Press Release
March 25, 2010

Transcript of Interview of Senate President Juan Ponce Enrile
w/ DYPR Palawan anchor Roger Lagasca

Q: Manong Johnny, magandang umaga po.

JPE: Magandang umaga sa iyo, Roger, at sa DYPR. Sa lahat ng nakikinig sa atin, gusto ko happy kayo diyan.

Q: Sinabi po ninyo na kayo ay handang mag-bitiw bilang Pangulo ng Senado sakaling magkaroon ng failure of elections, subalit idinagdag naman ninyo na wala kayong nakikinitang dahilan para magkaroon ng failure of elections. Papaano po ninyo ito nasabi, Mr. Senator?

JPE: Ay totoo yan, sapagkat alam ko na magkakaroon tayo ng elections, mayroong automation at handa ang Comelec. Sinabi ni Chairman Melo ng Comelec na kuru-kuro at spekulasyon lang yang sinasabing walang eleksyon at magkakaroon ng failure of elections. Eh sino ang paniniwalaan natin dito, yung mga nagsasabi na walang eleksyon? May plano ba sila na guluhin ang bansa?

Q: Kaugnay po nito nabanggit po ninyo na nakahanda naman po kayo na bitiwan ang kapanguluhan ng Senado just in case na mangyari nga ang scenario?

JPE: Just in case mangyari ang ganyang scenario, ako mismo, sarili ko, kusa ko, wala ng magsasabi sa akin sapagkat ako'y matagal na sa gobyerno. Alam ko ang ginagawa ko. Ako na mismo ang hahanap ng paraan na magkaroon ng peaceful transfer of power, magbibitiw ako kaagad. Ako na ang pupulong sa mga Senador. Hinanda ko na yan eh, mayroon na akong statement na nakahanda na ipupublika. Bukas siguro ituturo ko kung paanong paraan ang gagawin.

Q: So wala pong katotohanan ang mga bali-balitang kaya daw hinihiling ang inyong pagbibitiw dahil ito'y hindi ninyo lilisanin at pag hindi ninyo nilisan ang presidency ng Senado mahirap kayong ikudeta ng inyong mga kasamahan?

JPE: Alam mo itong mga nag-sasalita ng ganyan, unang-una wala silang karanasan. Pangalawa, ambisyoso sila. Pangatlo, mayroon silang agenda. Gusto nilang makontrol yung proseso ng canvassing of votes ng presidente at bise presidente. Pang apat, talagang nag-sasalivate sila na maging Senate President muli. Ang mga kaaway ko, sa karamihan meron naman yung mga well-intentioned na mga kasama natin, mga kababayan natin, pero yung mga promotor niyan, yung mga nag-sasalita, sinubukan na nila ako. Kinausap na nila ako na sila ang may gustong maging (Senate) President(e). Eh di kung mayroon kayong sapat na number, anytime, maski ngayon ipakita ninyo sa akin. Ibibigay ko sa inyo itong pwesto na ito pero mayroon ako namang obligasyon dun sa mga Senador na nagluklok sa akin diyan sa kapangyarihan na yan. Igagalang ko yung kanilang desisyon na ako ang maging Senate President, hindi lang kayo.

Q: Yes, Senator Enrile. Kasunod po ng pag-lutang ng sinsabing military take over scenario ay nagkaroon din ng ugong na magkakaroon ng panibagong people power. Dapat po bang iwasan ng mga pulitiko, tulad ng pagpapalutang ng issue kung saan tila nagagamit na panakot ang military junta at people power?

JPE: Alam mo Roger, nililito nila, ginogoyo nila at tinatakot nila ang kaisipan ng sambayanang Pilipino. Iyang mga yan ay wala namang karanasan, sumasakay lang sila sa issue. Sumasakay lang sila sa pangyayari para magkaroon sila ng paraan na umangat ang buhay nila, umangat ang pangalan nila, umangat ang interes nila. Ganoon ang ginagawa ng mga yan. Nangyari na yan noong EDSA1. Nangyari yan noong EDSA2 at gusto nila mangyari sa EDSA3. Ilan diyan ang pinabayaan si Erap tumakbo, natakot, at sila mismo ang nagtulak na matanggal si Erap.

Q: Senator Enrile, ngayon pong araw na ito ay nakatakdang dumalaw kayo dito sa Palawan. Maaari po bang maibahagi natin sa ating mga kababayan ang inyong mga campaign activities na magaganap?

JPE: Meron kaming motorcade diyan sa Puerto Prinsesa. Pagkatapos ay mag-co-courtesy call kami kay Mayor Ed Hagedorn. Magkakaroon kami ng rally at pagkatapos ng pananghalian eh lilipat kami sa Mindoro Occidental, mga dakong alas-dos ng hapon.

Q: Ang Palawan po, Mr. Senator ay mayaman sa langis.

JPE: Mayaman kayo sa langis, mayaman kayo sa mina, mayaman kayo sa tourist spots. Basta ang Palawan, mayaman.

Q: Ang isa po sa issue po ngayon ay may isang oil drilling company na nais makipag-partner upang palaguin ang Gendara field dito sa Palawan. Sa palagay n'yo ba ay may kakayahan ang Pilipinas na maging less dependent sa importasyon ng langis, sakaling mag-tagumpay ang oil drilling project na ito?

JPE: Sa aking paningin eh mayroon tayong malaking deposito ng langis dito sa ating bansa, lalo na Sulu Sea, kaya palagay ko hindi tayo mababahala. Darating ang panahon mag-kakaroon ng langis din tayo. Kung mayroong langis sa Borneo, mayroon din diyan sa banda ng Palawan at Sulu Sea, palagay ko.

Q: Sa inyo pong pagdating sa Palawan ay baka mayroon kayong nais iparating na mensahe sa ating mga kababayan, Mr. Senator?

JPE: Roger, ang gusto ko lang sanang iparating ay huwag matatakot ang ating mga kababayan na may sinasabing magkakaroon ng failure of election, kudeta, military junta at kung anu-anong pananakot, magkakaroon ng power vacuum sa bansa. Wala po iyan. Huwag kayong maniniwala diyan sa mga ambisyosong tao na lumilinlang sa inyo. At saka isa pa, yung mga limpak-limpak na salapi na ginagamit upang umangat ang kanilang pangalan at para makatuntong sa kataas-taasang posisyon sa ating bansa, tayo po ay mag-iingat sapagkat tayo din ang mag-durusa pag nakaupo yang mga yan. Sapagkat yung pera na ginugugol nila sa eleksyon na napaka-laki ay babawiin nila yan. Impossible yun na gagastos sila para sa serbisyo publiko. Negosyo yan kaya mag-iingat kayo.

At si Enrile naman po ang inyong lingkod, Presidente ng Senado, matagal ng nag-lilingkod sa inyo, numero kinse sa balota ng Comelec wag sana ninyong kakalimutan sa araw ng halalan, sa May 10 at para maibalik sa Senado para tumulong sa paglulutas ng napakarami at napaka-bigat na problema ng bansa.

Q: Maraming salamat po Manong Johnny, at maligayang pagdating po sa Palawan sa araw na ito.

JPE: Salamat Roger, gusto ko happy ka at happy ang mga Palaweño.

News Latest News Feed