Press Release
March 9, 2010

Transcript of Radio Interview with Senate President Juan Ponce Enrile
and DZAT Quezon anchor Jet Clavera (Punto por Punto)

On Enrile's Advocacies

JPE: 'Yung presyo ng lahat ng mga communication natin, ganun din ang presyo ng power rates, kailangang maibaba 'yan sapagakat hindi tayo pwedeng lumaban sa larangan ng ekonomiya ng ibang bansa kung mataas ang presyo ng ating produksyon. Dapat 'yan, para umunlad ang bayan, magkaroon ng kaligayahan ang sambayanang Pilipino, sapagkat gusto ni Enrile "Happy Kayo", ay kailangan maayos lahat, itong mga bagay na ito, lalong-lalo na 'yung mga consumer natin, 'yung mga mamimili na pinagsasamantalahan ng mga negosyante. Nagsasabwatan sila para itaas ang mga presyo, kailangang maayos din 'yan. Kagaya nitong mga nagnenegosyo sa langis, gasolina, diesel at iba pa.

Q: Opo. Manong, marami na kayong napatunayan sa sambayanang Pilipino, Senator Enrile, na inyong nagawa, na inyong naipaglingkod sa atin. Maliban po rito sa binabanggit niyo, pagtutol sa power rate hike, ano pa po ang maibibigay natin sa ating mga kababayan, Senator Enrile?

JPE: Pagbalik ko sa Senado ay kailangang usisain ang kabulukan ng ating lipunan at bantayan 'yung mga lumalabag na batas para hindi sila makapipinsala sa kapakanan ng mga nakakarami. At 'yung mga batas na ipapasa roon ay para sa ordinaryong Pilipino sapagkat 'yung mga may-kaya sa buhay ay hindi sila nangangailangan ng gobyerno. Iniiwasan nga nila ang gobyerno. Pero ang nangangailangan ng gobyerno natin 'yung mga maliliit. Alam naman ang mga lugar na depressed. Kailangan 'yan ang tutukan natin para umangat ang kanilang kalagayan at matuto silang mamuhay ng sarili at hindi umaasa sa tulong ng gobyerno.

On Poverty

Q: Ilang katanungan lang po na bigay ng ating mga tagapakinig, Senator. Inamin daw po ni Economic Adviser Joey Salceda na mas dumami ang mahihirap simula ng manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Reaksyon niyo po rito, Senator?

JPE: Tama 'yun. Umunlad ang ating ekonomiya pero ang nangyari, marami sa middle class ang bumaba sa poverty line. Marami sa mga mayayaman bumaba sa middle class. Kaya 'yung middle class natin naging very narrow. Ibig sabihin niyan, dumadami ang tao kada increase ng economy natin. 'Yung increase ng population natin, 'yan ang downturn ng certain sectors of the economy. Kaya kailangan diyan, turuan natin ang ating mga kababayan na maghanap-buhay at 'yung mga hindi marunong maghanap-buhay ay gumawa tayo ng paraan para sila ay magkaroon ng trabaho.

Q: Tama po. Kung babalikan po natin Senator 'yung mga naging programa ng ating Pangulo na may kinalaman sa poverty alleviation, ano po ang higit na dapat pinagtuunan ng pansin para mas naging epektibo ito?

JPE: Tama 'yung sinabi mo --- poverty alleviation. Pero dalawa 'yan, iba 'yung solution of poverty at saka 'yung relief of poverty. Kapag ni-relieve mo lang, pakakanin mo, tama na 'yon. Manggagaling din 'yon sa gobyerno. Hindi naman limitless ang pondo ng gobyerno. Nandoon pa rin 'yung problema.

Q: So, kailangan talaga ay tutukan po ito ng susunod na magiging Pangulo ng Republika ito pong mga problema kaugnay sa kakulangan ng pagkain, programa sa edukasyon para sa ating mga kabataan, Senator?

JPE: Tama 'yon kaya pinopropose ko na buksan natin ang Pacific side ng ating Republika. Lagyan natin ng kalsada para 'yung mga lupain diyan na may mga lawa, maraming tubig diyan na hindi nagagamit ay gamitin upang magkaroon tayo ng additional productive areas for food at employment.

Q: Ito po ay possible pero kailangan n'yo raw ng malaking budget Senator?

JPE: Hindi. Pwede naman umpisahan ng paunti-unti. Hindi naman biglaan 'yan. Inumpisahan ko na 'yan sa aking lugar sa Cagayan, sa kadulu-duluhang bayan sa Pacific Side ng Luzon.

