Press Release
March 17, 2010

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW WITH JOE TARUC

Q: Kamusta ang takbo ng kampanya?

MAR: Mabuti naman po. Kahapon po ay nandun kami sa Bicolandia at napakainit -- magmula sa Virac, sa Legazpi, sa Naga -- ay talagang ang mga kababayan natin ay nagpapakita ng suporta kay Senador Noynoy at kay Senador Mar.

Q: Noong nakaraang araw ay nabalitaan naming nagpunta kayo sa mga probinsiyang nasalanta ng tagtuyot, particularly sa Nueva Ecija at Pangasinan.

MAR: Opo. At dun naman po ay inaral natin kung paano mas maayos na mapapamahala iyong pag-release ng tubig sa mga dam. Pumunta po tayo sa San Roque dam at dun tsinek natin kung ano talaga ang patakaran. Dahil 'yung San Roque dam, sang-ayon sa mga namamahala dun, nasa kritikal na. Ibig sabihin, darating sa loob ng, sabi nila, 1 or 2 weeks, ay hindi na sila makapagpapalabas ng tubig dahil sobra ng kritikal 'yung lebel ng tubig dun. Ang masasalanta rito, ng tagtuyot na ito, ay 'yung mga magsasaka dun sa Pangasinan.

By the way, Manong Joe, Karen, ang Pangasinan ay taon-taunan, ay 1 million metric tons ang inaaning palay. Bale mga 7% ng total crop ng Luzon ay dun po nanggagaling. Ganun kalaki ang kontribusyon ng Pangasinan sa ating pangkabuuang suplay ng bigas.

Q: At in the meantime, ay marami pong magsasaka ang apektado at walang pinagkakakitaan ngayon...

MAR: Oo nga po. Ang talagang nakakaawa ay, baon na nga sila sa utang dahil hinihintay pa nila ang aanihin nila na pambayad sana ng utang at ng kung anupaman ang aanihin nila. Eh kung nasalanta ng tagtuyot, baon na sila sa utang, wala pa silang pera pambili ng binhi pagdating ng rainy season.

Q: Ang kahilingan ng ating mga kababayan diyan sa mga lugar na iyan ay kung maaari ay magkaroon muna ng moratorium sa pagbabayad ng kanilang mga pagkakautang sa Landbank diyan po sa naturang mga area...

MAR: Bukod pa dun, moratorium din dun sa tinatawag na irrigation fees dahil nga wala namang lumalabas na tubig, or kulang na kulang. Ang punto po dito ay talagang kailangan nating tulungan ang ating mga magsasaka. At itong policy ng kasalukuyang administrasyon, na taun-taunan ay 2 milyong tonelada ang inaangkat ay talagang maling-mali po tayo. Dapat tayo mismo ang magpakain sa sarili natin. At 'yung pera natin, dapat umikot dito sa loob, dito mismo sa loob ng bansa natin. Hindi iyong papalabasin natin dun sa Vietnam, o sa Thailand na ang mga magsasaka ang siyang nakikinabang sa pera natin.

Q: Kumbaga sila ang sina-subsidize natin kesa natutulungan natin ang ating mga local farmers?

MAR: Tama po iyon. Ang policy po ni Senador Noynoy at ni Senador Mar ay talagang pipilitin po natin na tayo ay makakapag-suplay sa ating sarili ng ating kakainin.

On being anti-Muslim

Q: Dun sa Lanao, binansagan kayo ni Senador Drilon na anti-Muslim dahil dun sa pagpepetisyon ninyo dun sa MOA-AD sa Korte Suprema. Ano po ba talaga ang isyu dito?

MAR: Ang totoo po dito ay hindi naman po kami anti-Muslim. Kami po ay pro-Saligang Batas, pro-unity ng ating bansa. Eh 'yung MOA-AD na iyon na nilabanan natin hanggang sa Korte Suprema, ang punto po nun ay hahatiin ang ating bansa. 'Yung malaking bahagi ng ka-Mindanawan, kasama ang bahagi ng Palawan at 'yung karagatan sa kalagitnaan nun, ay mapupunta sa Bangsamoro Juridical Entity. Isang gawa-gawa lang ito ng administrasyong Arroyo na magkakaroon ng kapangyarihan na parang bagong bansa. Meron silang kapangyarihan o karapatan para mag-international observer. Iyong mga mineral resources, oil resources, fishing resources. Ibig sabihin, lahat po ng mga karagatang iyon ay mapapasa-kanila. Baka mangailangan pa tayo ng visa para pumasok dun sa bahagi ng bansa din natin. Eh maling-mali po iyon. Lahat tayo nagnanais ng kapayapaan. Pero huwag naman na hahatiin natin o mabubuwag iyong bansang Pilipinas.

Q: Baka meron kayong panawagan sa mga lugar na hindi niyo pa nararating...

MAR: Sa ating mga kababayan na nakikinig po sa DZRH, magandang umaga po. Maraming-maraming salamat po sa inyong mainit, matamis, talaga namang kitang-kitang maganda ninyong pagsalubong kay Senador Mar Roxas at kay Senador Noynoy Aquino. Kami po ay umiikot para iprisinta po ang aming plataporma. -Unang-una, para sa pagkakakitaan ng ating mga kababayan para sa laman ng tiyan, laman ng bulsa ng bawat mamamayang Pilipino.

Pangalawa, ang kalusugan po natin, 'yung sa Cheaper Medicines, sa universal healthcare na sinasabi po natin matagal na. Ang bawat mamamayang Pilipino, dapat may healthcare. Hindi lamang iyong pinagbibigyan ng barangay captain o iyong mayor o iyong congressman, hindi po. Lahat po dapat magkakaroon ng Philhealth: iyan po ang programa ni Senador Noynoy at ni Senador Mar. At pangatlo po, para sa edukasyon ng ating mga kabataan. Iyan po ang maibabaon nila para sa magandang kinabukasan.

Tiyan, kalusugan, at lamang utak -- edukasyon. Iyan po ang susi sa ating kinabukasan.

News Latest News Feed