan (1992-1995) at dahil po sa hindi matatawarang track record ninyo sa paggawa ng mga batas at paglilingkod sa bayan kayo po ay muling hinalal ng taumbayan sa mga sumunod na senado mula 1995 hanggang sa kasalukuyan. Kaya hindi na rin po mabibilang ang inyong mga pinanukalang batas na tunay na nakatutulong sa lahat ng sektor ng lipunan Mr. Senator, partikular sa sektor ng pananalapi, agrikultura, sa mga guro,kabataan, senior citizens, may kapansanan at mga mahihirap. Ilan po dito ay ang comprehensive tax reform programs, sin taxes, value added tax, value fuels act at kamakailan lamang po ay lubos na ipinaglaban itong anti tax on text at kinastigo ninyo rin ng todo itong mga malalaking communication companies hinggil sa mga additional na charges na pinapataw sa mga cellphone users. Ilan po sa inyong mga adbokasya Mr. Senate President, itong pong pag-amyenda ng Epira Law upang mabawasan ang mataas na singil ng kuryente at inyo pong kinalaban ang pag-alis ng Purchased Power Adjustment (PPA) at ang mga hindi makatwirang dagdag na charges sa ating electric bills. Yan po ay pahapyaw Mr. President ano ang sa inyo?

JPE: Alam mo yan ang mga dinaanan ko sa buhay, kaya nga sinasabi ko na sa mga panahon na ito wala ng mga problema ng bansa na hindi ko alam, hindi na ako nag-aaral dahil pare-pareho lang yung problema natin at pauli-ulit yan. Kaya ako tumakbo muli ngayon sapagkat marami pang gagawin dahil nandiyan ang mga problema ng insurgency sa Luzon, nandiyan yung problema ng MILF sa Mindanao, nandiyan ang kahinaan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at nandiyan ang mga problema ng kalusugan natin, kabuhayan, katahimikan at lahat na ng umiiral na katarungan ng bansa na kailangan ayusin, lalong lalo na yung mga panggigipit sa ating mga consumer kagaya nitong problema ng fuel, ng gasolina at diesel. Yung ating sinalang na Anti-Trust Law ay magiging lunas niyan ay nakabinbin sa house of representatives ,hindi umaandar kaya gusto kong tapusin yun bago man lang ako'y matulog ng mahimbing ng walang hanggan. Kaya ako tumakbo ngayon para sa senador at hindi lamang yan dahil nga ako'y na-assign ni dating Pangulong Erap na maging lider ng kanyang senatorial slate ng Puwersa ng Masang Pilipino sapagkat yun nga ang paninindigan ng PMP na ipaglaban yung sa pangkarapatan at interes ng mga kapos-palad sa ating bansa, mga magsasaka, mangingisda, teachers, laborers, mga tsuper, tricycle drivers, small businessmen natin at micro business tsaka senior citizens. Yan ang dahilan kung bakit ulit nanindigan ako ngayon at sinasabi ko sa bayan na alam po ninyo taun-taon nagkakaroon ng patalastas, nagkakaroon ng halalan sinasabi natin para sa mahirap tayo pero karamihan diyan pagkatapos ng eleksyon ay nakakalimutan yung para sa mahirap ang nangyayari para sa kanilang sarili. Kaya sa darating na halalan dapat siguro pag-isipan ninyo na gamitin ang inyong boto na suriin na mabuti itong mga tao na humaharap sa inyo at piliin yung karapat-dapat na hahawak ng kapangyarihan hindi lang sa salapi, hindi lamang sa popularidad kundi sa kakayahan, sa utak, karanasan, dedikasyson at sinseridad sa panunungkulan sa bayan.

Q: Mr. Senate Pres., ang pangunahing layunin ng partidong PMP ay peace and order, sa inyo pong opinion ano po ang mas mahalaga peace and order o paglaban sa corruption?

JPE: Parehong kasama yan sapagkat alam mo yung corruption ay may kaugnayan sa peace and order sapagkat walang sapat na gastusin ang gobyerno para pangalagaan ang katahimikan. Alam mo ang isang bayan na walang katahimikan ay talagang marupok at yung mga tao nalilito at hindi makapaghanapbuhay ng mahinahon at mahusay kaya yan ang basic reason kung bakit may gobyerno may katahimikan. Ang matahimik na lipunan, masaya ang mga tao at kung masaya sila, sila ay malakas ang loob na maghanapbuhay at kung may hanapbuhay sila, malusog sila at ang pinaiiral nila ang katarungan ng bansa dahil kung walang katarungan sa bansa yan ay tumutulak at tumutulong sa kaguluhan ng bayan. Alam mo lahat ito kailangan lalung-lalo na yung kumakandidato ng presidente, pag-aralan nila ang kabuuan ng problema ng bansa at tingnan nila kung saan nila uumpisahan, bigyan ng rules ang problema ng bayan sapagkat hindi naman nila magagawa ng sabay-sabay, kailangan umpisahan mo kung saan ka komportable at pagkatapos nun pumunta ka sa kalunasan, kabuhayan at katarungan. Pero ang sentro ng objective or policy ng PMP ay patahimikin muna ang bansa natin.

