Press Release
March 12, 2010

Pera ni Villar, hindi uubra sa volunteers ni Noynoy

Ilang araw makaraang lumabas ang isang survey kung saan nangunguna siya ng dalawa hanggang apat na puntos, naniniwala si Liberal Party (LP) standard-bearer Benigno "Noynoy" S. Aquino III na tataas pa ang kanyang kalamangan sa ibang mga kandidato sa pagkapangulo dahil sa puwersang nagmumula sa mga volunteers ng LP.

Sinabi ni Aquino na marami siyang volunteers na pursigido at masigla kumpara sa kampanya ng katunggaling kampo na puro pera ang pinaiiral.

"We have a machinery based on people. They are volunteers, well-motivated, very energetic, have better efforts than those working on a salary basis. We see glimpses of these every day," aniya.

Noong nakaraang Martes, lumabas ang isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na kinomisyon ng Business World na nagsasabi na nakalalamang ng dalawang puntos si Aquino sa pinakamahigpit niyang katunggali.

Binigyang-diin ni Aquino na mismong ang pinuno ng SWS na si Mahar Mangahas ang nagsabi na ang +/-2 percent margin of error ay maaaring nangangahulugan na apat na puntos ang kanyang kalamangan kay Nacionalista Party (NP) presidential candidate Manny Villar. Ayon kay Florencio "Butch" Abad, campaign manager ng LP, patuloy na nanghihikayat ang LP ng mga volunteers upang paigtingin ang kanilang kampanya at upang tiyakin ang tagumpay ni Aquino sa darating na eleksiyon.

"Right now we are intensifying our volunteer recruitment because we're targeting to recruit 500,000 volunteers," ani Abad.

Dagdag pa ni Abad, si Villar ang dapat na mabahala dahil ang laki na ng kanyang nagastos para sa eleksiyon at matagal na itong nangangampanya--bago pa man magpasyang kumandidato si Aquino--ngunit hindi pa rin ito makalamang sa pambato ng LP.

He has practically thrown everything including the kitchen sink and yet he has not even managed to tie, much less get ahead of Aquino in the surveys," ani Abad.

News Latest News Feed