Press Release
March 24, 2010

BATAS NA MAGPROPROTEKTA SA MAHIHIRAP,
CONSUMERS KAILANGAN - ENRILE

CLAVERIA, QUEZON - NANINDIGAN si Senate President Juan Ponce Enrile na isusulong niya ang batas na magbabawas sa halaga ng kuryente, langis at komunikasyon sa bansa kasabay nang pagdidiin na kailangan ng Pilipinas na makasabay sa kumpetisyon sa pandaigdigang merkado.

"Hindi tayo puwedeng lumaban sa ekonomiya ng ibang bansa kung mataas ang presyo ng ating produksyon. Dapat magkaroon ng kaligayahan ang sambayanang Pilipino. Gusto ni Enrile 'Happy Kayo,'" ang masayang pahayag ni Mr. Enrile sa Radyo DZAT sa lalawigan.

Sinabi ni Mr. Enrile, kinakailangang maipasa ang batas na magbibigay proteksyon sa consumers mula sa mga sakim na negosyante na nagdidikta at kumukontrol ng presyo ng langis, kuryente at komunikasyon.

Ayon kay Mr. Enrile, kandidato sa pagkasenador ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP), hihilingin niya sa kanyang mga kasama sa Senado na magbalangkas ng batas na makikinabang ang mga pangkaraniwang Pilipino. "The rich do not need a government. Iniiwasan nga nila ang gobyerno. Ang nangagailangan ng gobyerno ay ang mga maliliit."

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, sinabi ni Mr. Enrile na isinusulong niya ang pagpasa ng Senate Bill No. 3197, na kilala sa tawag na "The Competition Act of 2009" na magbabawal sa mga negosyante na magmonolpolyo at abusuhin ang kapangyarihan sa merkado sa pamamagitan ng pagkokontrol at diskriminasyon sa presyo, pandaraya sa bidding, limistasyon at control sa supply at iba pang mga katulad na pandaraya.

Si Mr. Enrile ang walang pangingiming bumatikos sa Globe at Smart sa patuloy na pagsuway sa kautusan ng National Telecommunication Commission na nag-aatas sa mga kumpanya ng telekomunikasyon na gawing "per pulse" ang singil sa mga telephone users.

News Latest News Feed