Q: Mr. Senador, ano po ang unang hakbang ng inyong partido, itong partido ng Puwersa ng Masang Pilipino upang mapatupad yung peace and order sa bansa natin?

JPE: Kailangan pairalin ang batas, sinisinu-sino ang batas, mapamalakas ang puder, walang kapangyarihan, may kapangyarihan, mayaman, mahirap, patas-patas lang sapagkat yan ang patakaran ng batas natin. Bayaran ang patas-patas sa batas ngayon kung mayaman nababayaran nila ang kanilang kaso, yung mga mahihirap napipiit kung mayaman pwedeng gumawa ng krimen hindi inimbestiga dahil nasakal rin ng kayaman, yung mga mahirap sila ang napapatay at natatamaan. Yan ang problema pati ang peace and order ng bayan may kaugnayan pati sa treatment ng tao sa loob ng lipunan o yung walang impluwensiya hindi makakakuha ng trabaho yung may impluwensiya nakakakuha ng trabaho. Nagkakaroon ng hinanakit yung tao, masama ang loob niya gagawa ng kaguluhan.

Q: Eh di mas apektado ho Mr. Senator yung ating mga dayuhang investor kapag hindi ayos ang ating peace and order situation ano ho?

JPE: Tama yun ang problema natin ngayon kabuhayaan, kung wala tayong mga turista na pupunta dito na gagastos ng kanilang pera, walang mga banyaga na may pera na magnenegosyo dito eh hindi sapat ang ating kakayahan na magtayo ng mga gusali ng negosyo para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan ng dahil diyan yung mga nahihirapan at gusto nilang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak at mga pamilya ay umaalis pumupunta sa mga mahihirap na lugar kagaya ng Iran o Haiti para ng sa ganun magkaroon sila ng hanapbuhay. Karamihan sa kanila napipinsala, inaapi doon, nabibilanggo, napupugutan ng ulo at namamatay. Yan ang dahilan kaya sana maiayos natin ang ating bayan, mapatahimik natin at kasama riyan ang corruption para hindi ginigipit yung mga magnenegosyo dito ,ay palagay ko uunlad ang ating bansa. Hindi ginagawa ng mga nakaupo pagkatapos na sla'y nakaupo, sila yung nangunguna, sila yung gumagawa ng gulo sa ating bansa kaya ganyan ang nangyayari.

Q: Mr. Senator, ano ba itong napaulat na tila nagkakairingan kayo ni Senador Aquilino Pimentel Jr. na may kinalaman dun sa illegal fish collected mula sa importers at sa mga broker?

JPE: Alam mo itong si Nene ay nagsasalita sa likuran hindi ako harapin, harapin niya ako't ipresinta niya yung mga tao na sinasabi niya na ako'y sinasangkot sa mga ganyan. Ako awa ng Diyos di ako gumagawa niyan eh, pawang kasinungalingan yan, paninira yan, hindi ako gumagawa ng ganyan magmula pa nung ako'y pumasok sa gobyerno. Yan ang masama kay Nene, kaya yan ay hindi nananalo dun sa kanyang probinsya sa eleksyon, itinataboy yan dahil alam nila na masama ang ugali. Patalikod kung tumira yan kaya gusto ko sana harapin niya ako. Imbestigahan niya yung kaso, isiwalat at ilabas niya yung mga tao na nagpaparatang sa akin, alam ko na yung mga tao na yan eh, yan ang mga humihingi ng tulong kung anong mailuklok sila sa trabaho dun sa Customs, hindi ko pinayagan sapagkat alam ko na mga kawatan yan. Alam ko kung sinong mga kawatan diyan, kung sino ang mga nakakonekta sa ibang mga senador, mga asawa ng mga senador na kawatan.

Q: Mr. Senate President ang Department of Agriculture po ay may mga iba't-ibang pamamaraan dito po sa pinapalaganap sa mga magsasaka natin para mabawasan ang malubhang epekto po ng EL Niño sa ating mga pananim, para sa inyo Mr. Sen. Pres. ano po ang pinaka-epektibong paraan para malabanan ang lalalang epekto po ng EL Niño sa ating bansa lalung-lalo na dito sa Central Luzon?

JPE: Alam mo yan bunga ng desisyon ay nature, wala tayong mgagawa kung walang ulan kaya ang gagawin diyan gagawa ang gobyerno ng paraan para magkaroon ng artificial rain o cloud seeding na sinasabi. Ginawa namin noong panahon ni Marcos yan inumpishan naming noon yan.

Q: Senate President, ito po bang sinasabi ninyong cloud seeding kaya po ba itong pondohan ng ating gobyerno sa ngayon?

JPE: Mayroon pondo yan eh, mayroong pera ang Department of Agriculture para diyan, nandiyan yung calamity fund ng Presidente, marami yung pera na nakalaan para diyan, kailangan at importante yan, dapat gawin yan, priyoridad yan sapagkat pag hindi natin iangat at magkakaroon tayo ng food riot sa Pilpinas.

News Latest News Feed