Press Release
March 24, 2010

PANDESAL GAWA SA TURKISH FLOUR, NAKAKANSER
TULAD NG MAGIC SUGAR!

Iginit ni Senate Minority Leader Aquilino Q. Pimentel, Jr. kahapon na dapat na ring ipagbawal ng pamahalaan ang importasyon ng Turkish flour sa harap ng mga report na ito'y kontaminado at pwedeng pagmulan pa ng kanser ang pandesal na gawa sa naturang harina.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Pimentel na kung gaano kabilis na pinatawan ng ban ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang "magic sugar" ay ganun naman kabagal ang pagkilos nito laban sa Turkish flour.

"Like magic sugar, which is already banned in the US, Turkish flour is believed to be carcinogenic and all imports should be immediately stopped," anang senador.

"While the government acted promptly and expeditiously in the case of 'magic sugar', it seems to be taking its own sweet time in the case of Turkish flour," aniya.

Nauna rito ay nanawagan si Pimentel sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at BFAD na imbestigahan ang mga report na nalalagay sa peligro ang maraming Pilipino dahil sa pagkain ng pandesal at iba pang tinapay na gawa sa Turkish flour.

Sinabi ni Pimentel na parang "Russian roulette" ang ginagawa ng pamahalaan sa kaligtasan ng mga Pilipino sa di nito pagbabawal sa importasyon ng Turkish flour, na ang 81 porsyento ay natuklasang kontaminado ng mycotoxins, sa isang pag-aaral na inilathala ng Journal of Food and Drug/ Vol. 16, No. 2, 2008 at may titulong "Total Aflatoxin, Aflatoxin B1 and Ochratoxin A Levels in Turkish Wheat Flour."

Idinagdag ni Pimentel na dapat magduda ang pamahalaan kung bakit ang Turkey ay nag-iimport pa ng harina para sa pansariling gamit ng mga mamamayan nito, gayung tone-tonelada ng Turkish flour ang idina-dump naman nito sa ibang bansa.

"When one refrains from consuming what one produces, questions are raised," aniya. "Why should we eat bread made from flour which its own producer does not want to touch?"

Hindi gumagamit ng Turkish flour ang malalaking panaderya sa Pilipinas dahil bukod sa bagsak ito sa kanilang standard, ang tinapay na gawa rito ay maitim, may kakaibang amoy at magaspang.

Ito ay ginagamit ng maliliit na panaderya na nagnanais lumaki ang kita sa pagbebenta ng pandesal, pan de limon at pan de coco, na maaari namang pagmulan ng sakit.

Ang Turkish flour ay may report na ipinapasok sa bansa sa pamamagitan ng technical smuggling o undervaluation. Noong 2009 at unang dalawang buwan ng 2010 ay tinatayang P20 milyong kita ng pamahalaan ang nawala dahil sa technical smuggling ng Turkish flour.

News Latest News Feed