Press Release
March 20, 2010

WALANG BAGONG BUWIS SA AQUINO-ROXAS ADMIN - MAR
PAGHULI SA MGA TAX EVADERS, SMUGGLERS UUNAHIN KAYSA BAGONG BUWIS

Hindi magpapasa ng bagong buwis ang isang Aquino-Roxas administration at mas uunahin ang pag-aayos ng tax collection system, ayon kay Liberal Party vice presidential candidate Senator Mar Roxas.

Ayon kay Roxas, nakalulungkot na daan-daang milyong pisong taripa at buwis ang nawawala sa pamahalaan dahil sa pakikipagsabwatan ng mga tiwaling opisyal sa mga big-time tax evaders at smugglers.

Tiniyak ni Roxas na magiging huling opsyon para sa kanila ni Aquino ang panibagong buwis para matugunan ang napakalaking budget deficit na iiwan ni Pangulong Arroyo.

"Kolektahin muna natin ang dapat na kolektahin. Ang estimate ngayon ay mahigit sa P200 billion ang hindi nakokolekta, ang naaaksaya," ayon kay Roxas.

"Bakit naman natin pabibigatin ang buhay ng mga nagbabayad ng buwis samantalang marami ang hindi nakokolekta ng gobyerno natin? Ayusin muna natin ang sistema bago natin isipin iyang mga karagdagang buwis na iyan," dagdag pa niya.

Iginiit pa niya na sa ilalim ng Aquino-Roxas administration, rerepasuhin ang mga patakaran sa pagpapataw at pangungulekta ng buwis, magkakaroon ng mga repormang dapat gawin para mapahusay ang kuleksyon, at magsasagawa ng isang masusing pagbusisi sa pamumuhay ng mga opisyal at tauhan ng mga ahensyang nangungulekta ng buwis gaya ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.

Babala ni Roxas, walang puwang ang mga corrupt officials at government workers sa isang administrasyon na pamumunuan nila ni Aquino. Maging ang mga malalaking kompanya na mapapatunayang hindi nagbabayad ng buwis at nagpupuslit ng mga kontrabando ay kanilang tutugisin at ipakukulong.

"Wala tayong sasantuhin sa ilalim ng Aquino-Roxas administration. Lahat ay hahabulin natin at kung sinuman ang mapatunayang nagkasala ay ating papatawan ng kaukulang parusa," paniniyak niya.

News Latest News Feed