Q: So ito po ay kailangang na lamang maipagpatuloy pa?

JPE: Tama.

On Insurgency

Q: Kasi nagkasundo po ang ilang UN agencies, Office of the Presidential Adviser for Peace Process para sa isang $2.5 million na programa para sa mga magsasakang apektado ng insurgency. May legal na proseso po ba para masigurado na mapupunta talaga ang budget ng naturang programa sa magsasaka natin, Senator Enrile?

JPE: Kailangan tutukan 'yan ng mamamayan at tingnan kung pupunta 'yan sa targeted subjects at kung hindi man ay parusahan ang gumagawa ng katiwalian.

Q: Ano po ang tamang paraan para malutas ang problema ng insurgencys sa ating bansa? Ito po ang sinasabing dahilan kung bakit hindi tayo nakakaangat sa kahirapan. Isa po itong insurgency, Senator.

JPE: Kailangan ay bigyan ng hanap-buhay 'yang nasa kabundukan at 'yung matitigas ang ulo, walang ibang paraan kung hindi sugpuin sila.

On the Campaign

Q: Kumusta po ang paglilibot niyo naman sa buhay-pulitika Manong Johnny sa buong bansa? Kailan kayo bibisita sa buong Timog Katagalugan?

JPE: Nakapunta na ako diyan. Ilang beses na akong nakapunta sa Quezon. Mayroon kaming sortie, pupunta kami sa Bicol. Tuesday dadaan kami sa Quezon. Pupuntahan naming 'yang Bondoc Peninsula dahil mahirap ang buhay diyan at 'yung ibang parte ng Quezon Province. Marami namang mauunlad na lugar diyan. 'Yung mga areas na hindi pa nadedevelop, 'yun ang pupuntahan namin sapagkat 'yan ang patakaran ng Pwersa ng Masang Pilipino na pinangunguluhan ni Erap Estrada.

Q: Dahil sila ay naniniwala sa inyong kakayahan Manong Johnny, bawat tayo n'yo po sa Senado ay natutuwa po ang mga taga-Quezon lalo't higit 'yung mga taga-Bondoc Peninsula na sabi n'yo nga ay hanggang ngayon ay hirap pa rin ang buhay hanggang sa kasalukuyan, Senator Enrile.

JPE: Alam naman natin 'yung mga lugar na depressed. Kailangan 'yan ang tutukan natin para gumaan ang kanilang kalagayan at matuto silang mamuhay ng sarili.

On General Bangit

Q: May tanong po rito, Senator Enrile, ano raw po ang komento niyo sa bagong AFP Chief of Staff natin?

JPE: Alam mo 'yang problema ng Chief of Staff, nasa Commander-in-Chief 'yan. Kailangan kabagang niya. Kailangan may kumpiyansa siya sa tao na 'yon. Alam mo naman, tao lang tayo, mayroon tayong pinagkakatiwalaan na tao, mayroon din tayong pinagdududahan. Kaya 'yung Commander, pinipili niya 'yung mga tauhan na sa kanyang kaisipan ay maaari niyang mautusan na gagawa ng dapat gawin para sa bayan. Kaya 'yan ang dahilan. Alam ko naman na si General Bangit is a professional soldier, graduate of the Philippine Military Academy, at kung mayroon mang pansin sa kanya, sabihin nila kung bakit at bigyan siya ng pagkakataon na ipakita na siya ay makatao, makabayan at hindi makapansarili.

Q: Personal niyo pong kilala Senator si General Bangit?

JPE: Kilala ko siya.

Q: Baka meron pa po kayong mensahe Senator Enrile para sa mga kababayan nating nakikinig hindi lamang po sa Lucena kung hindi sa buong daigdig dahil tayo po ay dinig via internet. Senator Juan Ponce Enrile, marami po ang saludo sa inyo dahil despite po ng inyong edad ngayon ay kayo po ay malakas na malakas pa at nakakapagsilibi pa sa ating mga kababayan. Mensahe po, Manong Johnny Enrile.

JPE: Ako ang Manong Johnny ninyo sa Senado at gusto ko happy kayo. At sana, ako ay kandidato ngayon para sa pagka-Senador, number 15 sa balota ng Comelec, ay tulungan ako ng Quezon sapagkat malaking bagay ang tulong ng Quezon, napakalaki ng boto ng Quezon para ako ay makabalik sa Senado at gamitin ang aking kakayahan, karanasan at mga nadaanan sa problema ng bansa upang makatulong sa paglutas ng mga problema ng bayan natin.

News Latest News Feed